KAIBIGAN SA LANGIT: KA LURING (LAUREANA FRANCO)

“Ka Luring pagdating mo sa langit, huwag mo akong kalilimutang ipagdasal,” ‘ika ko kay Ka Luring nang dalawin ko siya PGH (Philippine General Hospital) habang malubhang nakaratay sa sakit na kanser. Nagulat ako sa kanyang mabilis na tugon: “Father, pagdating ko sa langit, sasabihin ko kay Jesus lahat ng ginawa mong kabutihan sa mga mahihirap.” Bago ang palitang ito ang una kong pagbati sa kanya ay: “Ka Luring, kilala mo baa ko?” at ang magiliw niyang sagot ay: “Father, paano kita makakalimutan?” Ito ang huling tagpo ng buhay ni Ka Luring sa aking ala-ala. Katatapos lang ng pulong nga grupong Iesus Caritas nang magpasya kaming mga pari na dalawin si Ka Luring na napabalitang nasa malubhang kalagayan. Kasama naming bumisita sa kanya ang dakilang arsobispo ng Maynila na si Gaudencio Cardinal Rosales. Kung hindi ako nagkakamali, lahat kaming mga dalaw niya noon ay nagkaroon ng maikling pagkakataon na makausap siya. Malinaw na malinaw ang kanyang pag-iisip at magiliw ang pananalita na para bang hindi siya naghihirap nang lubos. Kung ito ang huling tagpo na aking naaalala, ano naman ang mga una kong gunita sa katauhan ni Ka Luring? Sa seminary pa lamang, madalas na dumarating si Ka Luring upang dumalo sa mga pagsasanay ng mga katekista at sa mga pulong at gampanin na may kinalaman sa arkdiyosesis ng Maynila. Kasa-kasama siya ng ibang mga katekista at hindi lumulutan ang kanyang personalidad sa ganitong mga pagkakataon. Palibhasa, napakasimple ng kanyang mga kasuotan, tila mga lumang damit na pinagpapalit-palit laman niyang isuot. Walang alahas, walang kolorete, walang pabango, madalas ay humahangos si Ka Luring at laging may dalang maliit na tuwalya o bimpo na pamunas sa kanyang mukhang pawisan. Bulung-bulungan na noon pa man ang kadakilaan ng paglilingkod ni Ka Luring. Sinasabi na ng ilan na tila daw ito isang “living saint” sa hanay ng mga katekista ng Maynila. Bilang seminarista, hindi ko nakausap man lamang siya dahil wala namang naganap na dahilan upang maganap ang ganitong tagpo. Subalit narinig ko na siya dahil sa may mga okasyon na siya ang tagapagsalita sa mga seminarista sa kanilang buwanang recollection o banal na pagsasanay. Tapat at banayad lamang niyang inilalahad ang mga karanasan niya bilang tagapagturo ng pananampalataya sa mga bata sa pampublikong paaralan. Bago makatapos ng Teolohiya, naging miyembro ng inampalan si Ka Luring sa aming huling pagsusulit sa kursong Patristics, o iyong pag-aaral ng mga sinaunang Ama ng Simbahan. Ang hamon ng aming propesor (na obispo na ngayon) ay gayahin naming mangaral ang sinumang maibigan naming Ama ng Simbahan (Father of the Church) o sinaunang santo. Maaari din daw kaming gumamit ng kasuotang angkop sa katauhan ng aming ginagaya. Ang napili ko noon ay si San Hilario ng Poitiers at ang paksa ay ang Santisssima Trinidad. May tatlong inampalan o judge noon at isa na nga si Ka Luring. Natutuwa ako nang may magsabi sa akin na nagustuhan ni Ka Luring ang istilo ng aking pangangaral. Subalit, lahat naman ay passado sa kanya at nagustuhan niya. Nang matapos ang ordinasyon at naatasan akong maglingkuran sa Villa San Miguel na tahanan noon ng magiting na arsobispo ng Maynia na si Jaime Cardinal Sin, mas madalas at mas personal ko nang nakaulayaw si Ka Luring. Kasi ba naman ay ang dalas niyang maging panauhin ni Cardinal Sin. Ipinatatawag siya ng Kardinal kapag may mga malulubhang situwasyon ng lipunan na nilulutas ng Kardinal at kinakailangan nito ng espirituwal na katuwang. Si Ka Luring ang prayer partner ng Kardinal. Nananalig si Kardinal na mabisa ang panalangin ni Ka Luring at kapag ito ang nagdasal, dinidinig ng langit ang kahilingan. Dito ko na nakilalang lubos si Ka Luring. Matapos kasi ang panayam nila ng Kardinal, nakakausap ko siya at nakakasalo pa nga sa kainan sa komedor ng Villa San Miguel. Maraming mga kuwentuhan ang aming pinagsaluhan tungkol sa maraming mga bagay na hinaharap ng simbahan. Dahil kay Ka Luring, naging malapit din ako sa ilang mga katekista na kanyang kaibigan at ginabayan. Tumutulong din kasi si Ka Luring at ang ilang mga katekista sa programa ng katesismo sa Villa San Miguel na siyang naghahawak ng misyong ito para sa mga kabataan sa paligid ng Villa. Noong panahon iyon, nagsimulang magdala ng mga itlog ang mga mongha ng Poor Claires Monastery sa Katipunan sa Villa. Ayon kasi sa mga mongha, sobrang dami ng mga itlog na tradisyunal na alay ng mga taong nagdedebosyon kay Santa Clara ng Asisi, ang patrona ng monasteryo nila. Pabirong naitanong ko sa mongha kung bakit hindi na lang nila kainin ang mga itlog kaysa ipamigay ang mga ito. Tugon naman ng mongha, baka daw tumaas ang presyon ng kanilang dugo kung itlong araw-araw ang kanilang ulam. Dahil napakadami nga ng mga itlog na dumarating sa Villa noon, nalaman ito ni Ka Luring at nilapitan niya ako kung maaari siyang humingi ng mga itlog. Ang una kasing pinadadalhan naming ng mga itlog ay ang seminary. Ayon kay Ka Luring, ang mga itlog ay malaking tulong sa kanyang katekesis sa mga bata sa squatter area o depressed area. Lulutuin daw niya ang mga ito at gagawing meryenda ng mga batang dumadalo sa kanyang mga pagtuturo doon. Mula noon ay regular nang humakot si Ka Luring ng itlog na ipinamimigay ng mga mongha sa Villa. Nang una akong maitalaga bilang kura paroko sa isang bagumbago at maralitang parokya, naalala kong masigla ang pakilkiisa ni Ka Luring sa araw ng pagtatalaga sa akin doon. Nilapitan niya ang aking mga magulang. Naroon siya sa Misa at salu-salo, kasama ang mga katekistang kaibigan. May mga larawan kaming nagpapatunay na tumanggap siya ng Banal na Komunyo at nakipag-kuwentuhan pa sa akin. Mabuti na lang at naitago ko ang ilang lumang larawan sa okasyon na iyon. Ilan sa mga ala-ala ko kay Ka Luring sa parokya ay ang biglaan niyang pagdating para magsimba. Nagugulat na lamang ako na nandoon siya sa simbahan at nagdadasal habang naghihintay ng Misa. Lagi ko siyang pinapapasok sa kumbento para makausap, makapagbiruan, at magkuwentuhan. Sa tuwing dadalaw din siya sa akin ay lagi kong … Continue reading KAIBIGAN SA LANGIT: KA LURING (LAUREANA FRANCO)