LITTLE FLOCK: CATHOLICS OF SOUTHEAST ASIA 3: VIETNAM
KASAYSAYAN NG SIMBAHANG KATOLIKO SA VIETNAM
Nang maglakbay si Christoper Columbus sa Dagat Atlantiko at natuklasan niya ang Bagong Mundo para sa Espanya, ang mga Portuges naman ay naglakbay sa kabilang ibayo ng mundo. Dito nila natuklasan ang daan ng komersyo, at pati na ang mga sinaunang kultura ng kontinente ng Asya, noong ika-15 at ika-16 na siglo.
Pagkatapos nito, dumating mga misyonerong Katoliko sa Asya upang ipahayag ang Mabuting Balita. Ilang paring Katoliko ang nakatuklas sa kaharian ng Vietnam.
Pinamahalaan ang Vietnam ng mga dinastiya ng mga Emperador nang maraming siglo bago dumating ang mga Europeo. Marami sa mga tao ang gumagawa ng pagsamba sa mga ninuno, ang iba naman ay tagasunod ng Budismo, Taoismo, at Islam. Malakas ang impluwensya ng Confusianismo sa kultura ng Vietnam, at ilang aspekto nito ang nakatulong upang madaling matanggap ng mga Vietnamese ang pananampalatayang Kristiyano. Bandang ika-16 na siglo, may patunay ng mga tala ng pamahalaan na ipinagbawal ang Kristiyanismo, tanda na marami na ang nakarinig ng Mabuting Balita at yumakap sa pananampalatayang Katoliko.
Ang kinalalagyan ng modernong Vietnam ay kakaiba. Napapalibutan ito ng mga bundok, ilog, at dagat, at tila may hugis na letrang S. Isang libo-siyam na raang kilometro ang haba nito at halos limampung kilometro naman ang lapad sa pinakamakitid na bahagi. Bilang mahaba at makitid na bansa, minsang naprotektahan nito mula sa mga kalapit na bansang Cambodia, Tsina, at Laos. Minsan din naman, ay hindi ganoon.
Sa buong ika-17 siglo, nangaral ang mga Dominikano at mga Heswita sa Vietnam, at ang mga paring Pranses mula sa Paris Foreign Mission Society. Ang mga misyonero ang gumawa ng alpabetong Vietnamese, nagsulat ng mga diksyonaryo at katesismo, nagtatag ng mga seminary, at nag-ordena ng mga paring lokal, at nagtatag ng mga orden relihyoso para sa mga kababaihan. Bagamat isang teritoryong misyon, ang simbahan doon ay lumago at nagkaroon ng mga obispo.
Ang mga namamahala sa gobyerno naman, sa Vietnam at mga karatig, ay kalimitang naging mapaghinala sa anumang bagay na Europeo. Tama lang na naging mapag-alala sila sa mga epekto ng Kristiyanismo sa kanilang sariling kultura. Naghinala din sila na baka ang mga paring banyaga ay mga espiya ng ibang bansa. Dito nagsimula ang mga pag-uusig noong ika-17, 18, at 19 siglo.
Si Beato Andres na Katekista ang unang Vietnamese na kinilalang martir Katoliko. Naglingkod si Andres bilang katekista para sa Heswitang Pranses na si Padre Alexandre de Rhodes. Nakakulong na si de Rhodes nang dakpin ang isang matandang katekista at nang makita nila ang labing-siyam anyos na binatang si Andres, ito na lamang ang kanilang dinakip. Pinilit ng pinunong Mandarin na itakwil ni Andres ang pananampalataya, subalit tumanggi ito, kaya iniutos ng pinuno na patayin ito kinabukasan. Maraming nakasaksi sa pagpatay, at hinikayat ni Andres ang mga Kristiyano na manatiling tapat at isinigaw niya ang pangalang ng Panginoong Hesukristo bago siya pugutan ng ulo.
Sa paglipas ng 300 daang taon, halos 130,000 ang namatay bilang mga martir Katoliko sa Vietnam. Ipinag-utos ng mga awtoridad na ipagbawal ang pananampalatayang Katoliko at pinatalsik ang mga misyonerong banyaga. Si Padre de Rhodes ay pinalaya ngunit pinaalis ng bansa at hindi na muling nakabalik sa Vietnam; namatay siya bilang misyonero sa Iran. Sumunod ang ilang alon ng pag-uusig sa maraming dekada. Pinatay ang mga Kristiyano sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo, pananakal, at pagbabalat habang buhay pa.
117 ngayon ang kinikilalang mga martir Katoliko ng Vietnam. 116 ang lalaki at 1 babae na namatay sa pagitan ng mga taong 1745-1886. Kasama dito ang 8 obispo, 60 pari, mga laykong lalaki, isang seminarista, isang Kabataan, at isang lola.
Pinakabantog si San Andres Dung Lac (1795-1839), na lumaki mula sa maralitang pamilya, naging pari, at lihim na naglingkod sa panahon ng panganib. Dinakip siya nang dalawang beses sa pagiging pari subalit pinakawalan din dahil sa pagbabayad ng tubos. Nagtangka siyang magtago at lumipat ng ibang lugar. Subalit dahil patuloy naglingkod bilang pari, dinakip sa ikatlong beses at pinahirapan at saka pinugutan ng ulo.
Isa pang martir, si San Juan-Thephane Venard (1829-1861), ay isang Pranses na misyonero na dinakip din sa panahon ng pag-uusig. Nang tumanggi siyang itatwa ang pananampalataya, ikinulong siya sa maliit na piitan tulad ng iba pang mga pari. Marami ang namatay sa mga piitan na ito. Sa gitna ng piitan, nagsulat siya ng maraming liham sa kanyang pamilya na puno ng tiwala sa Diyos. Nakarating ang mga liham na ito sa Pransya, at naging inspirasyon ng marami, kabilang na si Santa Teresita ng Lisieux. Pinugutan din ng ulo si Theophane.
Maraming ipinapatay ang mga awtoridad na laykong Katoliko, subalit ang iba ay pinahirapan lamang ng torture sa paraang maka-demonyo. Nang palayain ang mga laykong ito, inalisan din sila ng kanilang mga ari-arian. Ilang Kristiyano din ang nilagyan ng tatoo na “huwag na relihyon”: sa kanilang mga mukha. Buong mga pamayanan ang basta nilansag.
Hindi lahat ng mga martir ay nabigyan na ng mga titulo na santo o beato. Ang iba ay mga Servant of God, kabilang ang mga Heswita at layko na namatay sa pag-uusig sa pagitan ng 1723-1737. Sa pagitan ng 1858-1862, marami pang mga paring diyosesano, madre, laykong babae at lalaki ang namatay bilang martir at ngayon ay kinilala bilang mga Servant of God.
Marami ang hindi pa nakarinig tungkol kay Minh Mang o kaya kay Tu Duc, dalawang Vietnamese na Emperador na nagsimula ng malawakang pag-uusig sa ika-19 na siglo. Subalit halos lahat ay narinig na ang Vietnam War, Saigon, at mga kulungan ng mga Komunista.
Si Francis Xavier Nguyen Van Thuan (1928-2002) ay isinilang sa isang edukado at buena familia. Ang lolo niya ay naging tapapayo ng isang Emperador ng Vietnam, at ang ilan sa kanyang mga ninuno ay naging mga martir mula pa noong ika-17 siglo.
Mabuting Katoliko ang pamilya niya. Si Francis mismo ay madasalin at maagang nahalina sa pagpapari. Mayroon siyang natural na kagalakan, katalinuhan, at kabanalan. Naging pari siya noong 1953.
Nag-aral siya sa Roma ng canon law, at nagtapos bilang summa cum laude. Pagbalik sa Vietnam, naglingkod siya bilang propesor, rector, at bikaryo heneral. Siya ang unang itinalagang obispo ng Nha Trang, at naparami niya ang bokasyon sa pagpapari at ang mga kilusang layko. Naging president siya ng kalipunan ng mga obispo ng bansa. Naging coadjutor archbishop siya ng Saigon noong Abril 24, 1975, subalit matapos ang anim na araw, sumuko ang Saigon sa ilalim ng North Vietnamese army.
Naligalig ang mga komunista na ang bagong arsobispo ay nagpakadalubhasa sa Roma, at isa pa, ang kanyang tiyuhin ay ang Catholic president na si Ngo Dihn Diem, pangulo ng South Vietnam mula 1955-1963.
Agosto 15, 1975, kapistahan ng Assumption of Mary, dinakip si Francis ng mga komunista. Pinahirapan, ginutom, ipinahiya, at ikinulong sa maliit na piitan na walang bintana at tumutulo pa ang bubong. 13 taon siya sa kulungan, at 9 dito ang solitary confinement.
Hindi nanghina ang loob ni Francis at hindi namanglaw ang kanyang pananampalataya, at lalong hindi siya naging mapahiganti; hindi din siya nakaranas ng mental breakdown.
Naging panahon ito ng pagbabago. Napagtanto niya na si Hesus na ipinako ang nagbuhos ng kanyang dugo para sa kaligtasan ng sanlibutan. Naging mahina siya at walang laban habang nakapako sa krus, habang nagbubuhos ng kanyang dugo para sa lahat ng tao. Habang walang kalaban-laban, tinubos I Hesus ang buong daigdig.
Gayundin si Francis, sa kanyang kahinaan sa kulungan, ang pagmamahal niya sa Panginoong Hesukristo ay lumalim at napadalisay. Sa awa ng Diyos, nagtaglay siya ng kapayapaan sa loob ng piitan. Nagsulat siya ng mga munting panalangin, na naipuslit sa labas at nating inspirasyon ng mga Katoliko. Gamit ang kanyang kamay bilang kalis at ilang patak ng alak, nakapagmisa siya mula lamang sa kanyang memorya. Pinatawad niya ang kanyang mga tagausig at naging lubhang mabuti pati sa mga guwardiya na ang iba dito ay naging mga Kristiyano at naging mga kaibigan niya.
Nakalabas siya sa kulungan noong 1988 subalit nanatiling nasa house arrest. 1991 nang pinayagan siyang maglakbay sa Roma subalit pinagbantaan na hindi na makababalik pa sa kanyang bansa. Nahirang siyang Kardinal noong 2001, at namatay sa kanser noong 2002.
Isa nang Servant of God si Cardinal Francis Xavier Nguyen Van Thuan, at ang kanyang mga naisulat ay nailathala na bilang mga aklat. Maraming mga Vietnamese ngayon ang may debosyon ng pagmamahal sa kanilang obispong ito na kahawig ng Panginoong Hesukristo sa gawi at kilos.
Ano ang nagpalakas sa mga Vietnamese sa gitna ng pagtuligsa at pag-uusig? Ang biyaya ng Diyos! Iyan din ang lakas ng lahat ng mga inuusig nga mga Katoliko ngayon sa anumang lugar sa mundo.
(by ourparishpriest.com batay sa orihinal na panulat ni Dawn Beutner)