ANO ANG BANAL NA MISA? PART 16: ISA PANG PAG-AALAY, ANG HANDOG AT ANG KOLEKSYON

Ang pamayanang Kristiyano ay tagapagmana ng tradisyon ng mga Hudyo na magpakita ng kalinga sa mga mahihirap sa pamamagitan ng pagpapalibot ng isang lalagyan ng abuloy o alay para sa mga mahihirap na mapapadako sa kanilang lugar at sa bisperas ng Sabat ay nagpapamudmod din sila ng “tinapay ng mga dukkha” para sa mga higit na nangangailangan. Natural lamang na ang Eukaristiya ang maging pagkakataon upang ipagdiwang ang ganitong pagbabahagi ng pagmamahal. Kasama ng alak at tinapay na iniaalay para sa Misa, nag-aalay din ang mga tao ng kaloob sa mga dukkha. Ayon sa mga matatandang dokumento ng kasaysayan, nagdadala ang mga tao ng keso, langis, olibo, mga prutas at maging bulaklak. Inilalagak ito sa kamay ng obispo o pari na nagpapabanal sa mga alay sa pamamagitan ng Eukaristiya. Nang lumaon, salapi o pera ang pumalit bilang alay. Makikita ito sa ating kaugalian na paglikom ng koleksyon o kolekta sa Misa. Kung tutuusin, hindi naman kailangan ng Diyos ang ating mga gulay, bulaklak, o pagkain o pera. Ang nais ng Diyos ay sa pamamagitan ng mga handog na ito, mapukaw ang puso ng mga tao tungo sa Diyos. Sa pamamagitan ng mga alay, tinatanggap nating tayo ay bayan ng Diyos at nagpapasalamat tayo sa kanyang mga biyaya. Sabi nga sa Salmo 50:14: Maghandog sa Diyos ng sakripisyo ng pasasalamat. Ngayon, ang koleksyon sa bawat Misa ay ginagamit sa pagpapanatili ng kaayusan ng simbahan, sa pagpapatakbo ng mga programa tulad ng katesismo, kawanggawa o charity sa mga mahihirap at paghubog sa mga kabataan at mga lingkod simbahan, pagpapasahod sa mga kawani ng simbahan at pagtataguyod sa pangangailangan ng mga kaparian na tulad ng lahat ay nangangailangan din ng gamot, kasuotan at seguridad sa pagtanda. Kung tutuusin, ang tunay na handog o iniaalay sa Misa ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus na siyang ganap o perpektong handog sa Ama, ang unang ani ng buong sangnilikha. Ang paghahandog ng alak at tinapay, ng mga kaloob at ng kolekta, ang diwa ng pagpapasalamat sa Diyos ang siyang pintuan papasok sa liturhiya ng Eukaristiya. ourparishpriest 2023 Share on FacebookTweet Total Views: 1,558