SAINTS OF JANUARY: SAN ANTONIO, ABAD
ENERO 17 A. KUWENTO NG BUHAY Nang una kong makita ang isang imahen ni San Antonio Abad sa parokya ng aking kaibigang si Fr. Darwin Calderon, nagulat ako kasi may kasama si San Antonio na isang baboy sa kanyang tagiliran. Ano ang kinalaman ng isang alagang baboy sa buhay ng isang abad o abbot(ibig sabihin, pinuno ng mga monghe; kinuha sa salitang abba ang kahulugan ay “ama”)? Tuklasin natin maya-maya ang kaugnayan na iyan. Ipinanganak si San Antonio, Abad sa Ehipto noong taong 250. Noong 20 taong gulang na siya, nabasa niya sa Bibliya ang sipi mula sa Mateo: 19:21 na nagsasabing kung nais maging ganap, ipagbili ang mga ari-arian at ipamigay sa mga dukha, upang magkaroon ng kayamanan sa langit. Hindi nag-aksaya ng oras is San Antonio at sinunod niya ng literal ang mga salita ng Panginoong Hesukristo. Dahil patay na ang kanyang mga magulang, ginamit niya ang pinagbilhan ng kanyang mga ari-arian para sa pag-aaral ng kanyang kapatid na babae at ng iba pang mga dalaga o birhen. Iniwan niya ang kanyang kapatid sa pangangalaga ng mga dalagang ito. Pagkatapos, niyakap ni San Antonio ang buhay panalangin at sakripisyo. Dito naranasan niya ang maraming tukso ng katawan at isip at nakipaglaban din siya sa demonyo na palaging gumagawa ng mga kasindak-sindak na bagay para siya ay takutin at saktan. Nanirahan siya sa mga puntod sa sementeryo, na dati ay pinaniniwalaang tirahan ng demonyo (tingan sa Mk 5: 2-5). Patuloy ang panggugulo sa kanya ng demonyo at lalo pang kahindik-hindik ang anyo nito tuwing magpapakita sa kanya at tuwing sasalakayin siya nito na halos mamatay na sa pagod at hirap si San Antonio. Subalit hindi nila maaaring matalo si San Antonio dahil sa lakas ng kanyang pananalig kay Kristo at dahil sa nagpapakita sa kanya ang Panginoon upang bigyan siya ng lakas ng loob. Maraming mga larawan ang iginuhit upang ipakita kung paano hinarap ni San Antonio ang mga demonyong gumugulo sa kanyang pag-iisa at pananalangin. Naging inspirasyon ng maraming artists ang kanyang pakikipagbuno sa mga demonyo kaya naging sikat ang bahaging ito ng kanyang buhay. Lalong inisip na San Antonio na lumayo kaya lumipat siya sa disyerto upang doon ay lalong sugurin niya ang balwarte ng demonyo, dahil paniniwala din na nasa disyerto ang demonyo. Sa disyerto, lalong nagtagumpay si San Antonio laban sa kanyang kaaway. Dahil nakikilala na ang kanyang kabanalan, maraming tao ang nagnais na sundan ang yapak ni San Antonio, at nagpuntahan sila sa disyerto upang sundan ang banal na taong ito. Dumami ang nagnais na magsabuhay ng kanyang halimbawa kaya nakilala siya bilang “Ama ng mga Monghe” at ama ng monastesismo. Kung tutuusin hindi naman si San Antonio ang nagpasimula ng mga monasteryo sa disyerto dahil mas marami pang nauna sa kanya sa pagsunod sa ganitong uri ng buhay. Pero siya ang unang nagbigay ng matatag na patakaran para sa isang pamayanan ng mga monghe na nakatalaga sa paglilingkod sa Diyos na Maykapal. Ang buhay ni San Antonio Abad ay nakarating sa atin sa pamamagitan ng mga sulat ni San Atanasio, na nabanggit na sa aklat na ito bilang pangunahing kalaban ng maling doktrina ng mga Arians. Kakampi ni San Atanasio si San Antonio sa pakikipaglaban sa mga Arians tungkol sa tamang doktrina ng simbahan. Nang dumating ang pag-uusig sa mga Kristiyano sa panahon ni Emperador Diocletian, ninais ni San Antonio na tumugon sa tawag ng pagiging martir. Handa siyang mamatay kasama ng ibang mga Kristiyanong pinahihirapan dahil sa pananalig kay Kristo. Pumunta siya upang makiisa sa kanila subalit sa kabutihang-palad, hindi siya ginalaw ng mga kaaway ng mga Kristiyano kaya bumalik siya sa disyerto. Pero bakit nga ba may baboy na katabi si San Antonio sa kanyang mga larawan at imahen? Si San Antonio ay naging bantog bilang isang mapaghimalang patron na nagpapagaling ng mga sakit sa balat o skin disease. Noong panahon niya, sinasabing gumamit siya ng taba ng baboy upang ipahid na parang langis sa mga sugat ng mga maysakit na lumalapit sa kanya. Ito ang dahilan at may katabi siyang baboy. Mayroon ding nagpapalagay na si San Antonio daw ay dating tagapag-alaga ng mga baboy, siguro bahagi ito ng kanyang dating kayamanan. Kaya daw siya ngayon ang patron ng mga may-ari ng piggery farms. Pero ang huling paliwanag na ito ay hindi nakabatay sa tunay na kasaysayan ni San Antonio. Ayon kay Fr. Rey Reyes, maaari ding ikahulugan na ang baboy ay simbolo lamang ng mga pakikipaglaban ni San Antonio sa demonyo, sa kamunduhan at sa kasalanan. Pumasok sa langit na tahanan si San Antonio noong taong 356 sa edad na 105. B. HAMON SA BUHAY Lutang na lutang ang pagiging masigasig na sundalo nitong si San Antonio, Abad laban sa mga tukso ng demonyo. Sa panahon natin parang hindi na tayo masyadong mulat na totoong may demonyo na nananakit ng ating kaluluwa at umaakit ng ating puso tungo sa kasalanan at kasamaan. Sa tulong ni San Antonio, magdasal tayong malabanan din natin ang mga tukso ng demonyo na nagnanais na ilayo tayo sa pag-ibig ng ating Panginoong Hesukristo. Maging marunong sana tayo, tulad ni San Antonio, na kilatisin ang mga panloloko at kasinungalingan ng demonyo sa ating kapaligiran. K. KATAGA NG BUHAY Mt. 19:21 At sinabi ni Hesus: Kung gusto mong maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin. (mula sa “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 393
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed