SAINTS OF SEPTEMBER: SANTA HILDEGARD NG BINGEN
SETYEMBRE 17: PANTAS NG SIMBAHAN
KUWENTO NG BUHAY
Si Santa Hildegard na isang monghang Benedictine ay nakilala bilang isang abesa (superior ng monasteryo), alagad ng sining, manunulat, composer, mystic, parmasyotikam, makata, mangangaral at teyologo (nakilala ko siya una bilang isang teyologo na may malalim na espirituwalidad at karanasan hinggil sa Santissima Trinidad). Paano nga ba kilalanin ang ganito kayaman na pagkatao?
Mula sa mayamang pamilya, tinuruan mula pagkabata si Hildegard ng banal na babaeng si Blessed Jutta. Pumasok siya sa monasteryo ng mga Benedictine nunsa noong ika-18 taong gulang niya. Sa monasteryo isinulat niya ang mga pangitain at karanasan niya na nabasa ng Santo Papa na nag-utos na lalo pa siyang magsulat. Isinulat niya ang mga aklat na Scivias (Know the Ways), Book of the Merits of Life, at Divine Works at mahigit 300 mga liham sa mga taong pinagpapayuhan niya; sumulat din ng mga akda tungkol sa medisina at pisiolohiya at nakipagsulatan kay San Bernardo ng Clairvaux na hiningan naman niya ng mga payo.
Sa mga pangitain niya, nakita niyang ang mga tao ay “tilamsik na buhay” ng pagmamahal ng Diyos, mula sa Diyos na tila sikat ng maliwanag na araw. Dahil sa kasalanan, nasira ang magandang ugnayan sa sangnilikha; subalit dahil sa kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Kristo, nagkaroon ng mga bagong pagkakataon. Sa mabuting pamumuhay, nababawasan ang ating pagkalayo sa Diyos at sa kapwa na dulot ng ating mga kasalanan.
Kahit walang pormal na proseso ng kanonisasyon, gamit ang tinatawag na “equipollent” o “equivalent” canonization, idineklara ni Pope Benedict XVI noong 2012 ang kapwa kababayan niya mula sa Germany na si Hildegard bilang santa ng simbahan at isang Pantas ng Simbahan.
HAMON SA BUHAY
Maging tulad nawa tayo ni Santa Hildegard na anuman ang ating mga kakayahan at mga kaloob na galing mula sa Diyos ay ibahagi natin sa ating kapwa para sa kanilang kabutihan at kabanalan.