MAGWAGI SA TUKSO TULAD NI KRISTO PART 3

Dumating na tayo sa huling tukso ng demonyo sa Panginoong Hesus sa disyerto. Ipinakita ng demonyo ang lahat ng marangyang kaharian ng mundo kay Hesus at inialok na ibibigay ito sa kanya kung sasambahin ng Panginoon ang diyablo. Sa nakatatawang alok na ito, nasabi ng Panginoong Hesus: “Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin. At siya lamang ang dapat mong paglingkuran” (Mt 4: 10). Ang kabalintunaan dito ay totoo namang Hari si Hesus, at lahat ng kaharian ay nasa kanyang paanan. Ang ibinibigay ng demonyo ay kapangyarihan at karangyaan, na malaking kasinungalingan dahil hindi na ito kailangan ni Hesus. Siya ay Hari, at tanging ang demonyo ang hindi tumatanggap ng katotohanang ito. Ang ikatlong tukso ay sumusundot sa puso ng Una sa Sampung Utos – Sambahin ang Diyos lamang at gawing Panginoon ng buhay ng tao. Totoong maraming nahirapang isabuhay ito sa loob ng kasaysayan. Tulad ng ating pagkapit sa materyal na bagay, sa ating pangarap na katanyagan, meron tayong malalim na pagnanasang maghari sa sariling kaharian, sariling buhay, sariling landas. Hangal ang demonyo kung talagang naisip niyang magpapalit ng katapatan si Hesus mula sa Ama patungo sa kanya. At baliw siya kung iisipin niyang iiwan ng mga tao ngayon ang pananampalataya nila para lang sa kanya. Masyadong lantad ang tuksong ito at kaydaling mabisto. May mga taong gumawa nga nito pero sa bandang huli, napuno ng pagsisisi at naghanap ng landas pabalik sa Diyos. Ang tuksong ito ay pasimple. Ang gusto ng demonyo ay gumawa ng puwang sa isip ng tao na magduda sa kapangyarihan ng Diyos. Nais niyang mag-alsa ang tao laban sa plano ng Diyos para sa kaniyang buhay lalo na’t kung mahirap itong maunawaan, kung hindi siya sumasang-ayon dito o kung hindi niya matanggap ang paghihirap, aksidente, o mga pagbabagong biglang nagaganap. Iniisip nating kung tayo lang ang masusunod, mas mabuti pa, mababago natin ang mga bagay, maitutuwid ang landas ng buhay at kasaysayan, magiging panginoon tayo ng ating tadhana. Gusto nating maging makapangyarihan sa ating sariling buhay dahil takot tayong magdusa, lalo na kung ang paghihirap na iyan ay sa tingin natin, kaya namang iwasan. Pero minsan, ang pagtanggi na maghirap, sa halip na tanggapin ito, iyan ang pinakamapait na pagsubok sa buhay. Dinala ng demonyo si Hesus sa napakataas na bundok. At mayroon naman talagang bundok si Hesus, ang Kalbaryo, ang Krus. Sa krus, natutunan ng Panginoong Hesus ang pagsunod sa Ama, pagsunod sa itinakda sa kanya, pagsunod sa pag-ibig hanggang kamatayan, pagsunod sa Espiritung nag-ugnay sa kanya sa Ama sa gitna ng dapat sana’y paghihiwalay. Sa krus, sa halip na angkinin ni Hesus ang kapangyarihan, isinabuhay niya ang mga salitang: “Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin. At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.” Sa mga oras ng pag-aalinlangan, sa oras ng kalituhan, sa pagkakataon na hindi maunawaan at hindi matanggap ang ilang pangyayari sa buhay, hindi ba natutukso tayong talikuran ang Diyos at panghawakan ang sariling kaisipan, plano, at balak at agawin ang kapangyarihan mula sa Diyos patungo sa ating sarili? Sa halip, bakit hindi natin gawing atin ang mga salitang nakapagpalayas sa demonyo: ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin. At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’” At patuloy tayong mamuhay sa ilalim ng kaharian ng Ama, ayon sa kanyang kalooban, at kaugnay ng Espiritung nananahan sa ating puso. ourparishpriest 2023 Share on FacebookTweet Total Views: 95