ANO ANG BANAL NA MISA? PART 21: SANTO, SANTO, SANTO

Ang bahaging ito ng Misa ay halaw sa iba’t-ibang lugar sa Bibliya: Santo, Santo, Santo Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat (Isa. 6:3 at Pahayag 4:8) Napupuno ang langit at lupa ng Iyong kaluwalhatian (Isa. 6:3) Osana sa kaitaasan (Mt 21:9/ Mk 11:10) Pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon (Salmo 118:26/ Mt 21:9/ Mk 11/ Lk 19: 38) Osana sa kaitaasan (Mt 21:9/ Mk 11:10) Ang unang bahagi ay hango sa salaysay ng pasimula ng pagiging propeta ni Isaias kung saan bumukas ang langit at lumitaw ang Diyos sa harapan niya na puno ng kaluwalhatian. Naroon ang mga Serapin, mga anghel na puno ng liwanag at apoy, na naglilingkod sa trono ng Panginoon. Narinig ni Isaias ang kanilang awit: Santo, Santo, Santo… Ang sabi sa Bible: ang buong daigdig ay puspos ng Kanyang kaluwalhatian. Pinalitan ito nang kaunti sa Misa: Napupuno ang langit at lupa ng kaluwalhatian Mo. Nais ng Misa na palawakin ang pananaw; langit at lupa ang nagbubunyi sa Panginoon. Ang Misa ay ang pagbaba ng Diyos sa kapanahunan natin, o ang pag-angat ng papuring makalupa sa papuri sa kalangitan. Pero, interesado ba ang kalangitan, ang mga bituin, planeta at galaxy sa ating Eukaristiya? Oo naman, dahil si Hesus ang unang bunga ng sangnilikha. At ang mga anghel ba ay kapiling natin sa ating pagdarasal, pagpupuri at pagpapasalamat sa Misa? Oo din, dahil lahat ng espirituwal na nilalang ay nalikha “sa pamamagitan niya at para sa kanya” (Col 1: 16). Ano ang kahulugan ng Osana? Ito ay salitang Ebreo na ang kahulugan ay “dulutan kami ng kaligtasan.” Mula ito sa Salmo 118:25. Ginamit ito kalaunan bilang papuri. Sa pista ng mga Tolda ng mga Hudyo, ginagamit ito habang nagpuprusisyon ang mga tao na may dalang palaspas. Ang “Osana sa kaitaasan” ay isang Ebreong kasabihan na ang kahulugan ay “Osana sa Diyos na naninirahan sa pinakamataas na kalangitan.” Pinagpala ang naparirito – isa namang hango sa Salmo 118:26 din. Ito ay pagbabasbas sa isang pilgrim na pumapasok sa Templo. Kalaunan ang “pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon” ay naging hudyat ng parating na Mesiyas. Si Kristo ang “Siyang-darating” bilang Manunubos ng lahat. Nang pumasok sa Herusalem ang Panginoong Hesus, iwinagayway ng mga tao ang palaspas sa saliw ng “Osana sa Anak ni David! Pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon. Osana sa kaitaasan!” (Mt. 21:9). Ang Santo, Santo, Santo ay isang pagdiriwang ng kaluwalhatian ng Diyos: pagbubunyag ng kadakilaan ng Diyos ng mga hukbo, kalipunan ng mga anghel, papuri ng sangnilikha sa Panginoong ng santinakpan, papuri ng langit na bumabalot sa lupa, liturhiya ng kapistahan ng mga Tolda, pagsasaya sa araw ng Palaspas, pagdating ng Mesiyas sa ngalan ng Panginoon. Tila piyesta ang tono ng panalangin o awit at dapat itong madama ng lahat. Kaya hindi ito dapat ibulong kundi dapat ibulalas at isigaw nang buong saya. Mapapansin na ang Santo, Santo ay nasa puso ng kilos pagsamba natin, kaya ito ang pinakamahalagang awit sa Panalanging Eukaristiko. Kung may iisang awit lamang ang sambayanan, ito na iyon! Share on FacebookTweet Total Views: 1,435