ANO ANG BANAL NA MISA 3: ANG PAGSISISI

Ang buong simbahan ay banal at dalisay (Eph 5:27) dahil sa kabanalan ni Kristo. Ang simbahan ay walang sala, bagamat marami siyang anak na mga makasalanan. Ang kanyang kabanalan ay mismong nasa kanyang pagkilala na siya ay makasalanan na laging umaasa sa kapatawaran ni Hesus. Marapat lamang na ang pagdiriwang ng Misa ay magkaroon ng puwang para sa pagkilala sa kasalanan at paghingi ng kapatawaran ng kasalanan. Sa harap ng Diyos, naramdaman ni Isaias na siya ay makasalanan (Is. 6:4); sa harap ng Panginoong Hesus, nadama ni Pedro ang kanyang karumihan (Lk 5:8). Kaya sa banal na pagtitipon ng Misa, inaamin din ng madla: “Panginoon, kami ay nagkasala sa iyo. Panginoon ipakita mo ang iyong awa at pagmamahal.” May iba’t-ibang pagpipiliang anyo ng panalangin ng pagsisisi sa Misa. Ang pinaka-karaniwan ay ang Kyrie eleison (Panginoon, kaawaan mo kami), sa salitang Griyego. Nakasalin na ito sa iba’t-ibang wika at iisa ang kahulugan: Panginoon, kaawaan mo kami. Kristo, kaawaan mo kami. Panginoon, kaawaan mo kami. Pero kapansin-pansin na hindi minsan lamang humihingi ng tawad ang mga tao sa Misa; kung tutuusin, kaydaming beses madirinig ang panalangin ng pagsisisi: Sobra na! Tama na! Palitan na! (joke lang po!) Kung ang Misa ay puno ng paghingi ng tawad, masisira ang larawan ng simbahan at maging ng mga pagdiriwang. Sa halip na masayang pagdiriwang ng pasasalamat (eukaristiya) sa Diyos, magiging pansarili at pam-pamayanang pagsisisi lang ang Misa. Subalit dahil nakapaloob na sa pagdiriwang ang mga ito, paano mas magiging makabuluhan para sa mga tao? Paano ba uunawain ang mga bahagi ng Misa na may kaugnayan sa paghingi ng patawad? Kailangang magdulot ito ng pagbubunyi at pagpapahayag ng AWA at HABAG ng Diyos. Ang puso ng bahagi ng Misa tungkol sa pagsisisi ay hindi pagtitika sa kasalanan kundi ang pagdiriwang ng Eukaristiya, ng pasasalamat at papuri. Nagpapasalamat tayo sa kapatawarang tinatanggap natin: “Ito ang kalis ng aking dugo… na ibubuhos para sa inyo at para sa lahat sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan…” Ang pag-amin at paghingi ng tawad ay pagkilala sa maawain at mapagpatawad na Diyos natin, papuri sa kanyang pagmamahal , at pagbubunyag ng kanyang kaligtasan. Dapat matuon ang pansin sa Ama na laging naghihintay upang salubungin ang kanyang mga anak sa pagdiriwang. Sa Misa, nagpapasalamat na tayo sa pagpapatawad na walang sawang ibinubuhos ng Diyos sa mga nagbabalik-loob sa kanya at humihingi ng bagong puso at bagong buhay. Sa Sakramento ng Kumpisal ang tamang lugar para sa pagsisisi at paghingi ng patawad sa mga kasalanan sa tulong ng paring-tagapagkumpisal; sa Misa ang pagbubunyi sa awa ng Diyos na laging handang magpatawad sa atin.  Ourparishpriest 2023; photo from https://www.columbiadailyherald.com/story/news/nation-world/2013/03/03/catholics-pray-for-smooth-succession/25664247007/ Share on FacebookTweet Total Views: 1,507