SAINTS OF SEPTEMEBER: DAKILANG PAPA SAN GREGORIO, PANTAS NG SIMBAHAN
SETYEMBRE 3 A. KUWENTO NG BUHAY Masyadong maningning ang buhay ng santong bibigyang-pansin natin ngayong araw na ito. Tinunton niya ang landas ng pulitika at pagkatapos ay ang landas ng pagpapakabanal bilang isang monghe. At mula sa katahimikan ng monasteryo, itinanghal siya sa pinakamataas na posisyon sa simbahan bilang Santo Papa. Sa kabila ng masalimuot na mga landas na dinaanan niya sa buhay, naghari ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa tao na naging susi ng kanyang kabanalan. Si Gregorio ay isang tunay na anak ng Roma kung saan siya isinilang noong taong 540. Ang kanyang ama ay isang senador ng Roma at prefect o tagapamahala ng isa sa mga distrito ng lungsod na ito. Ang kanyang ina ay sinasabing nagmula din sa isang pamilyang may magandang katayuan sa lipunan noon. Nang lumaki si Gregorio ay sumunod siya sa yapak ng kanyang ama at naging isang prefect siya ng Roma. Pero hindi naging lubos na masaya si Gregorio sa buhay pulitika. Nang mamatay ang kanyang ama, ipinamigay niya sa mga monasteryo ang kanyang kayamanan. Pati ang sariling bahay nila ay ginawa niyang isang monasteryo. Dito isinabuhay niya ang tunay niyang pangarap. Nais niyang mamuhay bilang isang monghe, na nakalaan lamang ang puso sa paglilingkod sa Diyos sa panalangin at mga sakripisyo. Hindi nagtagal at tinawag siya mula sa katahimikan ng monasteryo upang maging sugo ng Santo Papa Pelagio II sa lungsod ng Constantinople (ngayon ay Istanbul sa Turkey). Doon ay naglingkod siya sa palasyo ng emperador. Naganap ito matapos niyang tanggapin ang ordinasyon bilang isang diyakono. Habang nasa palasyo, sinasabing patuloy na isinabuhay ni Gregorio ang lifestyle ng isang monghe. Pagbalik niya mula sa nasabing destino, muli siyang pumasok sa monasteryo kung saan siya ang naging pinuno o abbot. Hinirang din siya bilang secretary ni Papa Pelagio II. nang mamatay si Pelagio, naging kahalili niya si Santo Papa Gregorio. Sa unang pagkakataon, ang Santo Papa ng simbahan ay nagmula sa isang monasteryo. Masipag na naglingkod si Papa San Gregorio bilang pastol ng buong simbahan at hindi nagbago ang kanyang pananaw sa buhay dahil lamang nasa mataas na posisyon na siya. Sa halip lalo siyang naging masigasig sa pagmamahal sa kapwa, lalo na sa mga mahihirap. Lumutang ang kanyang natural na talento sa pagpapalakad ng simbahan at naging matibay ang kapangyarihan at pamumuno ng Santo Papa sa lahat ng nasasakupan niya. Nakita kay Papa San Gregorio ang magkahalong dedikasyon sa panalangin at sigasig sa paglilingkod sa kapwa. Nagpadala siya ng mga misyonero sa England na naging simula ng paglaganap doon ng Kristiyanong pananampalataya. Sa kabila ng maraming gawain, nakuha din niyang magsulat at magturo tungkol sa moralidad at Teolohiya. Inayos niya ang pagdiriwang ng Banal na Misa, pati na ang pag-awit na pang-samba. Sa kanya ipinangalan ang tinatawag na Gregorian Chant, na angkop na musika para sa liturhiya. Siya ang kinikilalang ama ng musikang pangsamba na ito dahil sa kanyang interes sa liturhiya kahit na maaaring hindi naman talaga ito sa kanya nagsimula o yumabong. Bilang Santo Papa, tinawag niya ang kanyang sarili na “Servum servorum Dei” o “lingkod ng mga lingkod ng Diyos,” isang titulo na ginamit din ng lahat ng mga kasunod niya sa posisyong iyon. Namatay siya noong taong 604 at tinawag na “Dakila” dahil sa mga mahahalagang ambag niya sa paglago ng simbahan. Isa siya sa kinikilalang apat na Fathers of the Western Church o Mga Ama ng Simbahan sa Kanluran kung saan kabilang din sina San Ambrosio, San Agustin, at San Jeronimo. B. HAMON SA BUHAY Matinding ang puhunang lakas at sigla ni Papa San Gregorio para sa kapakanan ng buong simbahan. At hindi laging matiwasay ang kanyang mga karanasan. Katunayan, namatay siyang puno ng paghihirap ng kanyang katawan. Pero ganito niya ipinahayag ang kanyang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Magandang maging huwaran natin siya sa walang sawang pag-aalay ng buhay para sa ating pananampalataya at sa ating bayan. K. KATAGA NG BUHAY Ezek 34:11 Sinasabi nga ni Yawe: Ako mismo ang mag-aalaga sa aking mga tupa at magbabantay sa kanila. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 594
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed