Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY A

IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY A

SALAMAT, SA PAKIKILAKBAY SA AMIN…

LK 24: 13-35

MENSAHE

Ang Muling Pagkabuhay ay panahon ng pagpapakita; si Kristong Muling Nabuhay ay muling nakita, muling naririyan, muling nahawakan ng mga alagad. Hindi niya ipinaliwanag ang naganap sa madilim na libingan. Hindi niya idinetalye kung paano muling lumakas at huminga ang katawan niyang pumanaw na. Basta nagpakita siya sa tamang panahon, kung kailan higit siyang kailangan nila!

Nagpapakita siya kapag natatakot sila. Nagpapakita siya kapag nalulumbay sila. Dumarating siya kapag nasisiphayo sila. Nariyan siya kapag tila susuko na sila. Higit sa lahat, nagpapakita siya sa mga alagad bilang ka-manlalakbay sa daan. Ito ang naganap sa Mabuting Balita, sa dalawang alagad na pauwi na ng Emaus na puno ng dalamhati, kalungkutan, at panghihinayang.

Dama nilang gumuho ang mundo sa paligid. Palagay nila, naglaho ang mga pangarap. Paniwala nilang tapos na ang kuwento ni Hesus at ng kanilang pagkamangha sa kanya. Subalit hindi pala; dumating si Hesus, sa simula palihim, hanggang unti-unting nabunyag bilang ang Muling Nabuhay, ang Mananatiling Buhay, ang Kalakbay sa daan ng buhay.

Nabuhay muli si Hesus hindi upang mangaral ng kapangyarihan niya. Nagbalik siya hindi upang magbintang at humusga. Ang Muling Pagkabuhay ay pagbubunyag ng kanyang pagka-malapit, ng pagmamahal, ng pagtatalaga sa pakikilakbay sa mga naghahangad ng kanyang pananatili at kapayapaan. Nais niyang malaman nating mula ngayon, hindi na tayo mag-iisa.

MAGNILAY

Ngayon, higit nating kailangan ang isang mabuting kaibigan, maasahang kapitbahay, mapagkakatiwalaang kalakbay. Subalit sa mga tao, nararamdaman natin ang pagwawalang-bahala at pagtataksil. Bakit hindi tayo lumapit kay Hesus at anyayahan siyang ipadama sa atin ang kanyang Muling Pagkabuhay bilang kasama natin sa paglalakbay sa landasin ng buhay natin? Hindi lamang siya nagpapakita; nananatili pa siya sa atin sa panalangin, mga sakramento, at sa kanyang Salita. Salamat, Panginoong Hesus sa pakikipisan po ninyo sa amin!