PAGDARASAL PARA SA MGA YUMAO: NASAAN SA BIBLE?

 Sa aklat ni Propeta Nehemias 1:6, sinabi niya: “Pagmasdan ninyo ako at pakinggan ang aking panalangin. Nananalangin ako sa inyo araw at gabi para sa bayang Israel na inyong lingkod. Inaamin ko pong nagkasala kami sa inyo, ako at ang aking mga ninuno.” At nasaan ba ang kanyang mga ninuno? Tunghayan ang 2:5 – “Sinabi ko sa hari, ‘Kung pahihintulutan po ninyo ako, Kamahalan, nais kong umuwi sa Juda, upang itayong muli ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno’.” Malinaw na nakalibing na pala ang mga ninuno niya dahil mga nangamatay na ang mga ito. Kaya sa sinaunang Israel, bahagi na ang pag-alala sa mga mahal sa buhay na yumao sa pamamagitan ng panalangin. Sa aklat na 2 Macabeo, doon matatagpuan: “Nagpalikom siya ng mga kaloob na umabot sa halagang apat na librang pilak at ipinadala ito sa Jerusalem upang ihandog na pantubos sa kasalanan. Ginawa ito ni Judas sapagkat naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay. Kung hindi siya umaasa na ang mga patay ay muling mabubuhay, magiging kahangalan lamang ang ipanalangin pa ang mga namatay na. Dahil buo ang kanyang paniniwala na ang lahat ng namamatay na nanatiling maka-Diyos ay tatanggap ng dakilang gantimpala, ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin.” (12:43-45) Ang aklat na ito sa Lumang Tipan ay hindi tinatanggap ng mga Protestante dahil taliwas ito sa kanilang paniniwala sa mga kaluluwa sa Purgatoryo. Subalit ang 1 at 2 Macabeo ay bahagi ng Bibliya (Septuagint, o bersyong Griyego) at tinatanggap na ng mga Catholic Christians at Orthodox Christians bago pa man nagkaroon ng Protestantismo. Sa aklat ng Eclesiastico (o Sirac) 7:33, matutunghayan naman: “Magmagandang-loob ka sa mga buháy, at huwag mong ipagkait ang tulong mo sa mga patay.” Paano ba tutulungan at pagmamagandahang loob ang mga yumao nating mahal sa buhay, kundi sa pamamagitan ng panalangin, sakripisyo, paglilimos, at gawang kabanalan at kawanggawa. Tulad ng mga aklat ng Macabeo, ang Eclesiastico o Sirac ay bahagi ng Bibliya (Septuagint, o bersyong Griyego) at tinatanggap na ng mga Catholic Christians at Orthodox Christians bago pa man ito itanggi at alisin ni Martin Luther sa kanyang Bible para sa mga Protestante. Sa Bagong Tipan, nang mamatay ang alagad ni San Pedro na si Tabita, ipinagdasal niya ito. At pagkatapos ng panalangin ay naganap pa nga ang isang himala kung saan bumalik ang buhay ng yumao. “Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas. Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas… Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya’y lumuhod at nanalangin.” (Mga Gawa 9:36, 40) Naniniwala din si San Pedro na maging ang mga yumao ay kailangan ang pangangaral ng Mabuting Balita: “Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama’t sila’y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos” (1 Ped 4:6). Ang pagdarasal sa mga yumao lalo na ang pag-aalay ng Banal na Misa ay bahagi ng pagpapahayag sa kanila ng ebanghelyo ng Panginoon. Maging si San Pablo sa 2 Tim 1:16-18 ay nagdasal para sa kanyang yumaong kaibigan na si Onesiforo – “Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo sapagkat sa maraming pagkakataon ay pinasigla niya ako at hindi niya ako ikinahiya kahit ako’y isang bilanggo. Sa katunayan, pagdating niya sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang sa ako’y kanyang matagpuan. Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa Araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso.” Ayon sa mas nakahihigit na bilang nga mga eksperto, si Onesiforo ay yumao na at hindi na buhay noong panahong iyon. Ayon sa Katesismo ng Iglesia Katolika, napakagandang alalahanin lalo na sa Misa ang ating mga yumao na kailangan pang dalisayin sa kabilang buhay, upang makapasok sila sa liwanag at kapayapaan ni Kristo. ourparishpriest 2023; reference Share on FacebookTweet Total Views: 550