SAINTS OF OCTOBER: APOSTOL SAN SIMON AT SAN JUDAS

OKTUBRE 28 A. KUWENTO NG BUHAY Bukod kay San Pedro (o Simon Pedro) Apostol, mayroon pang isang Simon sa listahan ng Labing-dalawang mga Apostol ng Panginoong Hesukristo. Ito ay si Apostol San Simon. Kakaunti ang nasasabi kay San Simon mula sa Bibliya, maliban sa pagbanggit sa kanya bilang isa sa mga mapapalad na napili ng Panginoong Jesus na maging malapit niyang alagad. Hindi rin siya masyadong sikat sa debosyon ng mga tao tulad ng kasabay niyang apostol sa araw na ito. Makikita si San Simon sa Lucas 6: 14-16( ang makabayan), Mateo 10:4 (taga-Cana) at Marcos 3:18 (taga-Cana). Upang mas madali siyang makilala at upang lumutang ang pagkakaiba niya kay Simon Pedro, karaniwang tinatawag siyang Simon, ang “Makabayan.” Sa Ingles ang katumbas nito na salita nito ay Zealot. Ayon sa Tradisyon, pagkatapos ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoong Jesukristo, naging magkasama sina San Simon at San Judas Tadeo sa kanilang pangangaral. Naglakbay sila bilang magkatuwang o isang team.  Kaya ang kapistahan nila ay sabay na ipinagdiriwang ngayon. Unang nangaral si San Simon sa Ehipto. Pagkatapos ay sumama siya kay San Judas upang dumalaw sa Persia at doon na rin dumanas ng kamatayan bilang isang martir noong taong 65.  Isa sa mga paglalarawan sa kanya ay may hawak siyang isang malaking lagari. Bahagi ng tradisyon tungkol sa kanyang kamatayan, sinasabing hinati sa pamamagitan ng lagari ang kanyang katawan sa gitna. Mas madaling makilala ang ikalawang apostol sa ating kapistahan ngayon. Bagamat dalawa din ang may pangalang Judas sa hanay ng labindalawang mga apostol, ang pinararangalan ay si San Judas Tadeo, at hindi si Judas Iscariote. Maraming mga tao ang dumadayo sa simbahan ni San Judas (National Shrine of St. Jude Thaddeus) sa Maynila, malapit sa Malacanang Palace. Dito nagaganap ang lingguhang nobena na dinadaluhan ng mga taong may matitinding pangangailangan mula sa Diyos. Ipinagkakatiwala nila kay San Judas ang kanilang mga kahilingan sa nobenang nagaganap tuwing Huwebes. At maraming nagsasabi na  talagang mabisa ang panalangin sa apostol na ito na itinuturing na “saint of impossible cases,” o tagapamagitan sa mga kahilingang tila imposibe.  Walang imposible sa Diyos lalo na kung tutulungan tayo ni San Judas Tadeo.  Ganito rin ang pagkakakilala ng mga deboto kay Santa Rita ng Cascia. Saan nagmula ang debosyong ito? Tila si San Judas ay may misyon talaga para tumulong sa mga taong matindi o malubha ang pangangailangan sa buhay. pagkatapos daw ng kamatayan ni San Judas, dinalaw ng mga tao ang kanyang libingan at nagdasal doon at maraming nagpatunay na makapangyarihan ang kanyang mga dasal.  Si Santa Brigida at pati si San Bernardo ay nakakita ng mga pangitain kung saan sinabi ng Diyos sa kanila na tanggapin si San Judas bilang patron ng mga kahilingang imposible. Si San Judas ang pinaniniwalaang sumulat ng isa sa mga liham sa Bagong Tipan ng Bibliya – ang Sulat mula kay Judas.  Upang ihiwalay siya sa isa pang Judas (Iscariote, ang nagkanulo kay Jesus sa kanyang mga kaaway na mga punong Hudyo), tinatawag siyang Tadeo. Tinatawag din siyang anak o kapatid ni Santiago (Lk 6: 16 at Mga Gawa 1; 13).  Sa listahan ng mga apostol sa  Mateo 10:3, ang tawag sa kanya ay Tadeo lamang.  Ganun din sa listahan na matatagpuan sa Marcos 3:18. Pagkatapos ng Pagkabuhay ng Panginoon, si San Judas Tadeo daw ay nangaral sa Persia, pagkatapos niyang magturo sa Egypt at Mauritania (sa Africa). Maaaring dito sa Persia na siya namatay noong taong 65 sa pamamagitan ng paghataw ng kahoy na pambambo at pagkatapos ay pagtaga ng palakol sa kanyang ulo. Ang mga imahen ni San Judas Tadeo ay makikitang may mga simbolo na kumakatawan sa kanya. Isang malaking kahoy na pambambo o minsan ay sibat na may palakol (tanda ng torture na dinanas niya), isang apoy sa ibabaw ng kanyang ulo (tanda ng Espiritu Santo na tinanggap niya noong Pentekostes),  isang medalyang naka-kuwintas sa kanyang leeg, na may mukha ng Panginoong Jesukristo (tanda ng “Larawan ng Edessa”– lugar na nasa modernong Turkey ngayon –  na sinasabing siya ang nagdala sa haring maysakit doon), at minsan din ay aklat o balumbon ng papel (tanda ng kaniyang isinulat na liham). B. HAMON SA BUHAY Dalhin natin sa harapan ng Diyos ang ating mga minimithing kahilingan sa tulong ng mga apostol lalo na si San Judas Tadeo na patron ng mga imposibleng kahilingan at si San Simon Makabayan. K. KATAGA NG BUHAY Eph 2, 20 Sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta kayo naitayo at si Kristo Jesus mismo ang batong panulok. (From the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 546