Home » Blog » FAITH, HOPE, AND LOVE – ALAMIN Part 2

FAITH, HOPE, AND LOVE – ALAMIN Part 2

ANG AKTIBONG UGNAYAN NG PANANAMPALATAYA, PAG-ASA AT PAG-IBIG

Ayon kay San Serafin ng Sarov, ang layunin ng buhay-Kristiyano ay ang makamit ang Espiritu Santo. Ang pakay ng Espiritu Santo sa ating buhay ay ang buhayin ang mga banal na kabutihang-taglay (theological virtues) na walang iba kundi ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa ating puso at palaguin ang mga ito. Lahat ng ibang kaloob o regalo ng Diyos, at anumang kilos ng biyaya ay layon lamang na madagdagan ang ating pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig.

Hiindi maaaring paghiwalayin ang tatlong banal na kabutihang-taglay. Ang tunay na pinakamahalaga ay walang iba kundi ang pag-ibig o kawanggawa. Sabi ni San Juan dela Cruz, sa dapithapon ng buhay, tayo ay huhusgahan sa ating pag-ibig. Sa 1 Cor. 13: 2, mababasa natin: “anupa’t nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan.” At sa talata 13 naman: “Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.”

Ang pananampalataya at pag-asa ay pansamantala; dito lamang sa lupa sila nagaganap, at lilipas ang mga ito. Sa langit, ang pananampalataya ay mapapalitan ng pagmamasid sa mukha ng Diyos, ang pag-asa ay mapapalitan ng pagkakamit ng pangako ng Diyos; ang pag-ibig naman ay hindi lilipas dahil ang Diyos ay pag-ibig. Hindi ito maaaring palitan ng anuman, dahil ito ang pinaka-layunin ng lahat. Sa lupa, ang pag-ibig ang kabuuan ng pakikilahok sa buhay ng langit, at ang pananampalataya at pag-asa ay mga katuwang nito.

(Salamat sa inspirasyon ni Fr. Jacques Philippe, na siyang batayan ng seryeng ito)