SAINTS OF OCTOBER: SAN PABLO DE LA CRUZ, PARI

OKTUBRE 20 A. KUWENTO NG BUHAY Isinilang si San Pablo de la Cruz sa Italy noong 1694 sa isang bayan sa pagitan ng Turin at Genoa. Ang kanyang mga magulang ay masisipag na mangangalakal at lagi silang naglilipat ng tirahan kung saan may mapagkakakitaan. Ang kanyang ama ay si Marcos Danei at ang kanyang ina ay si Anna Maria. Mapalad si San Pablo dahil sa labing-anim na magkakapatid, anim lamang silang nabuhay. Nakapag-aral din siya sa isang mabuting paaralan na pinamamahalaan ng isang pari. Naging matiyaga at matalino siya sa lugar na ito. Malapit sa puso ni San Pablo ang kanyang pananampalataya. Nakapagturo pa siya ng katesismo sa mga bata noong siya ay isang kabataan din.  Masasabing likas kay San Pablo ang pusong maka-Diyos.  Maaga niyang natutunan ang buhay na simple at handang mag-sakripisyo. Lalong lumalim ang pananampalataya ni San Pablo nang magkaroon siya ng pagnanais sa ibayong pagdarasal. Nakatulong ang pagbabasa niya ng aklat ni San Francisco ng Sales upang marating niya ang sandaling ito ng kanyang buhay. Sinasabing binasa niya ang akda ng santo na “Treatise on the Love of God,” isang aklat na nakalimbag at mababasa pa rin natin ngayon. Dahil din sa paggabay ng mga paring Fransiskano, natatak sa puso ng kabataan na ang Diyos ay matatagpuan sa malimit na pagninilay at debosyon sa paghihirap ni Kristo. Iniwan ni San Pablo ang kanyang pamilya upang hanapin ang kanyang misyon sa pagiging isang sundalo. Subalit maikling panahon lamang at umuwi siyang muli. Nakita niyang hindi siya tinatawag ng Diyos sa buhay-militar. Nagsimulang dalawin si San Pablo ng mga kakaibang pangitain. Sinabihan siya ng Diyos sa tulong ng mga pangitaing ito na magtatag siya ng isang religious congregation. Nabunyag sa kanya pati ang abito na nais ng Panginoon na isuot niya at ng kanyang mga kasama. Ang abito ay itim na kasuutan, at sa harapan sa tapat ng dibdib, ay may hugis puso na may nakasulat na “Paghihirap ni Jesus.” Sa ibabaw ng puso ay may puting krus.  Matapos ang imbestigasyon ng obispo, pinayagan siyang sundin ang nilalaman ng mga pangitain. Itinatag niya ang Congregation of the Passion of Jesus Christ. Mas kilala ito ngayon bilang congregation ng mga Passionist. Hinikayat niya ang mga kasama na mamuhay sa diwa ng pagiging mahirap at puno ng sakripisyo upang lalong mapagnilayan ang mga pasakit ng Panginoong Jesukristo. Naglingkod sa ospital si San Pablo at ang kanyang kapatid na sumapi rin sa kanyang congregation. Pagkatapos ay nangaral siya sa mga lugar kung saan inanyayahan siya ng mga tao.  Naging pari ang magkapatid nang ordenahan sila ng Santo Papa sa Roma. Lumago ang grupo ni San Pablo at nagtayo sila ng mga monasteryo. Nagtatag din siya ng isang monasteryo para sa mga kababaihang nais maging mongha. Namatay ang santo noong 1775. Nag-iwan siya ng maraming mga liham kung saan makikita ang kanyang payong espirituwal sa mga tao. B. HAMON SA BUHAY Pahalagahan sana natin ang simbolo ng krus bilang sagisag ng pagmamahal sa atin ng Diyos at ng ating paglalaan ng puso para sa Panginoon, bilang pagtanaw ng utang na loob at lubos na pasasalamat. Ang paghihirap at krus ni Kristo ang nagdala sa atin ng liwanag ng bagong buhay. K. KATAGA NG BUHAY Mt 20,28 Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) “Let us pray daily for peace in our hearts, in our country, and in the world, esp. in the Middle East, Ukraine, and in other parts of the world in volatile situations. Lord, grant us Your peace! Amen.” Share on FacebookTweet Total Views: 382