SAINTS OF DECEMBER: MARIA, IMMACULADA CONCEPCION

DISYEMBRE 8 DAKILANG KAPISTAHAN NG KALINIS-LINISANG PAGLILIHI SA MAHAL NA BIRHENG MARIA (IMMACULATE CONCEPTION OF THE BLESSED VIRGIN MARY) A. KUWENTO NG BUHAY Pamilyar na tayo sa buhay ng Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng ating Panginoong Hesus at Ina natin sa pananampalataya. Ayon sa Bibliya, mula sa puso ng Diyos ay hinirang niya si Maria, isang birhen, isang dalaga, isang simpleng babae upang maging ina ng kanyang Anak na magkakatawang-tao.  Ang paglilihi ni Maria kay Hesus ay hindi gawa ng tao sapagkat wala pang asawa noon si Maria. May nobyo siya, si San Jose, subalit hindi pa sila kasal at hindi nagsasama. Ang Espiritu Santo ang kikilos upang maganap ang himala ng pagdadalang-tao ng Mahal na Birhen sa kanyang sanggol na si Hesus. Subalit ang kapistahang ito ay hindi tungkol sa paglilihi ni Maria sa kanyang Banal na Anak.  Ito ay tungkol sa ina ni Maria (si Sta. Ana, ang pangalan ayon sa tradisyon), na naglihi sa sanggol na si Maria sa kanyang sinapupunan.  Ang himala ng Diyos ay kumilos sa pangyayaring ito, dahil sa tiyan pa lamang ni Sta. Ana, ang sanggol na si Maria, ay hindi pinabayaan ng Diyos na magkaroon ng anumang bahid ng kasalanan. Bahagi ng pananampalatayang Kristiyano ang turo tungkol sa original sin o kasalanang mana mula kay Adan at Eba. Ibig sabihin, lahat ng isinisilang sa mundong ito ay nababahiran ng kasalanan ng unang mga magulang natin, kaya lahat ay isinisilang na may kulang, o may pagkakalayo sa Diyos at sa buhay-kabanalan, dahil nga sa pagsuway ni Adan at Eba. Sa aral ng ating simbahan, ang Mahal na Birhen ay ipinaglihi ng kanyang ina na walang bahid-dungis ng kasalanan.   Bakit tila special treatment ang ginawa ng Diyos? Dapat natin maunawaan na naganap ito hindi dahil kay Maria. Ito ay naganap alang-alang sa Panginoong Hesukristo, bilang paghahanda ng Diyos sa pagsilang ng kanyang Anak.  Ang magdadala o sisidlan ng Anak ng Diyos ay dapat maging malinis at karapat-dapat na nilalang. Dahil si Maria ay nasa plano na ng Diyos noon pa man, kaya nga sa simula pa ng kanyang buhay, siya ay iniligtas na at ipinag-adya sa original sin. Maringal na ipinahayag na ating simbahan ang katuruang ito (o dogma) noong December 8, 1854 sa pamamagitan ni Papa Pio IX.  Ang kapistahan ngayon ay “holy day of obligation” sa Pilipinas kaya dapat tayong magsimba sa araw na ito. Ang kapistahang ito ay Marian – dahil tungkol kay Maria. Pero hindi si Maria ang sentro ng turo at pagdiriwang na ito. Sa halip, ito ay Christocentric – ang sentro ay si Hesus, ang anak ng Diyos na ang piniling maging Ina ay si Maria. Si Maria ay isang mahalagang kasangkapan, isang natatangi at kakaibang instrumento ng Diyos para sa pagdating ng kanyang Anak. B. HAMON SA BUHAY Habang papalapit ang Pasko ay mapapansin nating palagi nating maririnig o kasama sa pagdiriwang ang Mahal na Birheng Maria.  Mayroon ka bang debosyon sa kanya?  Nagdarasal ka pa ba ng Rosaryo na isang panalanging Marian at lalo na, Christocentric?   Hililingin nating mapalapit tayo kay Hesus sa tulong ng kanyang Inang si Maria. Huwag kalimutang magsimba sa araw na ito. Ngayong Adbiyento, maging modelo nawa natin si Maria sa pagtugon sa tawag sa atin ng Panginoon. K. KATAGA NG BUHAY Lk 1;31-32 At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasang, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. (from Isang Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos) Share on FacebookTweet Total Views: 949