SAINTS OF DECEMBER: SAN NICOLAS
DISYEMBRE 6 SAN NICOLAS (ST. NICHOLAS), OBISPO A. KUWENTO NG BUHAY Lalo ngayong magpa-Pasko na, kasama natin lagi ang diwa ng santong si San Nicolas, ang dating obispo ng Myra sa Lycia, na ngayon ay bahagi ng bansang Turkey. Ang sikat na Christmas character na si Santa Claus ay hango sa totoong buhay ni San Nicolas. Si SantaClaus ay mahal ng mga bata dahil naniniwala sila na magpapamudmod siya ng mga regalo at pagkain sa Pasko. Ano ba ang kaugnayan ng character ni Santa Claus sa totoong obispo na pinagbatayan ng kanyang kuwento? Si San Nicolas ay may isang tiyuhin na obispo na ang pangalan ay Nicolas din. Dahil sa tiyuhin na ito, ang kanyang pamangkin na si San Nicolas ay naging isang pari at pumasok sa monasteryo kung saan naging pinuno siya doon ng mga monghe. Nang lumaon, si San Nicolas ay naging obispo ng Myra. Isa siya sa mga dumalo at lumagda sa dokumento ng “Council of Nicaea” noong taong 325, kung saan ipinagtanggol ng mga Kristiyano ang pananampalataya sa pagka-Dios ng Panginoong Hesukristo. Bilang obispo, si San Nicolas ay bantog sa kanyang pagiging simple at payak sa pamumuhay. Kilala rin siya sa kanyang pusong-bata, ibig sabihin, walang muwang sa kasamaan at kasakiman, tunay na inosente sa kasalanan. Maraming kuwento tungkol kay San Nicolas na tumulong siya sa mga nasasakupan niyang nagdarahop at naghihirap sa buhay. Ayon sa mga kuwento, binigyan niya ng salapi ang tatlong babaeng mahihirap upang makapag-asawa sila at upang hindi maging prostitute. Binuhay daw niya ang tatlong kabataan na pinaslang. At iniligtas niya ang talong magdaragat o “sailors” mula sa kapahamakan sa gitna ng dagat. Siya mismo ang nagdadala ng tulong sa mga nangangailangan. Ang pagiging bukas-palad niyang ito ang simula ng lumakas nang lumakas na alamat tungkol sa kanyang pagbibigay ng regalo o tulong sa mga bata. Sa kanyang buhay, nagpakita din si San Nicolas ng tanging paglingap at pagmamahal sa mga kabataan, kaya siya ay PatronSaint ng mga bata. Namatay si San Nicolas noong kalagitnaan ng 4th century, bandang taong 350, subalit buhay na buhay pa rin siya ngayon sa pamamagitan ni Santa Claus na mahal na mahal ng mga bata sa buong daigdig. Sinuman ang nakaisip na gamitin ang diwa at buhay ni San Nicolas at gawin itong modernong Santa Claus ay dapat nating pasalamatan dahil patuloy nating binibigyan ng halaga ang buhay ni San Nicolas. Bilang mga Kristiyano, dapat lamang siguro nating ingatan na sobrang ikabit sa ala-ala ni Santa Claus ang materyalismo ng panahon ng Kapaskuhan, na kadalasan ay sobra-sobra na at nalalayo na sa tunay ng kahulugan ng Pasko. Ingatan din natin na huwag matabunan ni Santa Claus ang misteryo ng Anak ng Diyos na si Hesus, ang tunay at pinakamahalagang regalo ng Diyos sa mundo. Bagamat sikat si Santa Claus, dapat ituro sa mga bata na ang tunay na nagbibigay ng mga mabubuting bagay ay ang Diyos mismo at hindi si Santa Claus. B. HAMON SA BUHAY Tuwing magpa-Pasko ba ay handa ka na ring magbigay saya sa iyong kapwa, hindi lamang sa pamamagitan ng mga materyal na bagay kundi sa pamamagitan ng iyong pakikinig, pagbibigay ng oras, pagbabahagi ng talino at lakas sa mga mahal sa buhay at sa mga nangangailangan? Kung meron tayong dekorasyon na Santa Claus sa bahay, opisina o paaralan natin, meron din ba tayong Belen kung saan makikita ng lahat ang sentro ng Kapaskuhan na si Hesus? Ngayong Adbiyento, mapaghandaan nawa natin na maging tulad ni San Nicolas sa pagiging bukas-palad at matulungin. K. KATAGA NG BUHAY Mt 19: 13-14 May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Langit. Share on FacebookTweet Total Views: 397
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed