Home » Blog » IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

DIYAN NAGKAIBA!

MT 25: 1-13

MENSAHE

Maraming pagkakakatulad ang sampung babae sa talinghaga ngayon. Lahat sila ay dalaga. Lahat ay naanyayahan sa kasalan. Kapwang may dala silang ilawan. Sama-sama ding nakatulog sa paghihintay sa lalaking ikakasal. Parang isang section ito ng mga dalagita sa isang exlcusive school na sa unang tingin ay pareho sa lahat ng bagay.

Subalit nang dumating ang lalaking ikakasal, diyan lumitaw ang pagkakaiba. Lahat ay may ilawan subalit kalahati lang sa kanila ang may dalang langis. Kailangang magmadaling bumili sa tindahan ang lima. Sa panahon ng pangangailangan, naging malinaw ang pagkakaiba ng mga dalagang ito.

Lima ang malalim ang pang-unawa sa paghihintay, tunay na sabik sa gagampanang atas sa kanila. Ang lima pa ay mababaw ang pang-unawa sa kanilang ginagawa. Tila katulad sila ng limang nauna, subalit ang meron lang pala sila ay ang panlabas na gamit, at walang panloob na motibasyon na sindihan ang kanilang mga ilawan. Ang tila solid na klase ng mga dalagita ay napatunayang may pagkakahati din pala.

Bagamat lahat tayo ay tila pareho sa pamanang Kristiyano, sa pinagmulan, sa pag-aaral, sa pagsasabuhay, magandang tanungin ang sarili kung malalim ba ang pagsasabuhay natin ng pananampalataya sa madilim na mundo; at puno tayo ng pananabik at kahandaan na sindihan at ialay ang ating ilawan sa Panginoon at sa kapwa. O baka mababaw tayo, kumpleto sa panlabas subalit ang kinakailangang personal na ugnayan sa Panginoong Hesus ay nawawala naman. Kung tulad tayo nitong huli, may isa pang kaibahan: kilala ng Panginoon ang limang malalim ang pananampalataya at itinanggi niyang kilala niya ang limang mababaw ang pananalig.

MAGNILAY

Sa diwa ng talinghaga, kabilang ba tayo sa mga matatalinong dalaga na may malalim na pang-unawa, na nagbubuo ng buhay at tunay na ugnayan kay Hesus? O tulad ba tayo ng mga hangal na dalaga na mababaw ang pananampalataya, dahil kulang sa dedikasyon at pagtatalaga ng sarili sa Panginoon?

Check out my books, now available as ebooks on Google Play Book Catalog: 1) Kilalanin si Ka Luring Franco, Pilipinang katekista na kandidata sa pagiging santa – https://play.google.com/store/search?q=simpleng%20katekista&c=books&hl=en_GB; 2) Matutunan ang Ignatian discernment o pagkilatis ng mga espiritu – https://play.google.com/store/books/details/Fr_Ramil_Marcos_PAGKILATIS_SA_MGA_ESPIRITU_Gabay_s?id=dZUbEgAAQBAJ&hl=en_GB; Happy Spiritual Reading! God bless!