Home » Blog » SAINTS OF DECEMBER: SAN JUAN DELA CRUZ

SAINTS OF DECEMBER: SAN JUAN DELA CRUZ

DISYEMBRE 14

SAN JUAN DELA CRUZ (ST. JOHN OF THE CROSS),
PARI AT PANTAS NG SIMBAHAN
A. KUWENTO NG BUHAY
Binigyan ng pangalan na Juan Yepez ang santong ito noong isilang sa Espana taong 1542. Itinakwil ng pamilya ang ama ni Juan nang mag-asawa siya nang babaeng mas mababa ang katayuan sa lipunan. Namatay ang kanyang ama nang sanggol pa lamang si Juan, kaya ang kanyang ina ang tunay na nagpalaki at nag-aruga sa kanya.  Pinalad na makapag-aral si Juan at kung anu-anong trabaho ang kanyang pinasok upang mabuhay.  Naging isang lalaking nurse din siya.
Noong 1563, si Juan ay tinanggap sa Carmelite Order at naging pari siya matapos ang ilang taon. Dito ay tinawag siya bilang “Juan ni San Matias”. Batang pari pa lamang siya nang makatagpo niya at makilala ang dakilang santa na si Santa Teresa ng Avila noong 1568.  Hinimok siya ni Santa Teresa na samahan siya at tulungan na baguhin at ayusin ang CarmeliteOrder na noon ay nangangailangan ng reporma sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw at pagsasabuhay ng orihinal na layunin ng religious order na ito.  Si Santa Teresa ang mangunguna sa pagbabago ng mga madre at si San Juan naman sa mga pari at brothers.
Ang Carmelite Order ay isa sa pinakamatandang religious order o grupo ng mga pari, madre at brothers sa kasaysayan ng Simbahan.  Ayon sa kanila, ang simula ng order na ito ay kay Propeta Elias pa sa Lumang Tipan, na namuhay sa Bundok ng Carmelo sa Israel.  Sa CarmeliteOrder nagmula ang “brown scapular” na paboritong kuwintas ng mga Katoliko dito sa Pilipinas.  Ang Mahal na Birhen del Carmen (Our Lady of Mt. Carmel) ang Patrona ng order na ito.
Pinalitan ni Juan ang kanyang pangalan mula “Juan ni San Matias” sa pangalang “Juan dela Cruz”.  Masipag na ginawa ni San Juan dela Cruz ang lahat ng kanyang makakaya upang mapabilis ang reporma ng mga Carmelites.  Dahil dito nagkaroon siya ng mga kaaway. Siya ay ipina-kidnap at ikinulong sa Toledo.
Nahati ang CarmeliteOrder at humiwalay dito ang grupo nina Santa Teresa at San Juan dela Cruz na tinawag bilang Order of Discalced Carmelites.  Punong-puno ng sigla at lakas ang bagong tatag na grupong ito at nagbunga ito ng maraming kabutihan at kabanalan sa simbahan.
Naglingkod sa ibat-ibang posisyon si San Juan dela Cruz sa kanyang order at nakilala ang kanyang karunungan at kabanalan. Sumulat siya ng maraming aklat tungkol sa panalangin at buhay-espirituwal.  Ang mga ito ay mababasa pa hanggang ngayon – The Ascent of Mount Carmel, The Dark Night of the Soul, The Spiritual Canticle, The Living Flame of Love. 
Dahil sa kanyang mga isinulat, siya ay tinanghal na pantas (doctor) din ng ating simbahan. Madaling kumalat ang halimuyak ng kanyang mga turo tungkol sa pagkakamit ng kabanalan. Isa siyang pangunahing guro sa larangan ng mga bagay-espirituwal.
Ngayon, hindi lamang mga pari, madre at brothers ang miyembro ng CarmeliteOrder kundi pati mga layko ay nagsasabuhay na rin ng espirituwalidad ng Carmel, sa tulong ng mga praktikal na aral ni San Juan dela Cruz at ni Santa Teresa ng Avila.
Namatay si San Juan dela Cruz noong Disyembre 14, 1591.
B. HAMON SA BUHAY
Kung nagsusuot ka ng BrownScapular, dapat mo ring malaman ang tunay na kahulugan nito at ang mga paraan ng pagasasabuhay ng diwa nito. Magbasa ng anumang materyal tungkol sa espirituwalidad ng Carmelites upang lalong maging mabunga ang iyong pagsusuot ng eskapularyo sa malalim na pang-unawa sa diwang kinakatawan nito. Bumili, mag-download at magbasa ng anumang aklat ni San Juan dela Cruz na available sa mga bookstores at websites.
Ngayong Adbiyento, yakapin nawa natin ang krus ng ating buhay tulad ni San Juan dahil ang krus ang magiging sanhi ng ating pagkabuhay at tagumpay kasama ni Hesus.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt. 16:24
At sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin.
 
 (from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)