Home » Blog » Kapistahan ng  Kristong Hari: 100 TAONG ANIBERSARYO

Kapistahan ng  Kristong Hari: 100 TAONG ANIBERSARYO

Matatalunton ang simula ng pistang ito sa isang tao, si Achille Ratti, isang pari na mula sa Milan, Italya. Naging director siya ng Ambrosian Library sa Milan at ng Vatican Library kung saan natutunan niya ang mga galaw ng mga lider ng mga bansa at ang mga ambisyon ng mga ito. Naging isang Kardinal si Ratti at naging arsobispo ng Milan.

Nang pumanaw si Pope Benedict XV noong 1922, si Cardinal Achille Ratti ang naging kahalili at nakilala siya bilang Pope Pius XI. Ang kanyang naging motto ay “Pax Christi in Regno Christ” (“The peace of Christ in the reign of Christ” o “Ang Kapayapaan ni Kristo sa Paghahari ni Kristo”).

Dahil nais niyang ipahayag ang kapayapaan sa gitna ng karanasan ng Unang Digmaang Pandaigdig, sinimulan niyang ipakilala ang isang bagong Misa sa liturhiya ng simbahan – ang Misa para sa Kapistahan ng Kristong Hari. Una itong ipinagdiwang noong Oktubre 31, 1925 (100 taon na ngayon!).

Mababasa sa Ebanghelyo: “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato.Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.” (Jn 18:37).

Naging makabuluhan ang kapistahang ito dahil sa taong iyon may mga naganap na pag-aalsang pulitikal sa tatlong mahahalagang lugar: sa Italya, sa pamumuno ni Benito Mussolini at ang kanyang sukdulang nasyonalismo, sa Alemanya o Germany, sa pangunguna ni Adolf Hitler at ang kanyang kasindak-sindak na Nazi party, at sa Russia, sa ilalim ni Joseph Stalin at ng kanyang kaisipang komunismo.

Nakita ni Pope Pius XI ang mga panganib na ito at mabilis niyang ginamit ang lakas ng simbahan upang labanan ang mga ito. Iniutos niyang idagdag ang Misa ng Kristong Hari sa kalendaryo ng liturhiya ng simbahan at ito ay maitatag, maipahayag, at maipangaral sa buong mundo. Susulat din siya kalaunan ng mga liham-ensiklikal laban sa mga diktador upang hamunin ang kanilang karahasan.

Binibigyang-diin ng kapistahan ang aral Bibliya tungkol kay Kristo bilang Hari, bilang sentro ng pakikibaka ng simbahan laban sa pasismo, sa partidong Nazi, at sa mga komunista. Sa harap ng mga diktador at mga modernong “hari” ay iisa lang ang tunay na Hari ng daigdig – ang Panginoong Hesukristo!

Sa taong ito, 2025, ipagdiriwang ang ika-100 taong Kapistahan ng Kristong Hari at sa ating pagsisimba patuloy nating ipapahayag ang ating pananalig sa banal na katotohanang ito. Kasama si Kristong ating Hari, muli’t muli nating darasalin: “Mapasaamin ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.” Ang mga kaharian sa lupa ay panandalian at mapapawi, subalit ang Kaharian ng Diyos ay espirituwal at pang-sanlibutan, nakatuntong sa Katotohanan at sa Pag-ibig.

Ang mga mararahas na pinuno ng mga bansa ay namamatay at napapalitan, gayundin ang kalagayan ng pulitika. Kaya ngayon at kailanman, iisa lang ang ating aasahan at pagtutuunan ng ating katapatan, ang ating Panginoong Hesukristo, ang Hari ng Sanlibutan! Maligayang Kapistahan ng Kristong Hari!

Christus Vincit, Christus Regnat! Christus Imperat!

ourparishpriest 11/20/2025; photo, thanks to fr. tam nguyen