Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari A
Ang Kulturang Namamayani · Mt 25: 31-46
English Read in English: Solemn Feast of Christ the King A
MENSAHE
Sa puso ng katuruang Kristiyano ay ang paniniwala sa muling pagbabalik ng Panginoong Hesukristo, sa panahong siya lamang ang nakaaalam. Pagbabalik niya, hindi ito paglalahad ng kapangyarihan. Sa halip, isang malalim na pagninilay sa uri ng kulturang niyayakap at isinasabuhay natin sa daigdig.
Matatagpuan kaya niya tayong nakapaloob sa “kultura ng paghamak” na patuloy na nagiging bantog ngayon? Ito ang kulturang nagsasabing tama na atakahin ang mga tao sa social media, na makipag-away sa hindi sumasang-ayon sa atin, na maghinala sa kapwa, na magbulag-bulagan sa paghihirap nila, na pagtawanan ang may kapansanan, at na maniwalang ang dahas at lakas ay walang hangganan.
Sa ganitong kultura, ang mga nauuhaw, hubad, nagugutom, maysakit, dayuhan at nakakulong ay walang maaasahang pansin, kabutihan o awa. Dahil hindi sila tulad natin, tatanggihan natin silang isaalang-alang o kalingain. Ang iisipin lamang natin ay ang ating sariling kapakanan, kasiyahan, at kabutihan.
O matutuklasan kaya ng Panginoon na bagamat mahirap, nagsisikap tayong mamuhay sa “kultura ng dangal,” isang landas na mahirap tahakin ngayon? Ito ang kulturang itinatanim ng Mabuting Balita sa puso ng lahat. Ito ay paraan ng buhay na nagbibigay puwang sa kapwa upang mabuhay nang makabuluhan, na iniisip ang kanilang kapakanan at hindi sarili lamang, na may namamayaning paggalang at pagmamahal sa mga ugnayan. Sa kultura ng dangal, ang mga mahihirap at maysakit, ang mga dayuhan at nakapiit ay hindi mga nilalang lamang kundi mga kapwa at kapatid nating lahat.
Ang “kultura ng paghamak” ay tumatanggi kay Kristong Hari. Ang “kultura ng dangal” ang nagbubunyag na si Kristo ang Hari! Si Kristo ay naghahari kung saan ang dangal ng kapwa tao ay iginagalang, ipinagtatanggol at isinusulong.
MAGNILAY
Nakikita ko ba ang mukha ng Diyos sa mukha ng mga dukha, mahihina, at naghihirap? Kung saan may pagmamahal at pagmamalasakti, naroon ang Kaharian ni Kristo ngayon!