ANO ANG BANAL NA MISA? PART 30: ANG DOXOLOGY / SA PAMAMAGITAN NI KRISTO…

Ang buong Panalanging Eukaristiko ay isang doxology (isang pangungusap ng papuri sa Diyos). At ang “Amen” ng mga tao ay nagtitibay sa katotohanang ipinahayag sa buong panalangin. Ang doxology sa dulo ng panalangin ay buod ng kabuuan ng papuring ito: “Sa pamamagitan ni Kristo, kasama niya at sa kanya, ang lahat ng parangal at papuri ay sa Iyo, Diyos Amang Makapangyarihan, kasama ng Espiritu Santo magpasawalang-hanggan.” Ang tugong bumubukal sa puso ay “AMEN.” Sa panalangin, hindi basta ipinakikita ang pagkakapantay ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos, kundi ang kaugnayan nila sa isa’t-isa. Lahat ng papuri ay sa Ama, sa pamamagitan ni Kristo (1 Cor 8:6), at ang nagbibigay ng pagkakaisa ay ang Espiritu Santo na buklod ng Santissima Trinidad at ngayon ay buklod ng sangnilikha patungo sa Ama. Itinataas ng pari ang Katawan at Dugo ni Kristo bilang paghahandog. Makikita dito ang kasaysayan ng daigdig at ang hantungan nito. Lahat ay bunga ng puso ng Ama, ng kanyang pagmamahal. Lahat ay nalikha sa pamamagitan ng Anak, ang unang ani (Col 1:15). Lahat ay pinananahanan ng Espiritu Santo sa pagmamahal. Share on FacebookTweet Total Views: 1,428