SAINTS OF OCTOBER: SANTA MARGARITA MARIA ALACOQUE, DALAGA
OKTUBRE 16 A. KUWENTO NG BUHAY Pinakahihintay ng maraming tao sa mga parokya at sa mga kapilya o bisita sa ating bansa ang Unang Biyernes ng Buwan. Halos automatic na kapag dumarating ang araw na ito, handa na ang mga taong magdasal, magsimba at maglaan ng oras sa Banal na Sakramento. Ito ay dahil sa debosyon sa Mahal na Puso ni Jesus. Bilang parish priest, paborito kong samahan at pangunahan sa debosyon sa Unang Biyernes ang aking mga parishioners. Gumawa ako ng sariling mga panalangin upang mapalalim ang pang-unawa ng mga tao sa mahalagang debosyon sa Puso ng Panginoon. Ito ang aking ginagamit para maturuan ang lahat na magdasal, manahimik, at makinig sa Salita ng Diyos tuwing Unang Biyernes ng bawat buwan. Ang mabungang debosyong ito ay nagsimula sa isang mongha ng Visitation convent sa France, si Santa Margarita Maria Alacoque. Noong 1647 isinilang ang magiging alagad ng Mahal na Puso ni Jesus sa isang pamilyang katamtaman ang katayuan sa kanilang bayan sa Burgundy sa France. Dahil maagang namatay ang kanyang ama, naging mahirap ang buhay para kay Margarita at sa kanyang ina at mga kapatid. Isang amain niya ang kumamkam ng kanilang kayamanan at nag-trato sa kanila nang hindi mabuti. Sa lumaon ay muling naibalik sa kanila ang pamana ng kanilang ama at gumaan nang kaunti ang kanilang kalagayan. Nagkaroon ng debosyon sa Mahal na Birhen si Margarita matapos na gumaling sa isang karamdaman. Dahil dito, idinagdad niya ang “Maria” sa kanyang pangalan upang parangalan ang Ina ng Diyos. Sa halip na mag-asawa, pumasok si Margarita Maria sa monasteryo upang balikan ang kanyang pangako sa pagkabata na magiging isang madre. Nagsimula ang mga paghihirap niya sa loob ng monasteryo dahil sa mahinang kalusugan at sa mga pagsubok na ibinigay sa kanya habang siya ay naghahanda sa pagtanggap ng kanyang mga panata. Sa loob ng monasteryo ay nagkaroon ng kakaibang mga karanasan si Santa Margarita Maria dahil sa paulit-ulit na pagpapakita sa kanya ng Panginoong Jesukristo na may dalang mensahe tungkol sa kanyang Mahal na Puso. Hiningi ng Panginoon na ipalaganap ng mongha ang mga mensaheng ito na nais niyang maikalat sa buong mundo sa pamamagitan ng simbahan. Nais ng Panginoon na maging kaugalian ng mga Kristiyano ang pagtanggap ng Banal na Komunyon tuwing Unang Biyernes ng buwan, gayundin, ang pagganap ng Banal na Oras sa harap ng Banal na Sakramento, at ang pagtatatag ng Kapistahan ng Mahal na Puso ni Jesus. Lalong hindi naging madali ang buhay ni Santa Margarita Maria dahil sa mga kahilingang ito ng Panginoon. Hindi niya napaniwala ang mga teologo tungkol sa katotohanan ng kanyang mga pangitain. At lalong naging matindi ang pagtutol ng mismong mga kasamahan niya sa monasteryo sa kanyang mensahe. Dahil dito, lubos na nagdusa ang santa. Mabuti na lamang at nakilala niya si San Claude dela Colombiere, SJ (kapistahan Pebrero 15). Ipinangako ito ng Panginoon sa kanya bilang magiging katuwang niya sa misyon na ibinibigay sa kanya. Tinulungan ni San Claude ang santa upang lalong matanggap ng mga tao ang mensahe tungkol sa Mahal na Puso. Pati ang mga kasamahan niyang mongha ay nagsimulang maniwala dahil sa mga aral ni San Claude. Answered prayer ang pagdating ng banal na pari sa buhay ni Santa Margarita Maria. Naging malaking tulong din ang pagkakaroon niya ng isang superior na kaibigan niya at nagpakita ng tiwala sa kanya. Noong Hunyo 21, 1686 unang ipinagdiwang ang Kapistahan ng Mahal na Puso sa kanilang monasteryo. Lumaganap sa simbahan at maging sa iba’t-ibang bansa ang mensahe, sagisag at ang debosyon sa Mahal na Puso ni Jesus. Namatay noong 1690 si Santa Margarita Maria sa kanyang kumbento sa Paray–le–Monial, sa France. May isang munting kongregasyon ng mga madre na tinatawag na Missionary Catechists of the Sacred Heart at kabilang dito ang mga mabubuting madre na sina Sr. Amelia “Amy” Austria, Sr. Charlita “Letlet” Jinayon, at ang yumaong si Sr. Valeria “Rhea” Villacarlos, na nakasama ko sa gawain noong 2009 at naging tapat na mga kaibigan sa hirap at ginhawa. B. HAMON SA BUHAY Bagamat ang debosyong ipinakalat ni Santa Margarita Maria ay sinasabing tungkol sa “puso” ng Panginoon, ang tunay na tampulan nito ay hindi ang isang bahagi lamang ng katawan ni Jesus kundi ang kanyang buong sarili, ang kanyang dalisay na pagmamahal at ang kanyang mabuting hangarin para sa buong mundo. Ang basehan sa Banal na Kasulatan ay ang Juan 19:31-37, ang dugo at tubig mula sa tagiliran ni Kristong namatay sa krus. K. KATAGA NG BUHAY Mt 25,13 Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras. (from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 460
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed