Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY K

IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY K

ANG PANAHON NG PANGINOON

JN 21: 1-14

MENSAHE

Sa Mabuting Balita ngayon, ginugunita ang pagpapakita ng Panginoong Hesukristo sa kanyang mga alagad na buong magdamag nangisda subalit walang huli. Pagbalik sa pampang, nakita nila ang Panginoon na hindi nila agad nakilala hanggang maganap na ang mahimalang masaganang huli ng isda. Pagkatapos, inanyayahan sila ng Panginoon: Halikayo at mag-agahan tayo.

Ang laki ng pagkakaiba sa gabi bago magpakasakit ang Panginoon. Gabi noon, at inanyayahan ng Panginoon na saluhan siya sa piging, sa Hapunan. Tinatawag natin ito ngayon na Huling Hapunan, ang piging bago ang kamatayan sa krus ni Hesus. Ang panahon ng hapunan ay akma sa tema ng okasyon, kung saan naghari ang kalungkutan at takot, ang pagkakanulo at pagdakip na darating. Naganap ang hapunan sa gabi, tanda ng pagiging malihim ng kasalanan.

Subalit ang Muling Pagkabuhay ay nahayag sa umaga, at ang piging ay simple at masiglang almusal o agahan. Sumisikat sa himpapawid ang araw at unti-unting nababantad ang mukha ng Panginoon. Galak at pag-asa, buhay at kinabukasan ang tema ng kainan. Ang agahan sa umaga ang simbolo ng tagumpay ng pananampalataya at pag-asa sa Diyos na nagbigay ng kanyang Anak na Muling Nabuhay sa kanilang piling.

Ang Panginoong Muling Nabuhay ay lampas na sa hatian ng gabi at araw. Siya ang Panginoon ng oras at panahon na sa kanyan ngayon humuhugot ng kahulugan. Kaya nga, ipagdiwang man ang ala-ala ng Panginoon sa Eukaristiya sa umaga, tanghali o gabi, alam nating nakikibahagi tayo sa misteryo ng kanyang kamatayan at Pagkabuhay, sa pagiging malayo ng Diyos sa krus at sa pagiging malapit ng Diyos sa katauhan ng Muling Nabuhay na Kristo.

MAGNILAY

Ngayong panahon ng Muling Pagkabuhay, ugaliin nating huminto ilang beses sa maghapon upang alalahanin na kapiling natin si Hesus, hindi lang sa simbahan at altar, kundi sa ating puso. Kasama natin siya hindi lang sa pagsamba o pagbabasa ng Salita kundi sa bawat sandali ng maghapon. Gabi at araw, purihin si Hesus! Gabi at araw, paglingkuran siya sa ating kapwa!