ANO ANG BANAL NA MISA? PART 23: ANG KONSEGRASYON (CONSECRATION)

Ayon sa tradisyon ng simbahan sa Silangan, ang “epiklesis” ang siyang nagdudulot na maganap ang Konsegrasyon (ang pagbabago ng tinapay at alak sa Katawan at Dugo ng Panginoong Hesus) – “sa pamamagitan ng Espiritu Santo, gawin mong banal ang mga kaloob na ito.” Sa tradisyon naman sa Kanluran, ang nagdudulot nito ay ang salaysay ng Huling Hapunan – “nang gabing ipagkanulo siya, hinawakan niya ang tinapay…” Maraming haka-haka tungkol sa Konsegrasyon dahil sa inaakala ng iba na magic o biglaang kapangyarihan na kaakibat ng pagbigkas ng mga mahahalagang salita ng Panginoon. Subalit hindi basta-basta nagaganap ang Konsegrasyon. Halimbawa, hindi maaaring i-konsegra ng pari ang mga tinapay sa panaderya. Lahat ng sakramento ay kaugnay sa diwa at intension ng simbahan. Dahil sa mga salita sa Huling Hapunan na salin sa Latin, “Hoc est enim corpus meum,” nabuo ang magic words na “do hocus pocus” na gamit ng mga magician noon bilang panggagaya sa mga salita ng pari sa Misa. Subalit maling tanong iyong kung saang eksaktong bahagi ng Misa o kung anong eksaktong salita ba nagiging Katawan at Dugo ni Kristo ang tinapay at alak. Ang buong Panalanging Eukaristiko (mula sa Sagutang Panimula hanggang bago ang Ama Namin), ay isang nagkakaisa at tuloy-tuloy na papuri, pagpapala, pasasalamat at pagsamo sa Diyos. Sa kabuuang ito ng panalangin, doon nagaganap ang Konsegrasyon. May mga Panalanging Eukaristiko na walang tahasang epiklesis tulad ng Unang Panalanging EUkaristiko (Roman Canon) at walang tahasang paglalahad ng Huling Hapunan tulad ng Anaphora ni Addai at Mari, subalit ang mga ito ay tunay na wasto at mabisa at tinatanggap na totoong Misa ng mga Kristiyano sa Kanluran at Silangan. Share on FacebookTweet Total Views: 1,510