Paggunita kay Maria, Ina ng Simbahan (Lunes pagkatapos ng Pentekostes)
KUWENTO Ang paggunitang ito ay itinatag ni Papa Francisco at ipinagdiriwang tuwing Lunes pagkatapos ng Linggo ng Pentekostes o ang Dakilang Kapistahan ng Pagbaba ng Espiritu Santo kay Maria at mga Apostol at pagsilang ng Inang Simbahan. Nawa sa pamamagitan ni Maria, Ina at Reyna ng Simbahan, tayo ay patuloy niyang ipanalangin, na ito ay kanyang dalisayin. Ang paggunita ngayon ay nagbibigay-pugay kay Maria hindi lang bilang Ina ng Diyos, kundi bilang Ina rin ng Simbahan, at kaya naman siya rin ang ina nating lahat. Bilang ating ina, gusto ni Maria ang pinakamabuti para sa kanyang mga anak—ang mapalapit tayo sa kanyang Anak na si Hesus, dahil alam niyang Siya ang daan patungo sa langit. Sa Ebanghelyo ngayon, ipinakikita ito ni Hesus nang sabihin Niya sa Mahal na Birhen at kay San Juan na minamahal na alagad: “Babae, narito ang iyong anak,” at sa alagad, “Narito ang iyong ina.” Hindi lang nito ipinapakita na ipinagkatiwala si Maria kay Juan, kundi ibinigay din si Maria sa ating lahat bilang mapagmahal na ina. Kahit hindi natin lubos maintindihan kung gaano kalaki ang pagmamahal ni Maria kay Hesus, nakakatuwa isipin na mahal din niya ang bawat isa sa atin nang ganoon din kalalim. Sa bahaging ito, makikita natin si Maria na nakatayo sa paanan ng krus, kasama si Hesus hanggang sa Kanyang huling sandali at sa pinakamahirap na panahon ng kanyang buhay sa lupa. Hindi siya tumakbo sa takot o bumagsak sa lungkot. Nanatili siyang matatag, naroon, tapat, at punong-puno ng pagmamahal. Talagang kahanga-hanga ang kanyang wagas na pag-ibig, matatag na puso, at tapang sa gitna ng matinding pagdurusa. HAMON Ipinapaalala sa atin ng Ebanghelyo ngayon na hindi tayo nag-iisa. Mayroon tayong Inang nasa langit na kasama natin, nagmamahal sa atin, at patuloy tayong inaakay pabalik sa kanyang Anak. Lagi siyang nariyan para sa atin, lalo na sa pinakamadilim nating oras, katulad ng ginawa niya kay Hesus. SALITA NG BUHAY Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay ang ina ni Jesus. (Jn 19: 26-27) Share on FacebookTweet Total Views: 6
Copy and paste this URL into your WordPress site to embed
Copy and paste this code into your site to embed