SAINTS OF APRIL: San Isidro

ABRIL 4 (Obispo at Pantas ng Simbahan) A. KUWENTO NG BUHAY Narito na naman ang patunay na maaaring maging banal ang mga pamilya natin. Isinilang si San Isidro noong taong 560. Siya ay nagmula sa isang marangal na pamilya sa Sevilla sa Spain. Maaaring may dugong lahing Romano ang kanyang mga magulang o ninuno. Matapos pumanaw ng kanyang ama, ang kanyang kapatid na si Leandro ang nangasiwa sa pagpapalaki sa kanya. Ang tatlo niyang kapatid ay mga santo din—dalawang lalaki, sina Leandro at Fulgencio; at isang babae, si Florentina. Apat na magkakapatid na santo! Laking tuwa siguro ng kanilang mga magulang na siyang pinagmulan ng inspirasyon nila tungo sa kabanalan. Mataas ang pagtingin ni Isidro sa buhay ng mga monghe. Sumulat siya ng isang pamantayan ng buhay para sa kanila at ito ay naging batayan ng buhay sa mga monasteryo sa buong Spain. Hindi sigurado kung siya mismo ay naging isang monghe. Mas malaki ang posibilidad na hindi niya sinubukan ang ganitong buhay. Nauna sa kanya na maging obispo ang kapatid na si Leandro. Siya ang humalili dito pagkatapos. Bilang isang obispo, hinangaan si San Isidro sa kanyang pangangaral, sa mga himala, at sa mga isinulat niya ukol sa liturhiya at sa mga pinagtibay na disiplina ng pamumuhay sa Simbahan. Sa loob ng kanyang 40 taong paglilingkod, nagtagumpay siyang maakay sa pananampalataya ang mga tagasunod ng Arianismo at mabinyagan sila bilang kasapi ng Simbahang Katolika. Kayat inaalala siya bilang haligi ng pagpapanumbalik ng Katolisismo sa Spain. Mahalaga kay San Isidro ang edukasyon, lalo na ng mga pari at mga laykong naglilingkod. Itinayo niya ang isang institusyon para sa paghubog ng mga ito at siya rin ang naging unang tagapagturo doon. Naging tanyag ang paaralang ito kaya pinagtibay na dapat magkaroon ng ganitong mga institusyon ng kaalaman sa buong bansa. Ito ang mga binhi ng mga sumulpot na unibersidad noon sa Europe. Maraming akdang naisulat si San Isidro dahil sa kanyang galing sa pagsusulat at sa kanyang talino tungkol sa mga panitikan ng Simbahan sa Silangan. Hinangaan ang kanyang mga akda lalo na noong Middle Ages. Tinapos niya ang mga akda tungkol sa liturhiya na ginawa ng kanyang kapatid na si Leandro. Nang isagawa ang pulong ng Konseho ng Toledo noong taong 633, si San Isidro ang nanguna sa mga pagtitipon at diskusyon ng mga mahahalagang pakay. Hinangaan ang kanyang karunungan na damang-dama ng lahat ng mga dumalo at nakasaksi. Namatay si San Isidro noong 636 at kinilala bilang kapantay ng mga matatalinong iskolar at mga guro tulad nina San Gregorio Magno, Cassiodoro, at Boezio. Tinanghal din siya bilang isang Pantas ng Simbahan. B. HAMON SA BUHAY Sa pagsusulat, pangangaral, pagtuturo, at paglilingkod, pinatunayan ni San Isidro na handa siyang ibigay ang lahat at gawin ang lahat para sa Diyos at sa kapwa. Maging ganito din sana ang ating kahandaan na ilaan ang mga kaloob na bigay sa atin ng Diyos para sa kanyang higit na kaluwalhatian. K. KATAGA NG BUHAY 2 Cor 4:5 Hindi nga ang aming sarili ang ipinangangaral namin kundi si Jesucristo na siyang Panginoon; at mga lingkod naman ninyo kami alang-alang sa kanya. From the book Isang Sulyap sa mga Santo ni Fr. RMarcos; photo from FB, Bar San Isidro Central Share on FacebookTweet Total Views: 188