ANO ANG BANAL NA MISA? PART 5: ANG PAMBUNGAD NA PANALANGIN

Ang mga panimulang ritwal ng Misa ay nagtatapos sa isang panalangin na tinatawag ding Pambungad na Panalangin o “Collect” sa Ingles. Ito ay binubuo ng sumusunod: Ang balangkas ng panalangin ay karaniwang ganito: Sa orihinal na Latin ng Misa, ang mga pambungad na panalangin ay puno ng dakilang kagandahan; ang mga ito ay mahinahon, marangal, at maigsi lamang. Bunga ito ng tinatawag na Roman brevity, ang mga Romano na noon ay gumagamit ng Latin ay hindi nagsasayang ng salita kundi matamang pinag-aaralan ang ayos, tunog at ritmo ng mga pangungusap. Minsan sa Tagalog, nakatatawa na ang salin ay sobrang hirap na hindi na natin maunawaan ang kahulugan. Minsan, matapos ang Misa, tinawagan ng isang pari ang kanyang best friend na pari din at tinanong: Ano ba iyong “langit na pithaya”? Sagot naman ng kaibigan: E ano naman ba iyong “nilunggati”? At sabay silang nagtawanan dahil kahit na nagmisa sila, kapwa pala nilang hindi naunawaan ang mga salitang kanilang dinasal. Perpekto sa kahulugan, wasto sa liturhiya, at makasining ang pagkakasulat subalit tila ang ilan sa mga Tagalog nating pambungad na panalangin ay hindi na masyadong nauunawaan ng nagbabasa at nakikinig at dahil doon, hindi nagpapa-usbong ng damdamin sa panalangin. Ang tugon ng bayan sa pambungad na panalangin ay simpleng “Amen.” Ang Amen ay halaw sa salitang Ebreo na ang ugat ay nagsasaad ng pagiging matatag, totoo, at matapat. Sa Isaias 65:16, ang Diyos ay “God-amen” o Diyos na matapat, ibig sabihin ang Diyos na maaasahan at mapagkakatiwalaan. Ang Amen ay maaari ding mangahulugan na “Siyanga” o “totoo ito” o kaya ay “harinawa” o maganap nawa ito. Sa liturhiya ang Amen ay may kahulugang “Totoo ito” at “Maganap nawa ito.” Kapag sinabi nating ang Diyos ang Maylikha ng langit at lupa, ang Amen na tugon ay nangangahulugang “Totoo ito.” ito ang kahulugan ng Amen sa bawat papuri at pagluwalhati sa Diyos. kapag naman tayo ay nagdasal ng “Maawa ka sa amin at patawarin mo kami” ang Amen dito ay may kahulugang “Maganap nawa ito.” Sa Bagong Tipan, ang Amen ay personal na ngalan ni Hesus. Sa Pahayag 3:14, si Hesus ang Amen, ang matapat at totoong saksi. Sa pagtugon ng Amen sa mga panalangin at papuri, batid nating binabanggit na din natin ang pangalan ni Hesus at naniniwalang anuman ang hilingin natin sa kanyang ngalan ay ipagkakaloob sa atin (Jn 15:16) dahil ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ang siyang namamagitan para sa atin sa Ama. ourparishpriest 2023 Share on FacebookTweet Total Views: 1,645