Home » Blog » SAINTS OF AUGUST: SAN EZEQUIEL MORENO DIAZ

SAINTS OF AUGUST: SAN EZEQUIEL MORENO DIAZ

OBISPO, AGOSTO 19

KUWENTO NG BUHAY

Mula sa Las Piñas hanggang sa Palawan, may bakas ng buhay at kabanalan ng santong ito na naging bahagi ng kasaysayan ng pananampalatayang Katoliko sa Pilipinas.

Isinilang si Ezequiel noong 1848 at namatay noong 1906. Isa siyang paring Agustino Recoleto na namuhay ng payak at may malayang diwa. Masidhi ang kanyang debosyon sa Mahal na Puso ni Hesus. Matagal siyang naglingkod bilang misyonero sa ibayong dagat. Matapang niyang ipinaglaban ang mga karapatan ng simbahan.

Nagmula sa Alfaro, Logrono, Espanya si Ezequiel. Mahirap lamang ang kanyang pamilya subalit mayaman sa pananampalataya. Namanata bilang isang relihyoso si Ezequiel noong 1865 sa orden ng mga Recoletos. Dito naman sa Maynila siya na-ordenahang pari noong 1871. Mahigit 15 taon siyang nagpagal sa pangangaral sa Pilipinas ng Mabuting Balita sa mga katutubo. 1885 nang bumalik siya sa Espanya. Naging rector siya doon ng kolehiyo at nobisyado sa Monteagudo.

1888 nang ipadala siya sa Colombia bilang masugid na misyonero. Pinanariwa niya ang buhay ng mga pamayanang Recoletos doon kung saan siya nagmisyon. 1894 nang hirangin siyang unang Bikaryo Apostoliko ng Casanare at naordenahang obispo ng Pasto. Sa gitna ng digmaan noon sa Colombia, matapang niyang ipinagtanggol ang karapatan at binigyang pag-asa ang mga tao. 1906 nang matuklasan na siya ay may kanser na naging dahilan ng pagbalik niya sa Espanya para magpagamot. Doon siya inabutan ng kamatayan noonng Agosto 19, 1906. Ang kanyang beatipikasyon ay naganap noong 1975 at kanonisasyon naman noong 1992.

Naging bahagi ng buhay ni San Ezequiel ang mga parokya ng Recoletos sa Las Piñas City, Sto. Tomas, Batangas, Santa Cruz Church (Maynila), Imus at Bacoor, sa Cavite kung saan naitala ang kanyang walang pag-iimbot na paglilingkod sa mga tao. Sa Palawan ay may isang balon na sinasabing ipinagawa ng santo noong siya ay nadestino doon. Nagmisyon siya sa Puerto Princesa, Iwahig, Aborlan, at Inagawan. Naging Vicar Forane siya ng Mindoro at nagmisyon sa Calapan.

HAMON SA BUHAY

Bagamat hindi sa Pilipinas binawian ng buhay ang magiting na misyonerong si San Ezequiel, tiyak tayo na mahal na mahal niya ang Pilipinas dahil sa tagal ng kanyang paglilingkod sa ating bansa. Gawin nating gabay espirituwal ang santong ito na tunay na may pusong Pilipino, puso para sa Pilipino.