SAINTS OF APRIL: SANTA TERESA DE JESUS NG ANDES

ABRIL 12 (Dalaga) A. KUWENTO NG BUHAY Isang kabataang dalaga ang ating ipinagdiriwang ngayon at sa unang sulyap ay hindi mapigilang ihalintulad natin siya sa isa pang bantog na santa na si Santa Teresita ng Lisieux (St. Therese of Lisieux). Subalit may sarili at natatanging kasaysayan at kahalagahan din naman ang buhay ni Santa Teresa de Jesus ng Andes. Nagmula si Santa Teresa sa bansang Chile at isinilang sa Santiago noong Hulyo 13, 1900. Sa binyag, binigyan siya ng isang napakahabang pangalan—Juana Enriqueta Josefina ng mga Mahal na Puso Fernandez Solar (maaaring ang tinutukoy na mga mahal na puso ay yaong sa Panginoon at sa Mahal na Birhen). Mabuti na lang at may palayaw o nickname ang bata na simpleng Juanita sa kanyang mga kapamilya at kaibigan. Nabiyayaan siyang mapabilang sa isang maayos na pamilya na may kabuhayan at may tunay na pagkapit sa pananampalatayang Kristiyano. Isinabuhay ng kanyang pamilya ang kanilang pagmamahal sa Diyos sa araw-araw. Nag-aral si Juanita sa ilalim ng mga madreng Pranses na nagpapalakad ng kolehiyong kanyang pinapasukan. Sa edad na labing-apat na taong gulang, nakatanggap siya ng isang inspirasyon mula sa Diyos. Dito nagsimula ang kanyang masidhing pagnanasa na mamanata ng buong buhay sa pagiging isang mongha sa religious order na Order of Discalced Carmelites. Pero isang normal na kabataan si Juanita tulad ng kanyang mga kaibigan bagamat may napansin silang kakaiba sa kanya, na tila nag-uumapaw ang kanyang kabanalan sa lahat ng kanyang mga simpleng gawain sa araw-araw. Hindi siya nagsawang mangusap tungkol sa Diyos at maraming nagtiwalang lumapit sa kanya upang humingi ng payo at panalangin. Lahat ng saya at pagsubok ng buhay ay payapa niyang dinanas na nakakapit sa Panginoong Diyos. Palagi siyang masaya at magiliw, mabait, nakikipagkapwa, at mahilig din siya sa sports. Sa wakas, tinanggap siya sa Monasteryo ng Espiritu Santo noong Mayo 7, 1919 sa bayan ng Los Andes. Nang Oktubre din ng taong iyon ay pinayagan siyang maghanda bilang isang nobisyada o novice (ito ay paghahanda sa buhay relihiyoso/ relihiyosa na nakatuon sa pagpapalalim ng espiritwalidad at pagkakakilanlan sa loob ng naturang religious order). Dito ay pinagkalooban na siya ng bagong pangalan, Teresa de Jesus. Nakapagtataka sa buhay ng dalagang ito na nalaman niyang siya ay maagang babawian ng buhay. Ayon sa kanya, ang Diyos mismo ang nagbulong nito sa kanya sa panalangin. Sinabi niya ito sa paring nakausap niya bago siya mamatay at inamin din niya na tinatanggap niya ang kanyang kamatayan na may kagalakan at kapayapaan at tiwala sa Panginoong Jesus. Labing-isang buwan lamang ang itinagal ng kanyang buhay sa loob ng kumbento. Nagkasakit siya dala ng pag-atake ng tipus. Bago siya namatay ay nagawa niyang sambitin ang kanyang panata sa Diyos sa buhay bilang mongha. Kulang ng ilang buwan bago ang kanyang ikadalawampung kaarawan. Tinatayang may 100,000 na deboto ang dumadalaw sa kanyang libingan taun-taon sa Los Andes. Marami sa kanila ang humihiling ng kanyang gabay para matagpuan ang Diyos. Siya ang unang taga-Chile na naging isang santa. Siya ang ikaapat na santa ng mga Discalced Carmelites na may pangalang Teresa o Teresita. Ang iba ay sina Santa Teresa ng Avila, ng Florence, at ng Lisieux. Siya rin ang unang Discalced Carmelite na naging santa sa labas ng Europe. B. HAMON SA BUHAY Muli, nakahahanga ang halimbawa ng mga kabataang natagpuan at hinangad ang Diyos sa kanilang buhay. Maraming mga kabataan ngayon ang may iba’t ibang hinahanap para lamang maging makabuluhan ang buhay nila. Ipagdasal natin ang mga kabataan ng ating pamilya at pamayanan na maging tulad ni Santa Teresa de Jesus sa kanilang paglago sa pag-ibig ng Diyos. K. KATAGA NG BUHAY Jn 15:9-10 Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasakatuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal. From the book Isang Sulyap sa mga Santo ni Fr. RMarcos; Paroquia San Francisco de Sales de Vitacura Share on FacebookTweet Total Views: 211