Home » Blog » SYMBOLS OF THE HOLY SPIRIT (MGA SIMBOLO O SAGISAG NG ESPIRITU SANTO)

SYMBOLS OF THE HOLY SPIRIT (MGA SIMBOLO O SAGISAG NG ESPIRITU SANTO)

TUBIG: ang kanyang kilos sa Binyag; ang tubig ng Binyag ang ating pagsilang sa buhay kabanalan na kaloob sa atin ng Espiritu Santo: iisang Binyag, iisang Espiritu (1 Cor 12: 13); ang Espiritu Santo ang tubig na dumaloy sa tagiliran ni Kristong nakapako sa krus, bukal at pag-uumapaw ng buhay na walang hanggan (Jn 4: 10-14, 7:38).

PAGPAPAHID (anointing): tumutukoy sa pangunahing pagpapahid o anointing na tinanggap ng Panginoong Hesus mula sa Espiritu Santo at dahil dito si Hesus ang KRISTO (sa Ebreo, Mesiyas) na kahulugan ay ang “pinahiran” ng Espiritu ng Diyos.

APOY: ang nagpapanibagong lakas mula sa kilos ng Espiritu Santo; maaalala ang tila mga dilang apoy na bumaba sa mga alagad noong Pentekostes

ULAP AT LIWANAG: mga larawan ng Espiritu Santo sa kanyang pagpapahayag. Sa Lumang Tipan ang ulap ay minsang makulimlim at minsang maliwanag, parang kapwa ikinukubli at isinisiwalat ang kadakilaan ng Diyos. Makikita ito kay Moises sa bundok Sinai, sa tolda ng pagtitipon, sa paglalakbay ng Israel sa disyerto, kay Solomon sa pagtatalaga ng Templo. Sa Bagong Tipan, ang Espiritu Santo ay tila ulap na bumaba kay Maria upang maglihi at magsilang kay Hesus. Makikita din sa ulap na bumaba sa Bundok ng Pagbabagong-anyo ng Panginoon, at sa ulap na bumalot sa Panginoong Hesus habang siya ay umaakyat na sa langit.

TATAK: malapit ang kahulugan sa pagpapahid o anointing; si Hesus ang unang tinatakan ng Espiritu Santo at siya namang ang nagtatak sa atin bilang mga anak ng Diyos; ipinapahayag ang hindi mabuburang epekto ng pagpapahid ng Espiritu Santo sa mga sakramento; may hindi mabuburang tatak sa ating kaluluwa dala ng mga sakramento ng Binyag, Kumpil at Banal na Orden.

KAMAY: ang mga kamay ng Panginoong Hesus ang nagbasbas at nagpagaling. Ang pagpapatong ng kamay ng mga alagad naman ang nagbabahagi ng Espiritu Santo sa mga mananampalataya. Ginagamit sa mga sakramento ang pagpapatong ng kamay na tanda ng paglukob ng Espiritu Santo sa atin.

DALIRI: “ang daliri ng Diyos” (Lk 11: 20) ang gamit ni Hesus sa pagpapalayas ng mga demonyo; daliri ng Diyos ang sumulat ng Batas sa bato sa Sinai; at ang daliri ng Diyos din ang sumusulat ng bagong batas sa puso ng tao.

KALAPATI: ang kalapati ni Noah matapos ang baha; ang kalapati sa Binyag sa Panginoong Hesus sa Jordan; dumarating ang Espiritu Santo upang magdala ng kapayapaan at pagdadalisay ng Diyos.

tunghayan at basahin din ang Katesismo ng Iglesia Katolika… ourparishpriest 2023