NUESTRA SEÑORA DEL CARMEN
Mapalad ang aking pamilya sa bahagi ng aking ina na namuhay sila sa lilim ng kandili at pag-aalaga ng mahal na patron ng Pulong Buhangin, Santa Maria, Bulacan. Halos isang hakbang lang ang tahanang kinalakhan ng aking mga kamag-anak sa pintuan ng simbahan ng parokya. Dinig sa lumang bahay ng aking mga lolo at lola noon bawat kampana, bawat Misa at mga debosyon at pati na rin ang kasiyahan ng mga taong nagkukumpulan sa harap ng simbahan.
Ang Pulong Buhangin ngayon ang nangunguna sa mga barangay o baryo ng Santa Maria sa larangan ng pag-unlad, karunungan at pananampalataya. Kaugnay ang lahat ng ito ng isang banayad at tahimik subalit matibay at marubdob na debosyon ng mga tao sa Mahal na Birhen ng Bundok Karmelo (Our Lady of Mt. Carmel), na kilala ng lahat bilang Nuestra Señora del Carmen. Bukambibig ng mga tao ang “Del Carmen” sa kanilang personal at pampamayanang pamumuhay.
Makahulugan ang parokyang ito sa paglago ng debosyon ng mga tao sa Del Carmen, isang pamimintuho na sa simula ay nanggaling sa orden relihyoso ng mga Carmelite Fathers and Sisters, na humugot ng inspirasyon sa mga unang ermitanyo sa Bundok Karmelo sa Israel. Subalit bago pa man dumating sa ating pampang ang mga Carmelites, nagsimula na ang debosyon ng mga tao sa Del Carmen sa Pulong Buhangin.
Ang mga parokyano sa Pulong Buhangin, mula sa pagkakatatag ng kanilang unang bisita (chapel), ay humango ng kanilang buhay-debosyon mula sa simbahan ng San Sebastian sa Maynila. Dito nagmula ang munting orihinal na imahen ng Mahal na Patronang Del Carmen. Ang San Sebastian ang unang simbahang itinalaga sa Birheng Del Carmen dito sa ating bansa.
Kasama daw na dumating ng imahen ng Birhen sa baryo ang munting imahen ni San Sebastian na isa sa mga kayamanang itinuturing ng parokya. Maaalala na bahagi ng tradisyon na tuwing pista, ang mga imahen ng Del Carmen, San Sebastian at San Roque ay laging magkakasama sa prusisyon.
Ang orihinal na imahen ng Birhen ay maliit lamang, gawa sa kahoy at sa garing (ivory) ang mga kamay at ulo. Ang Sanggol na Hesus ay gawa naman sa garing. Kakaiba ang mukha ng Birhen at ng Niño na yakap-yakap niya. Mukhang dalagang Kastila ang bikas ng mukha ng Birhen. Napakaganda nito sa paningin dahil sa kabutihang bakas sa kanyang mga mata at sa kagalakan naman sa kanyang mga labi.
Nakasuot ng damit na hango sa abito ng Karmelo ang Birhen at ang kanyang Anak at may hawak silang eskapularyong kayumanggi (brown). Mayroon silang mga korona, alahas at sinag sa ulo na mga handog mula sa mga deboto.
Kasaysayan
Napakaganda ng salaysay kung paano nakarating sa malayong baryo ng Santa Maria noon ang makasaysayang imahen ng Mahal na Birhen mula sa Maynila.
Ayon sa sinaunang kuwento, may isang matandang babae (pinaghihinalaang ang Mahal na Birhen mismo) na lumapit sa isang mamamayan ng baryo na kilala bilang si “Kunino” at nagbilin dito na magtayo ng isang bisita (chapel). May dala ang babae na liham para sa mayamang mag-asawang sina Simeon at Simeona upang hingin ang kanilang tulong sa pagawain. Nang una, tumanggi ang mag-asawa at itinapon sa apoy ang liham. Nang himalang hindi masunog ito, naniwala at nagbigay ng suporta ang mag-asawa. Ito ang unang himala ng Del Carmen sa baryo.
Nang muling magpakita ang matandang babae, inutusan nito si Kunino na lumuwas ng Maynila at sa simbahan ng San Sebastian ay humiling ng isang imahen ng Mahal na Birhen. Muling tumalima si Kunino at nagpaunlak naman ang mga prayleng Recoletos ng isang munti ngunit magandang imahen ng Del Carmen. Dumating ito sa baryo noong Pebrero 9, 1665, kaya’t 353 taon na ang imahen sa piling ng mga mamamayan ng Pulong Buhangin.
Ang orihinal na imahen ay nasa museo ng parokya upang lalong mapangalagaan, habang isang replica ang nasa altar ng simbahan.
Ang Simbahan
Ang bisita ang naging tampulan ng pamimintuho ng mga tao dahil na rin sa hirap nang pagtungo sa bayan para sa magsimba. Naging ganap na parokya naman ang pook na ito noong 1940, ayon sa utos ng noon ay arsobispo ng Maynila, ang Amerikanong si Arsobispo Michael J. O’Doherty. Nahiwalay sa parokya ng La Purisima Concepcion sa bayan ng Santa Maria, ang mga baryo ng Pulong Buhangin, Quepombo (ngayon ay Caypombo at isa na ring parokya), Catmon (isa na ring parokya), Tigbe at iba pang mga sityo na karatig ng mga baryong ito.
Ang unang kura paroko na itinalaga noong 1941 ay si Padre Jose B. Aguinaldo (nang lumaon ay itinalaga bilang Monseñor) mula sa San Carlos Seminary sa Maynila at isa sa mga masigasig at malikhaing pari noon ng Arkidiyosesis ng Maynila.
Bago pa man ang makabagong simbahan ngayon, may naunang gusaling pangsamba na pinagsikapan ng mga tao mula noong huling dako ng 1950. Nabasbasan ito ng Arsobispo Rufino Cardinal Santos. Matagal na ginamit ang simbahang ito na matatagpuan sa gilid lamang ng kalsada at katapat ng paaralang elementarya Cornelia M. de Jesus, nakapangalan sa unang guro ng baryo noon.
Kailangang palakihin at pagandahin ang simbahan dahil masikip na ito para sa lumalaking populasyon ng Pulong Buhangin kaya sinimulang magtayo ng bagong simbahan sa pamumuno ni Padre Enrico Santos at ng kahaliling si Padre Francisco (Boy) Sta. Ana. Nang mamatay si Padre Sta. Ana, ang mga sumunod na pari ang nagpatuloy ng pagawain at pagpapalago ng simbahan at iba pang mga gusali sa paligid nito.
Si Padre Santos ay matagal na nanilbihan sa parokya at nabihag niya ang puso ng lahat dahil sa galing niyang mangaral, makipagkapwa-tao at manghikayat ng mga kabataan. Si Padre Sta. Ana naman ay subsob sa paghahanap ng pondo para sa mga pagawain at nakilala sa kanyang kababaang-loob at kabaitan. Namatay siya sa parokya mismo at dinayo ng napakaraming tao ang kanyang burol sa Pulong Buhangin at libing sa tinubuang bayan niya sa Obando.
Lalong sumigla ang parokya sa pangunguna ng mga sumunod pang Kura Paroko na naglaan ng talento at panahon sa paghubog sa mga tao.
Itinuturing na milagrosa o mapaghimala ang Del Carmen sa kanyang mga anak. Umusbong ang mga bokasyon sa pagpapari at buhay-relihyosa mula sa mga pamilya ng parokya. Naging napakasigla ng mga layko sa pagtupad sa tungkulin.
Ang Pista
Ipinagpipista ang Del Carmen tuwing Pebrero, sa Linggo pagkatapos ng pista ng bayan ng Santa Maria o iyong pinakamalapit sa Pebrero 9 (araw ng pagdating ng imahen). May pista din tuwing Hulyo 16, ang kapistahang liturhikas na nasa kalendaryo ng mga pagdiriwang ng simbahan.
Isang magandang imahen ni San Sebastian ang kasama ng Del Carmen na nagmula sa Maynila at kasamang ipinagpuprusisyon tuwing pista. Kasama din sa prusisyon ang isang antigong imahen ni San Roque na mahal ng mga taga-Pulong Buhangin.
Misyon ng parokya na itaguyod ang debosyon sa eskapularyo ng Birhen at ikalat ang katotohanan ng maka-inang pagkalinga at pagtatanggol ni Maria para sa mga tagasunod ng kanyang Anak na si Hesus, ang ating Panginoon.
Nuestra Señora del Carmen de San Sebastian ng Pulong Buhangin, ipanalangin mo kami!
(paki-share sa iba para sa paglaganap ng debosyon sa ating Mahal na Birheng del Carmen)
(original article by Fr. RMarcos for this blog; use of this must responsibly acknowledge the author and source)
Salamat po sa…
Nuestra Señora del Carmen de Pulong Buhangin – A Quiet Link to the Carmel devotion in the Philippines
Gregorio, et.al. Pasyon ng barrio Pulong Buhangin ng bayang Sta. Maria Bulakan.
De Jesus, Armando (2015). A Short history of the parish of Nuestra Senora Del Carmen Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan.
written by ourparishpriest
Total Views: 435