SAINTS OF OCTOBER: SANTA TERESITA NG BATANG SI HESUS (ST. THERESE OF THE CHILD JESUS), DALAGA

  KAPISTAHAN: OKTUBRE 1      A. KUWENTO NG BUHAY Isa sa pinakalaganap at pinakasikat na larawan ng isang santa ay ang larawan ng isang monghang Carmelite na diretsong nakatingin sa kamera at nakangiti nang ubod tamis. Ang kanyang mga mata at ang kanyang ngiti ay tanda ng napakalalim na buhay-espiritwal na umakay sa maraming tao upang makilala ang tunay na mukha ng Diyos. Ang santang ito ay si Santa Teresita ng Batang si Hesus (St. Therese of the Child Jesus o St. Therese of Lisieux sa Ingles). Isa siya sa pinakasikat na santa sa kasaysayan ng ating simbahan magpahanggang ngayon.  Inspirasyon siya ng maraming mga tao mula sa iba’t-ibang antas ng buhay. Isa siya sa aking mga paboritong banal sa langit. Isinilang si Santa Teresita sa Alencon sa France noong 1873 sa mga magulang na sina San Luis Martin, ang amang nag-aruga sa kanya, at Santa Zelie-Marie Guerin ang kanyang ina na maagang pumanaw (Nagulat ba kayo na santo at santa din ang mga magulang ng ating bida? Sa kasaysayan, sila ang unang mag-asawa na sabay idineklara bilang mga santo.) Kahit na maraming naging anak ang mga ito, hindi lahat ay nabuhay. Limang babae lamang ang nakaligtas sa kamatayan sa pagkabata – isang santa (Santa Teresita), isang nasa proseso ng beatification (Sr Francisca Teresa o Leonie), at maaaring sumunod na rin ang iba sa landas ng pagkilala sa kabanalan. Ang apat na kapatid ni Santa Teresita ay naging mga mongha din, tatlo sa Carmelitemonastery kasama niya at isa sa Visitation convent kasama ng isa nilang tiyahin. Kapag humantong sa pagka-santa ang iba pang mga kapatid ni Santa Teresita, matutulad sila pamilya ni San Bernardo (kung saan lahat ng miyembro ay nadeklara na bilang santo at blessed). Narito ang mga kapatid ni Santa Teresita: Leonie – Sr Francisca Teresa, pumasok sa Visitation convent Marie Pauline – Mother Agnes of Jesus, naging superior ng Carmelite monastery Marie Louise – Sr Marie of the Sacred  Heart, Carmelite Marie celine – Sr Genevieve of the Holy Face, Carmelite Nang bata pa si Santa Teresita ay nagkasakit siya nang malubha. Isang himala ang kanyang paggaling dahil sa tulong ng imahen ng Mahal na Birheng Maria na nakita niyang ngumiti sa kanya. Tinatawag ngayon ang imaheng ito na “Virgin  of the Smile.” Naging madasalin si Teresita at pinaglabanan niya ang maraming kahinaan ng  kanyang karakter.  Nang pumasok sa monasteryo ng Carmel ang kanyang dalawang kapatid, naging masidhi ang kanyang pagnanasa na ialay ang sarili sa Panginoon. Kailangan siyang maghintay at matuto ng pasensya dahil hindi agad ipinagkaloob ang kanyang ninanais dahil sa sobrang bata pa niya. Sa wakas tinanggap siya sa monasteryo sa edad na 15 taong gulang. Doon na niya gugugulin ang buong buhay niya hanggang sa kanyang kamatayan sa edad na 24 taong gulang lamang.  Ang naging bagong pangalan niya ay Sister Teresita ng Sanggol na si Hesus at ng Banal na Mukha (Sr. Therese of the Child Jesus and of the Holy Face). Habang nasa monasteryo, sinikap gawin ni Santa Teresita ang kalooban ng Diyos sa mga maliliit na bagay na dapat gampanan ng isang mongha.  Ipinakita rin niya ang tahimik pero malimit na kabutihan at kagandahang-loob sa kanyang mga kasama kahit nahihirapan siyang makisama sa kanila o nasasaktan nila ang kanyang kalooban. Dito niya nakita na ang susi ng kabanalan ay hindi matatagpuan sa malalaking gawain kundi sa mga mumunting bagay na ginagawa nang may buong pagmamahal.  Ito ang nagbigay sa kanya ng tunay na kapayapaan. Nakilala niya ang Diyos bilang pag-ibig at kaibigan, at hindi hukom na dapat katakutan. Tinawag niya ang kanyang bagong tuklas na karanasang ito bilang doktrina ng “munting landas” (little way) ng pagiging bata o musmos ng kaluluwa sa harap ng Diyos.  Pagkatapos ng kanyang kamatayan, at sa tulong kanyang aklat na Story of aSoul (Kasaysayan ng Isang Kaluluwa), magiging tanyag ang espiritwalidad na ito at magiging gabay ng napakaraming Kristiyano sa buong mundo. Naglingkod si Santa Teresita sa iba’t-ibang tungkulin sa loob ng monasteryo. Dito lumago ang kanyang pananampalataya at nagbago ang kanyang pananaw sa buhay. Nagpakita siya ng pagmamahal para sa mga pari at mga misyonero na pinag-alayan niya ng panalangin at sakripisyo. Nangarap siyang maipadala sa monasteryo sa Vietnam (Saigon Carmel) pero hindi ito natupad. Dahil sa tuberculosis, namatay si Santa Teresita noong Setyembre 30, 1897.  Kahit hindi siya umalis ng monasteryo sa loob ng 9 na taon ng kanyang buhay doon, nakilala ang kanyang aklat at ang aral na dala nito.  Maraming humanga sa kanya at natulungan ssa kanilang pananampalataya.  May mga himalang sinasabing naganap dahil sa kanyang tulong. Maraming nakaramdan ng tulong at presensya ni Santa Teresita bilang isang kaibigan at kapatid sa paglalakbay tungo sa Diyos. Noong 1925 opisyal na ipinahayag siya bilang santa ng simbahan.  Siya ngayon ay patron ng France kasama ni Santa Juana d’Arc. Siya din ay patronng mga misyonero kasama ni San Francisco Javier. Tinanggap niya ang titulo bilang Pantas ng simbahan noong 1997 dahil sa lakas ng kanyang aral sa buahy espiritwal. B. HAMON SA BUHAY Kung hindi mo pa nababasa ang aklat ni Santa Teresita (The Story of a Soul), ano pa ang hinihintay mo? Bumili, humiram o mag-download at basahin ito nang taimtim upang matuklasan ang itinuturo niya sa atin na landas ng pagiging banal sa araw-araw. Ipagdasal din natin na tulungan ni Santa Teresita ang mga pari, mga seminarista at mga misyonero. K. KATAGA NG BUHAY Dt 32:10-12 Si Yawe lamang ang umakay sa kanya, wala siyang kasamang diyos na banyaga. Share on FacebookTweet Total Views: 723