SAINTS OF APRIL: San Juan Bautista de La Salle

ABRIL 7 (Pari) A. KUWENTO NG BUHAY Kapag sinabing De La Salle sa ating bansa ay agad nating naiisip ang magaling na paaralan na karibal ng Ateneo. Minsan naiisip din natin ang grabeng trapik sa harap ng De La Salle sa tuwing uwian ng mga estudyante. Pero sino nga ba ang taong nasa likod ng sikat na pangalang ito? Nagmula sa Rheims, France si San Juan Bautista de la Salle at isinilang siya noong 1651. Nag-aral siya sa seminaryo ng lungsod na iyon at pagkatapos ay naging ganap na pari noong 1678. Taong 1680 naman ay tinapos niya ang kanyang doctorate sa teolohiya. Noong una, siya ay nahirang na isang canon (mga paring naglilingkod nang magkakasama sa katedral). Pero iniwan niya ito matapos niyang ipahayag na may iba pa siyang nais gawin bilang misyon ng kanyang buhay. Iyan ay ang edukasyon ng mga mahihirap na kabataang lubhang nangangailangan ng tulong sa kanilang paglago bilang mabubuting tao. Itinatag niya ang religious congregation na Brother of the Christian Schools at sinimulan nilang isagawa ang kanilang misyon na magtatag ng mga paaralan. Maraming tumutol sa ginawang pagbabago ni San Juan dahil na rin sa hindi niya pagsingil ng matrikula sa kanyang mga unang paaralan para nga makapasok ang mga mahihirap. May ipinasok din siyang bagong istilo ng pagtuturo sa mga kabataan. Kung dati ay Latin ang wikang ginagamit sa mga silid-aralan, ngayon naman ay nais niyang matuto ang mga bata sa tulong ng wikang Pranses, ang katutubong wika sa kanilang bansa. Naisipan din niyang talikuran ang mga lumang pamamaraan ng pagtuturo at subukan ang mga bagong pamamaraan na mas kagigiliwan ng mga murang isip ng mga estudyante. Dahil dito, tinatawag na Father of Modern Pedagogy (ama ng modernong istilo ng edukasyon) si San Juan. Ang orihinal na pakay ni San Juan ay maglingkod lamang sa pangangailangan ng mga mahihirap na kabataan. Subalit dahil sa isang mungkahi at kahilingan ng isang maimpluwensyang tao, nagbukas siya ng pintuan para sa mga estudyante mula sa mga pamilya ng mga mararangya. Lumaganap sa buong mundo ang mga paaralan ng Brothers at maging sa Pilipinas ngayon ay maraming nagnanais na mabahaginan ng katalinuhan at paghubog mula sa kamay ng mga eskpertong guro ng De La Salle. Nasaksihan ni San Juan ang mga tagumpay at pagsubok ng kanyang kongregasyon. Sa bandang huli, siya ay tahimik na namuhay bilang isang tagapaghubog sa mga bagong kasapi. Nagsulat din siya ng ilang mga aklat at pagninilay. Namatay siya noong taong 1719 at naging santo noong 1900. B. HAMON SA BUHAY Maraming mga tao ang taimtim sa kanilang hangarin na tumulong sa mga mahihirap nating mga kapatid lalo na sa panahon ng mga kalamidad. Subalit ang tunay na pagtulong ay dapat tuluy-tuloy hanggang matutong tumayo sa sariling paa ang mga mahihirap. Ano kaya ang magagawa mo para maging bahagi ng paglago ng isang taong puwede mong matulungan? K. KATAGA NG BUHAY Mt 18:2-3 Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit.” From the book Isang Sulyap sa mga Santo ni Fr. RMarcos; photo from La Salle Campus de Barcelona Share on FacebookTweet Total Views: 211