Home » Blog » BAGONG TAON/ MARIA, INA NG DIYOS A

BAGONG TAON/ MARIA, INA NG DIYOS A

WALA NANG HIGIT PANG TAGURI

LK 2: 16-21

MENSAHE

Kamakailan lang, isang dokumento ng simbahan ang nagbigay-linaw sa ilang mga taguri o titulo ng Mahal na Birheng Maria na ginagamit ng mga deboto. Ayon sa dokumento, hindi na dapat siyang tawagin bilang Mediatrix (Tagapamagitan ng Biyaya) at Co-Redemptrix (Ka-Manunubos) kasama ng kanyang anak na si Hesus.

Ang pagtutuwid ay madaling maunawaan dahil sa dami ng mga taguri sa Birheng Maria, ang iba ay nakapagdudulot ng pagkalito. Ayon sa ating pananampalataya, at batay sa Bibliya, isa lamang ang tanging Tagapamagitan sa Diyos at tao, ang Panginoong Hesukristo (1 Tim 2:5), at ang lahat ng biyaya ay dumadaloy mula sa mga kamay ng Diyos, kahit pa gumagamit siya ng mga kasangkapan upang ganapin ito. Nagpapatunay ang paliwanag na ang ating pagmamahal at debosyon kay Maria ay tunay na nakasento kay Hesus lamang. Si Maria ay nagtuturo, nag-aakay, at nagdadala ng mga tao, hindi sa kanyang sarili, kundi sa Panginoon.

Bagamat nalungkot at iba at inakalang binabawasan ang pagpapahalaga kay Maria, dapat tandaan, lalo na sa kapistahang ito, kung ano ba ang naging palagay ni Maria sa kanyang sarili. Hindi ba siya ang alipin, ang lingkod, ng Panginoon? Anumang titulo niya ay hindi papawi sa kanyang kababaang-loob, pagdaralita, at pagtalima sa kapangyarihan ng kanyang Anak. Siya ang nananatiling una at ganap na alagad.

Wala nang ibang titulo ni Maria ang makapapantay sa ipinagdiriwang natin ngayon. Siya ang Ina ng Diyos, hindi pinagmulan ng pagka-Diyos ni Hesus, ngunit Ina ng buong Kristo, Diyos na totoo at taong totoo. Sa Krus, bago mamatay si Hesus, ginawa niya si Maria na Ina ng mga alagad, Ina nating lahat.

MAGNILAY

Sa pagsisimula natin ng bagong buhay,  pagkakataon, at pakikibaka ngayong Bagong Taon, hilingin natin sa Mahal na Birhen na Samahan at gabayan tayo sa bawat hakbang. Lumapit tayo sa kanya at sabihin: Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming mga makasalanan, ngayon at kung kami ay mamamatay. Amen.