ANO ANG BANAL NA MISA 4: LUWALHATI SA DIYOS SA KAITAASAN
Ang panalangin/ awit na Gloria or Luwalhati sa Diyos ay isa sa pinakamatandang naisulat na awiting Kristiyano sa karangalang ng Panginoong Hesukristo. Sa liturhiya ng Silangan (sa mga simbahang Orthodox), ang tawag dito ay ang “Dakilang Papuri” na katambal ng “Munting Papuri” na ang maigsing panalangin na Luwalhati sa Ama, Anak at Espiritu Santo na karaniwang pagtatapos ng bawat pagdadasal ng mga Salmo. Ayon kay San Atanasio, ang Luwalhati sa Diyos ay unang ginamit bilang papuri sa panalanging pang-umaga. Hango ang papuring ito sa awit ng mga anghel sa pagsilang sa Belen ng ating Panginoong Hesukristo. Ginawang bahagi ito ng Misa ng obispo tuwing Pasko, at ginaya naman ng mga pari ang mga obispo kaya’t ginamit din nila ito simula noong ika-8 siglo. Doon nakapasok sa Misa ang dasal-awit na ito. Isa sa pinakamagandang panalangin talaga ito sa tradisyong Kristiyano, at ang kagandahan nito ay nasa papuring alay sa Diyos. Sa paggamit nito sa simula ng Misa ng Linggo at mga dakilang kapistahan, inaangkin natin ang pagpupuri sa Diyos at inuugnay ang ating tinig sa mga anghel. Pinagsasama-sama dito ang iba’t-ibang uri ng panalangin: pagluwalhati: niluluwalhati ka namin; pasasalamat: pinasasalamatan ka namin; pagsisisi: maawa ka sa amin; pagdakila sa kabanalan: Ikaw lamang ang banal; pagsusumamo: tanggapin mo ang aming panalangin. Subalit ang pinakalutang na katangian ng panalangin ay pagbubunyi at papuri: Papuri sa Diyos sa kaitaaasan! Sinisimulan sa “Papuri sa Diyos” at winawakasan “sa kadakilaan ng Diyos Ama” na parang dalawang kamay na nagtitipon ng ating pagdakila sa Diyos. Bilang panalangin ng papuri o doxology, ang Luwalhati sa Diyos ay kabilang sa pinakamataas na uri ng panalangin. Wala tayong anumang magagawa o masasabi na makadadagdag sa di-malirip na luwalhati ng Diyos subalit ang ating dangal bilang mga nilikha at lalo na, bilang mga anak na inampon at minamahal ng Diyos ay nasasalamin sa ating pagbubukas ng puso sa kanyang kaluwalhatian at kadakilaan. Sa pamamagitan ng dasal-awit na Luwalhati sa Diyos, ang buong pamayanang natitipon sa Misa ay nagiging isang “isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya” (1 Pedro 2:9). Ourparishpriest 2023; photo from: https://www.columbiadailyherald.com/story/news/nation-world/2013/03/03/catholics-pray-for-smooth-succession/25664247007/ Share on FacebookTweet Total Views: 1,537
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed