IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
NAKIKINIG BA AKO?
MT 13: 1-9
MENSAHE
Sa Mabuting Balita ngayon, hinihimok tayong unawain ang kaugnayan natin sa Salita ng Diyos. Ang ating Diyos ay hindi tahimik na Diyos, bagamat mahal niya ang katahimikan at nagsasalita siya maging sa gitna nito. Ang Diyos ng Israel ay Diyos na nakikipag-usap. Kinausap niya ang mga patriarka; nagsalita siya sa pamamagitan ng mga propeta: “Sinabi ng Panginoon…” At ayon sa Sulat sa mga Ebreo, sa mga huling araw, nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang Anak (Eb. 1: 1-2).
Makapangyarihang nagsalita ang Panginoong Hesukristo, ang Bugtong na Anak, tulad na kanyang Ama. Nangaral siya na may paninindigan upang ipahayag lamang ang katotohanan, kagandahan, at kadalisayan ng Salita ng Diyos. Siya nga mismo ang Salita ng Diyos na nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang buhay at paglilingkod. Patuloy siyang nakikipagtalastasan sa atin ngayon sa pamamagitan naman ng makapangyarihang Espiritu Santo.
Kaya, habang nakararating sa atin ngayon ang Salita na tinatanggap natin nang may pananampalataya sa Bibliya, sa turo ng simbahan, sa inspirasyon ng mga banal na tao, at sa mga pangyayari sa ating buhay, ang tanong ay ito: tulad ng iba’t-ibang uri ng lupa na tumanggap sa binhi, paano ko ba naman sinasalubong ang Salita ng Diyos?
Nakikinig ba ako subalit kulang sa pagtuong-pansin dahil palagay ko ay marami na akong alam? Nakikinig ba ako pero sandali lang dahil may mga mahalaga pa akong pinagkakaabalahan? Nakakatagpo ko ba ito subalit hindi ko lubos na pinagtitiwalaan? O tinatanggap ko ba ito nang tama, bilang kaloob na inspirasyon, lakas, pagbabago, at kaligtasan?
Nagsasalita pa din ang Diyos, kay Hesus at sa Espiritu ngayon subalit hindi upang hangaan siya bilang mahusay na taga-talumpati. Naghahasik siya ng Salita hindi upang palakpakan kundi upang iabot ang kamay. Nagsasalita siya bunsod ng pagmamahal, dahil ang nais niya ay makipag-ugnayan sa atin. Ang talinghaga ng manghahasik ay naglalarawan ng iba’t-ibang tugon ng mga tao na nakatagpo ang Diyos sa kanilang buhay.
MAGNILAY
Nadarama ba natin ang Salita ng Diyos saanman natin ito matagpuan – sa Bibliya, sa panalangin, sa Misa, sa mga gawaing pangaraw-araw? Manalangin tayo na tulad ng mabuting lupa, maging bukas ang ating puso sa pagbubuo ng mas malalim, mas masigla, at mas makabuluhang kaugnayan sa Diyos na ating Panginoon . Amen.