Home » Blog » SAINTS OF MAY: MAHAL NA BIRHEN NG FATIMA

SAINTS OF MAY: MAHAL NA BIRHEN NG FATIMA

MAYO 13

KUWENTO NG BUHAY

Talagang maganda ang paggunita sa araw na ito sa halos kalagitnaan ng Mayo. Paborito ko ang kapistahang ito dahil paborito ko ang imahen ni Maria, ang Mahal na Birhen ng Fatima. Ibinabalik tayo ngayon sa naganap sa Fatima sa Portugal noong 1917. Malaking debosyon ang nasa puso ng mga Katoliko sa buong daigdig patungkol sa Mahal na Birhen ng Fatima.

May mga pelikula nang nagsasadula ng kuwento ng himala sa Fatima. Kung magkakaroon kayo ng pagkakataon, sikapin ninyong panoorin ang anuman sa mga ito upang lalong maging buhay ang pagsasaad ng kasaysayang ito sa puso at isipan natin.

Ang tagpo ng himala sa Fatima ay isang lugar kung saan naninirahan ang mga simpleng tao; karamihan ay mga pastol at mga magsasaka, subalit may matitibay na pananalig sa Diyos at matapat na mga kasapi ng Simbahan. Hanggang ngayon kung makararating kayo ng Fatima, tiyak na hahangaan ninyo ang kagandahan, katahimikan, at alindog ng isang lugar na tunay na pinagpala ng Diyos,

Tatlong batang pastol (isang lalaki at dalawang babae) ang nakakita ng mga pangitain mula sa langit mula noong Mayo 13 hanggang Oktubre 13 ng taong 1917. Naroon sila sa Cova de Iria nang magpakita sa kanila ang isang anghel. Ito ay panimula pa lamang dahil pagkatapos nito, ang Mahal na Birheng Maria naman ang dumalaw sa kanila na nagsimula noong Mayo 13. Anim na beses (tuwing ika-13 ng buwan) nakita ng mga bata at nakausap ang Mahal na Ina ng Diyos.

Noong panahong iyon ay nasa gitna ng malaking kaguluhan ang Europe dahil sa digmaan. Mismong ang Portugal ay nasa malaking krisis pulitikal dahil ibinagsak ng mga tao ang panunungkulan ng hari. At pagkatapos ang Simbahan naman ang siyang pinagtuunan ng pagtutuligsa ng mga puwersa ng gobyerno.

Sa pangitain, isang magandang babae na nakita ng mga bata ay nag-utos sa kanila na magdasal ng Santo Rosaryo para sa kapayapaan ng buong mundo at para sa katapusan ng digmaan. Hiningi rin ng mahiwagang babae sa pangitain na ipagdasal ang mga makasalanan at gayundin ang bansang Russia na noon ay malapit nang mahulog sa kamay ng Komunismo.

Sa huling pagpapakita ng babae, sinabi niyang siya ang Ina ng Santo Rosaryo. Maraming nakasaksi sa araw na ito. Halos 90,000 katao ang sumama sa mga bata habang hinihintay ang huling pagdalaw ng Mahal na Birhen sa kanila. May mga himalang naganap sa araw na ito na nalathala pa sa mga pahayagan o diyaryo noong panahong iyon. May mga larawan din ng tagpong naganap sa Fatima na maaaring matunghayan sa mga aklat o maging sa internet.

Minahal ng mga deboto ang tatlong batang pastol na naging tagapagdala ng mensahe ng Mahal na Birhen. Sila ay magpipinsan. At kahit batang-bata pa sila, nag-alay sila ng mga sakripisyo ayon sa kahilingan ng Mahal na Birhen. Humantong ang mga sakripisyong ito sa kanilang kamatayan. Dalawa sa mga bata ang maagang pumanaw. Ang isa ay nakarating sa katandaan at buhay kabanalan bilang isang namanata sa Diyos.

Si Blessed Francisco (siyam na taong gulang sa panahon ng aparisyon), ang kaisa-isang lalaki sa grupo, ay namatay matapos siyang magkasakit ng influenza noong 1919. Si Blessed Jacinta (pitong taong gulang sa panahon ng aparisyon) ay sumunod na namatay dahil din sa influenza noong 1920, habang iniaalay niya ang kanyang mga personal na paghihirap at mga panalangin para sa mga kahilingang binitiwan ng Mahal na Birhen.

Ang dalawang ito, Francisco at Jacinta, matapos na hirangin bilang Blessed (ang huling hakbang bago pormal na iproklama bilang Santo), ay nakalibing ngayon malapit sa pangunahing dambana ng Basilika sa Fatima. Idalangan natin na sumapit nawa ang panahon na hihirangin din sila bilang mga ganap na santo ng ating simbahn. (PAUNAWA: Noong 2017, ang dalawang bata ay pormal na kinilala sa kanonisasyon bilang mga Santo at Santa ng simbahan, ang pinakabatang mga santo/santa na hindi martir; si Santa Jacinta ang pinakabatang santa ng simbahan ngayon).

Ang ikatlong bata, si Lucia dos Santos (sampung taong gulang sa panahon ng aparisyon), ay masiglang lumaki at nagdalaga at lumago sa pananampalataya bilang isang monghang Carmelita. Kinilala siya bilang Sister Lucia. Mapalad at buong kagalakan na nasaksihan niya ang beatification ng kanyang mga pinsan noong taong 2000. Namatay si Lucia noong 2005; siya ay 97 taong gulang na noon.

Maagang kinilala ng Simbahan ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Fatima. Ang Santo Papa Pio XI ay nagbigay ng pahintulot sa paglaganap ng debosyon noong 1930. Kalakip ng debosyon ang pagdarasal ng Santo Rosaryo para sa kapayapaan at pagbabalik-loob ng Russia. Si San Juan Pablo II naman ang naglagay ng kapistahang ito sa Roman Missal noong 2002. Malaki ang pananalig ni Papa San Juan Pablo II na ang Mahal na Birhen ng Fatima ang nagligtas sa kanyang buhay nang tangkain siyang patayin sa St. Peter’s Square.

Sa Pilipinas, malakas ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Fatima lalo na sa Block Rosary Movement na naglilibot sa mga iba’t ibang kabahayan sa buong kapuluan. Ang awitin sa Mahal na Birhen ay paborito sa mga simbahan at sa mga pagtitipon. Mula sa aking pagkabata ay natutuhan ko ang awit na ito na isa sa mga paborito kong awit kay Mama Mary. May ibang bersyon nito pero ito ang natutuhan ko sa mga matatandang kasama namin noon sa paglilipat ng imahen ng Mahal na Birhen ng Fatima sa bawat tahanan sa aming parokya ng Our Lady of Mt. Carmel, Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan.

Awit Sa Birhen ng Fatima

I
O Birhen ng Fatima, kami’y dumudulog
sa iyong awa’t alindog at napakukupkop.

Ituro mo Inang Mahal, matuwid na daan,
kami’y laging magdarasal ng Rosaryo mong mahal.

II
Pangako mong diringgin ang aming dalangin.

Digmaan ay papawiin, laya ay kakamtin.

O Birhen, Inang marangal na aming patnubay,

kami’y iyong saklolohan at itong aming bayan.

HAMON SA BUHAY

Lagi nating kailangan ang kapayapaan. Maging para sa buong mundo o para sa puso mo, ugaliin ang magdasal ng Santo Rosaryo. Samahan natin si Maria at ang mga bata ng Fatima sa pag-aalay ng panalangin at sakripisyo ngayon para sa kapayapaan.

KATAGA NG BUHAY

Jn 16:33

Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang inyong loob, napagtagumpayan ko ang mundo.

From the book Sulyap sa mga Santo by Fr. RMarcos