DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD A
ISA SA DIYOS NG KAPAYAPAAN
JN 3: 16-18
MENSAHE
Ang kasaysayan ng Diyos ay kasaysayan ng pagkakaisa, dahil ang Diyos ay isa subalit hindi nag-iisa. Ang Diyos ay pamilya ng Ama, Anak, at Espiritu Santo, nagkakaisa sa pagka-Diyos. Ganito ang pagbubunyag ng Banal na Kasulatan. Ganito ang aral ng Panginoong Hesukristo tungkol sa Ama at Espiritu Santo. Ganito naranasan ng mga tao sa buong kasaysayan ang pag-ibig, awa, at kabutihan ng Diyos. Ang Dyos ay isa subalit hindi nag-iisa.
Higit sa lahat, dapat nating maunawaan ang Diyos ngayon hindi lamang bilang doktrina o paksa ng talakayan. Sa halip, hiling natin sa kanya na pagkalooban tayo ng regalo ng kapayapaan… sa ating puso… sa ating daigdig…
Ang Diyos una sa lahat, ay Ama ng Kapayapaan, Diyos ng Kapayapaan. “At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.” (Fil 4:7) Mula sa puso ng Ama, umaagos ang kaloob na kapayapaan para sa lahat niyang nilalang, at lalo na, para sa ating mga anak niya. Nang nagtaksil ang tao at lumayo, ang Ama ang naunang lumapit upang itaguyod ang pagkakasundo. Ang taluktok ng kanyang plano ng kapayapaan ay ang pagsusugo kay Hesus na Bugtong niyang Anak upang sariwain ang nawasak ng kamatayan at kasalanan.
At ang Diyos Anak, si Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan (Is 9:6). Upang pagkasunduin ang kanyang Banal na Ama at makasalanang mga kapatid, inialay ng Panginoon ang kanyang sarili sa Krus. At sa Muling Pagkabuhay, ang una niyang pagbati ay kapayapaan. Ibinigay niya ang regalo ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad at ng pangako ng kanyang pananatili kasama nila. Itinatag niya ang simbahan na pamayanan ng kapayapaan; itinatag niya ang sakramento ng Kumpisal upang magbigay kapanatagan sa ligalig at makasalanang mga puso. Hiningahan niya ang mga alagad ng Espiritu ng Kapayapaan.
Sa huli, ang Diyos Espiritu Santo, ang Dakilan at Mabathalang Presensya sa ating kaluluwa, ay nagbubunga ng kapayapaan. “Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ganito.” (Gal 5: 22, 23) Ito ay kapayapaan ng mga ugnayan dahil ang Espiritu ang naglalapit sa atin kay Hesus at sa Ama, na hindi natin nakikita subalit nadarama sa pamamagitan ng Espiritu. Ang Espiritu Santo ang mabisang katiyakan sa ating mga kauluwa na lahat ay may mabuting patutunguhan sa kabila ng mga unos ng buhay. Ang kapayapaan niya ang nagdudulot sa ating mamuhay nang panatag sa harap ng Diyos at ng ating kapwa.
MAGNILAY
Kung ang ating Iisang Diyos ay pamilya ng Persona, Ama, Anak at Espiritu Santo, Diyos ng kapayapaan, dapat tayong magsikap na magtaguyod at mamuhay sa kapayapaan. Nakaugat sa pananampalataya sa Santissima Trinidad, ang daigdig ay makakatuklas at makararanas ng kapayapaan. Hilingin natin sa Panginoon na gawin tayong mga kasangkapan ng kapayapaan sa bawat sandali.