Home » Blog » FAITH, HOPE, AND LOVE – Alamin Part 3

FAITH, HOPE, AND LOVE – Alamin Part 3

ANG PAG-IBIG AY NANGANGAILANGAN NG PAG-ASA; ANG PAG-ASA AY NAKABATAY SA PANANAMPALATAYA

Walang pag-ibig kung walang pag-asa. Kailangan ng pag-ibig ng puwang upang lumago at yumabong; kamangha-mangha ito subalit marupok. Ang natatanging “kapaligiran” na kailangan ng pag-ibig ay binubuo ng pag-asa. Kung ang pag-ibig ay manlamig o maluntoy, kalimitan dahil ito ay nasakal ng pagkabagabag, takot, alalahanin, o panghihina ng loob.

Nilikha tayo upang magmahal, umibig. Hindi man natin pansin, subalit ang pinakamalalim nating pagnanasa ay ang ibigay ang sarili sa kapwa. Sa Mabuting Balita (Mk 4), ang pag-ibig ay tila isang buti ng trigo na tumutubo matapos na ihasik, mag-isang tumutubo kahit lingid sa kaalaman ng magsasaka. Subalit madalas ang pag-ibig ay hindi lumalago. Ang pagyabong nito ay nahahadlangan ng pagkamakasarili at kayabangan, at ng mga alalahanin at yaman ng mundong ito (Mt 13). Kalimitan, ang ugat ng problema ay kawalan ng pag-asa.

Dahil kulang sa pag-asa, hindi na naniniwalang kaya ng Diyos na tayo ay paligayahin, kaya hahanap ng ibang kaligayahan sa kasakiman at kahalayan. Hindi na mahintay ang kabuuan ng ating pag-iral sa Diyos, kaya bumubuo ng sariling pangalan sa tulong ng kahambugan. O kaya, at mas madalas ito sa mga mabubuting tao – nais magbigay ng sarili, magbahagi ng pagmamahal subalit nababalot ng takot, pangamba, pag-aatubili, at alalahanin.

Kapag kulang ang tiwala sa magagawa ng Diyos sa ating buhay, at sa kanyang tulong na ibibigay, lumiliit ang puso, natutuyot, nauubusan ng pag-ibig. Ang tiwala ay nagdadala sa atin sa pag-ibig.

Kapag nagkulang na ang alab, sigasig, at pagbubukas-palad sa Diyos na mapagmahal at sa kapwa, nagdudulot ito ng panghihina ng loob at ng lihim na pagkasiphayo. Ang lunas ay ang muling pagsisindi ng pag-asa, ang muling pagtuklas sa magagawa ng Diyos para sa atin (gaano man tayo kahina at kasama) at sa kaya nating magawa sa tulong ng biyaya niya.

Ang pinakamabisang lunas ay ang tuklasin ang ugat ng kahinaan ng loob at matuto muling sulyapan ang bahaging ito ng buhay sa tulong ng mga matang puno ng pag-asa.

Ang pagpapasya sa mabuting bagay, upang maging matagumpay at matatag, ay kailangang buhayin ng pagnanasa. At ang pagnanasa ay magiging malakas lamang kung ang inaasam ay nadarama na malapit at posibleng maganap. Hindi natin nanaisin ang isang bagay kung palagay natin ay hindi natin ito makakamit. Kapag ang pagpapasya ay mahina, dapat lang na muling makumbinsi ang sarili na ang ninanais ay abot-kamay.

Ang pag-asa ang “banal kabutihang-taglay” (theological virtue) na gumaganap nito. Sa pamamagitan ng pag-asa, alam nating mapagtitiwalaan ang Diyos. Pag-asa ang nagpapalawak ng pag-ibig at nagpapayabong dito. “Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo” (Fil 4:13).

Subalit upang maging tunay na malakas, ang pag-asa ay dapat may matatag na tuntungan, ng bato ng katiyakan at katotohanan. Ang batong ito ay ang pananampalataya: kaya nating “umasa kahit tila walang maaasahan” dahil kilala natin ang ating pinaniniwalaan (Rom 4:18). Pananampalataya ang nagpapakapit sa atin nang matindi sa katotohanan na handog ng Banal na Kasulatan, na siyang nagpapatotoo sa atin ng kabutihan ng Diyos, ng kanyang habag, at ng kanyang katapatan sa kanyang mga pangako. “Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito’y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan.  Si Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec” (Hebreo 6: 19-20).

Ang Banal na Kasulatan ang nagpapahayag ng lubos at palagiang pagmamahal ng Diyos sa kanyang mga anak, sa atin, na ipinakita ni Kristo nang isilang, mamatay at muling mabuhay siya para sa atin. Siya, ang “Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin” (Gal 2: 20). Sa pamamagita ng pananampalataya, kumakapit ang puso sa katotohanan at doon nakakatagpo ng malawak at matibay na pag-asa.

Ang pananampalataya ang ina ng pag-ibig at pag-asa, at maging ng tiwala at lakas-loob.

(Salamat sa inspirasyon ni Fr. Jacques Philippe, na siyang batayan ng seryeng ito)