ANO ANG BANAL NA MISA? PART 7: ANG SALMONG TUGUNAN

 Gumagawa ang Diyos ng mga kahanga-hangang bagay para sa atin. Tumutugon tayo dito sa pagdiriwang ng kanyang mga kamangha-manghang gawain. Ganito ang ginawa ni Miriam matapos ang pagtawid ng mga Israelita sa dagat (Ex 15 at 21); ganito ang ginawa ni Ana nang wasakin ng Diyos ang kanyang pagka-baog (1 Sam 2:5); ganito ang ginawa ni Tobias nang pinagaling siya sa pagkabulag (Tob 13:11); ganito din ang ginawa ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang Magnificat o awit ng Papuri (Lk 2). Ito ang tungkulin ng Salmong Tugunan sa Misa. Dahil sinasariwa ng Salita ng Diyos ang mga gawain ng Diyos, tumutugon tayo sa pamamagitan ng pagpupuri sa kanya sa Salmo. Sa Misa may dialogo o pakikipag-palitan na nagaganap. Pagkatapos ng pagbasa sa Lumang Tipan, sasagot tayo sa pamamagitan ng Salmo. Pagkatapos ng pagbasa mula sa Bagong Tipan, umaawit naman ng Aleluya o aklamasyon. Pagkatapos ng Mabuting Balita, ang tugon ay Panalangin ng Bayan. Ang Salmong Tugunan ay ang awit ng Tipan; isang pagpupuri sa biyaya ng Diyos at pagsusumamo na lagi tayong maging kabahagi nito. Walang salitang katha ng tao ang maaaring pumalit sa mga Salmo dahil dito ay nababanaag natin ang mukha ni Kristo. Ipinaliwanag ni Kristong Muling Nabuhay sa kanyang mga alagad ang naganap ayon sa “Batas, mga Propeta, at mga Salmo” (LK 24: 44). Kung gayon, makikita din sa Salmo ang buhay ni Hesus. Sa ating pagsisimba, sikapin nating makiisa sa Salmong Tugunan at matuklasan dito linggo-linggo ang iba’t-ibang aspekto ng mukha ng Panginoong Hesukristo. ourparishpriest 2023 Share on FacebookTweet Total Views: 1,602