UNANG LINGGO NG KUWARESMA A
SIYA’Y NAG-AYUNO
MT 4: 1-11
MENSAHE
Siya’y nag-ayuno ng apatnapung araw…
Nag-ayuno ang Panginoong Hesukristo hindi upang gumanda ang katawan kundi upang lumago ang buhay espirituwal. Hindi niya pakay ang maging malusog, payat, o matipuno. Ang nais niya ay ang balanseng panloob at kagalingan. Kaya nang humangos ang virus ng tukso, madali itong nalabanan at hindi natumba o nadala ang Panginoon sa kasalanan.
Nag-ayuno ang Panginoong Hesukristo hindi upang ipakita ang kanyang matatag na kalooban kundi upang isuko ito sa mas mataas na kalooban. Maraming nag-aayuno upang ipakitang mas mataas sila kaysa sa tawag ng pagkain, inumin, at mga pagnanasa, at superior sila sa mga mababang pita ng laman. Subalit si Hesus ay nag-ayuno upang ihandog ang sariling kalooban sa tunay na naghahawak ng kanyang puso, ang Ama sa langit.
Nag-ayuno ang Panginoong Hesukristo hindi upang gamutin ang karamdamang dinadala kundi bilang paghahanda sa mga hamong darating. Ang mga maysakit ngayon ay nag-aayuno upang mabawi ang lakas na dulot ng labis na asukal, taba, o timbang sa katawan. Ang pag-aayuno ng Panginoon ay isang paghahanda sa laban kontra sa kalabisang inihahandog ng mundo. Dahil bahagi ng buhay niya ang pag-aayuno, namuhay ang Panginoong Hesukristo na simple, maligaya, at mabuti sa kapwa, habang lagging bukas sa tinig ng Espiritu ng Diyos na kumikilos sa kanya.
MAGNILAY
Ngayong Kuwaresma, tinatawag tayong sundan ang halimbawa ng pag-aayuno ng Panginoon. Ano ang kusa mong kayang talikuran alang-alang sa Diyos, sa pagsunod sa kanyang kalooban, o sa kaligtasan mo at ng iyong kapwa? Ang mahalaga, mag-ayuno tulad ni Hesus, at kasama ni Hesus. Amen.