SAINTS OF APRIL: San Luis Maria de Montfort

ABRIL 28: Pari A. KUWENTO NG BUHAY Ang tunay niyang pangalan ay Luis Maria Grignion. Nagmula siya sa isang hamak na pamilya at ipinanganak noong Enero 21, 1673. Bininyagan si Luis Maria sa Montfort, isang nayon o munting bayan sa France. Maaaring naging mahalaga sa kanyang puso ang lugar na ito kaya noong lumaki siya ay ginamit niyang apelyido ay Montfort at hindi Grignion. Ginabayan si Luis Maria ng mga paring Heswita at mga paring Sulpician hanggang sa makamit niya ang grasya ng pagpapari. Naglingkod siya bilang isang diocesan priest simula noong 1700. Unang destino ni San Luis ay bilang chaplain ng isang ospital sa Poitiers. Nang makita niyang kailangang-kailangan ng ospital ang isang malakihang pagbalasa o reorganization, sinikap niya itong gawin. Subalit maraming tumutol sa kanyang plano at dahil dito ay nagbitiw siya sa kanyang gawain doon. Nagtatag si San Luis ng isang religious congregation para sa mga babae na tinawag niyang Daughters of Divine Wisdom. Nagawa niya ito sa panahong siya ay isang chaplain ng ospital. Dahil mahusay magsalita si San Luis, naging isa siyang lumilibot na tagapangaral sa iba’t ibang parokya at lugar sa France. Natuto siyang maglakbay at mamuhay nang payak. Sinasabing magaling magsalita si San Luis subalit ang istilo ng kanyang pananalita ay hindi natanggap ng ilang mga tao. Masyadong emosyonal ang paraan ng kanyang pangangaral. Hindi lahat ng nakakarinig sa kanya ay nagustuhan ang kanyang mensahe. Subalit naging malapit naman siya sa puso ng mga mahihirap. Kahit may mga lumalaban sa kanya, patuloy si San Luis sa pangangaral at naging mabisa ang kanyang pagsisikap dahil napakaraming mga tao ang nanumbalik sa pananampalataya dahil sa kanyang pagpapahayag. Nakarating si San Luis sa Rome at itinalaga siya ng Santo Papa bilang isang misyonero apostoliko, ibig sabihin ay may natatanging atas na gagampanan sa Simbahan sa kanyang pangangaral. Bumalik siya sa Brittany upang mangaral at naging matagumpay siya doon. Ang Brittany ay isang lugar sa France na malapit na sa England. Mas madaling maalala si San Luis Maria de Monfort dahil sa kanyang malalim na debosyon sa Mahal na Birheng Maria. Para sa kanya, ang susi ng kabanalan ay ang mataimtim na pagtanggap ng Banal na Komunyon at ang pagsunod sa halimbawa ng Mahal na Birheng Maria. Isinulat niya ang aklat na True Devotion to Mary. Hanggang ngayon ay angkop pa rin ang mensahe ng aklat na ito para sa ating lahat. Ito ang isa sa pinakapaboritong aklat ng ating mahal na si Santo Papa Juan Pablo II. Sa aklat na ito ibinatay ni Juan Pablo II ang kanyang motto bilang papa, “Totus Tuus” ibig sabihin ay “[Ako’y] iyong- iyo, [O Maria].” Itinatag ni San Luis ang isang relihiyosong kongregasyon na tinatawag na Missionaries of the Company of Mary noong 1715. Namatay siya sa biyaya ng Diyos noong 1716. B. HAMON SA BUHAY Malakas ang pananalig ni San Luis na nakayanan niya ang mga pagsubok ng kanyang buhay dahil sa tulong ng Mahal na Birheng Maria. Hilingin natin sa Mahal na Birhen na patuloy tayong gabayan, akayin, at dalhin sa kanyang Anak na si Jesus. K. KATAGA NG BUHAY  Jn 19:26-27 Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 186