Home » Blog » SUMASAMPALATAYA AKO PART 7: NANG MAY IKATLONG ARAW, NABUHAY NA MAG-ULI

SUMASAMPALATAYA AKO PART 7: NANG MAY IKATLONG ARAW, NABUHAY NA MAG-ULI

Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.

Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya ako kay Hesukristong iisang anak ng Diyos, Panginoon ating lahat. Nagkatawang tao siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen.

Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus namatay, inilibing. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw nabuhay na mag-uli, umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.

Doon magmumula paririto at huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao. Sumasampalataya ako sa Diyos Espiritu Santo, sa Banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga Banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkabuhay na muli ng mga namatay na tao at sa buhay na walang hanggan. Amen.

Sa ngala ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, Amen.

TEMA

Welcome muli sa ating pagpapatuloy ng pagninilay at pag-aaral natin sa panalanging Sumasampalataya Ako. Sa araw na ito ay pag-aaralan natin at pagninilayan ang kahulugan ng mga talatang “nang may ikatlong araw, na buhay na mag-uli.”

Ano ba ang kahulugan ng Pagkabuhay na muli ng ating Panginoong Hesukristo? Ang pananampalataya natin sa Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo ay isang patotoo sa nakasulat sa Awit ni Solomon 8:6. Sa Tagalog, ito ang sinasabi, “Kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon. Sinlakas ng kamatayan, tumutupok parang apoy.” Sa Ingles, ang nakita kong version ay “Set me as a seal on your heart, as a seal on your arm, for love is strong as death, jealousy is cruel as the grave.”

Pero merong mga ibang version sa English na tila mas accurate at mas lapat sa lin ng ating pagpapaliwanag sa Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang sabi doon ay hindi “for love is strong as death,” kundi “for love is stronger than death.” Na ang pagmamahal ay “mas malakas kaysa sa kamatayan.”

Sa buhay natin, ang pangunahing problema ng buhay ay naghahanap tayo ng isang pag-ibig na walang hanggan. Sabi nga ng mga kabataan ngayon, naghahanap tayo ng ating “forever.”

Iyon bang pag-ibig na magpapatuloy, iyong hindi na mapuputol, hindi na mapapatid, iyong palaging na lang nandyan kasama natin at siyang nagiging inspirasyon sa buhay natin hanggang kadulu-duluhan. Ang problema, habang naghahagilap ka ng ganitong uri ng pag-ibig, pero sa ating karanasan, alam natin, ang pag-ibig ay napuputol sa kasaysayan. Nagnanais tayo ng isang pagmamahal na magpapatuloy-tuloy, pero alam natin, ang pag-ibig sa mundong ito ay nauudlot sa kamatayan, sa pangungulila o sa pagkawasak ng mga ugnayan.

Kaya nga dito natin lalong maa-appreciate iyong sinasabi dito sa Awit ni Solomon, sapagkat ang Pagkabuhay ng Panginoong Jesus ay tanda ng higit at mas malakas na pag-ibig. Kasi ito ay ang pag-ibig na mas malakas pa kaysa kamatayan, pag-ibig na hindi kayang wasakin, hindi kayang tupukin, hindi kayang putulin ng kamatayan. Alam naman natin na ang buhay ng tao ay kung tutuusin, hindi forever, sa mundong ito, sapagkat bawat isa sa atin, bukas makalawa, sabi nga nila, hahantong tayo sa libingan.

Una-una lang iyan. Hindi magpapatuloy ang ating buhay forever. Iyong mga tao na ayaw mamatay at gustong palaging mabuhay, darating ng panahon ano, na nag-iisa na lang siguro sila sa kanilang pamilya kung ito man ay ipagkaloob ng Diyos. Pero maging ang mga taong iyan ay magkakaroon ng wakas. Sa paraiso, nangarap ang ating mga unang magulang, si Adan at si Eba. Dahil sa tukso ng ahas, gusto nilang maging tulad ng Diyos.

Gusto nilang maging mas matatag o kasing tatag man ng Diyos. Gusto nilang laging nakatayo hanggang huli at hindi kailanman mabubuwal. Pero ano ang naging katapat nitong kayabangan na ito, nitong pagnanasang ito? Ang pagnanasang ito, ang lalong nagdala sa kanila sa kamatayan.

Iyan ang kasalanan ni Adan at ni Eba. Iyan ang tunay na likas ng kasalanan. Iyon bang ayaw nating tanggapin na may limitasyon ang buhay natin sa mundong ito? Ayaw nating tanggapin na may kanto ang ating buhay at hindi ka maaaring bumagtas sa mga kanto na iyon sapagkat ikaw ay limitado. Mayroong mga bagay na hindi ka mararating sa sarili mong kapangyarihan o kakayahan.

DALAWANG PARAAN PARA PATULOY ANG BUHAY

Kaya tuloy, may dalawang paraan na ipinapakita natin iyong ating pagpupumilit na tayo ay magpatuloy na buhay sa mundong ito. Iyong isang paraan ay sa pamamagitan ng mga anak.

Opo, sa Lumang Tipan, kapag wala kang anak, ito ay sumpa. Sapagkat parang sinasabi na hanggang dyan ka na lang. Hindi na magpapatuloy ang iyong buhay, hindi na magpapatuloy ang iyong lahi, ang iyong pangalan.

Kaya doon sa Lumang Tipan, mapapansin ninyo siguro pag nagbabasa kayo ng Bible, paramihan ng anak. Kasi mas marami ang anak, mas maraming tsansa na lumawig ang buhay mo dahil iyong mga anak mo ay lumalabas na salamin ng sarili mong pagkatao. Pero may problema dito, sapagkat sa totoo lang, iyong anak mo ay hindi ikaw.

Iyong anak mo ay ibang iba sa iyo. Maaring hawig sa itsura, pero iyong ibang ugali, iba ang prinsipyo, iba ang pangarap na buhay. Pangalawa, iyong anak mo mamamatay din iyan balang araw.

Kaya mapuputol at mapuputol pa rin ang iyong pangarap na magpatuloy sa pamamagitan ng iyong anak, hindi ka pa rin magiging walang hanggan kahit na malaki ang angkan na iiwanan mo sa mundong ito.

Pangalawa na paraan para ipagpatuloy daw ng tao ang kanyang buhay sa mundo ay iyong kasikatan. Kaya may mga tao na nais na maging sikat, nais na mag-iwan ng marka sa mundong ito.

Para daw sa gayon, iyong buhay nila ay mananatili sa ala-ala ng mga tao. Lagi silang iisipin, lagi silang babalik-balikan dahil sa kanilang nagawa o narating sa buhay. Pero tanungin natin ang ating sarili, ikaw ba talaga ang inaalala ng mga tao kapagka ikaw ay pumanaw na? Hindi ba ang inaalala lamang nila ay parang alingawngaw mo lamang? Iyong inaalala nila ay parang anino mo lamang? Hindi naman talaga ikaw.

Kaya nga ala-ala e; sapagkat nandoon lang sa isip at dahil nasa isip, hindi masyadong malinaw sapagkat wala namang suporta ng physical presence mo. Nasa isip lang, nasa utak lang. Isa lang ang siguradong matatag at iyon ay walang iba kundi “Siya na Siya nga.”

Ang Diyos lamang ang lubhang matatag, ganap na matatag. Wala siyang simula at hindi rin siya lilipas kailanman. Nananatili siya sa gitna ng kumukupas na daigdig.

Siya ang Diyos ng mga buhay. Ang Diyos na buhay. Ang Diyos.

At siya ang may hawak sa akin, sa iyo, sa atin. Sa isip at puso ng Diyos, hindi lang tayo anino, hindi lang tayo alingawngaw. Nasa isip niya tayo, nasa puso niya tayo, kaya tayo ay nabubuhay ngayon.

LOVE IS STRONGER THAN DEATH

Tayo ay nabubuhay dahil sa kanya, hindi iyong anino lang natin o iyong alingawngaw natin, subalit tunay tayong nabubuhay dahil tayo ay minamahal at kinakalinga ng Panginoon. Balikan natin uli iyong sinabi natin, “Love is stronger than death.” Kung titingnan natin ang salitang ito, ang sentence na ito, makikita natin na ang buhay pala ay pumapangalawa lamang sa pag-ibig.

Kung “Love is stronger than death,” ibig sabihin iyong pagmamahal ng Diyos ang talagang mas makapangyarihan kaysa kamatayan. So mas makapangyarihan siya kaysa sa buhay. Ang buhay natin bilang nilalang ay pumapangalawa lamang sa pag-ibig ng Diyos.

Kaya siya na muling nabuhay, hindi na siya nabubuhay tulad dati, tulad ng nakalipas niyang buhay dito sa lupa. Ang buhay ni Kristong Muling Nabuhay ay hindi na physical o biological life, hindi na katulad ng buhay niya noong unang siya ay nagkatawang tao.

DALAWANG LEVEL NG BUHAY

Alam niyo po iyong mga Griyego, naniniwala sila na may iba’t ibang level ng buhay.

Ang isang level ng buhay ay iyong tinatawag nila na “bios,” kung saan kinuha iyong salitang biology, di ba, iyong science of life. At meron din silang tinatawag na “zoe,” o iyong tiyak at ganap na buhay, iyong tunay na buhay. Sa science, ang itinuturo sa atin iyong bios, kaya nga tinuturo sa atin iyong evolution, di ba, iyong pagsisimula o pag-usad ng buhay dito sa lupa.

Sabi, una daw nagsimula tayo sa alabok, pagkatapos nagkaroon ng mga atoms, ng mga cells, ito ay naging mga halaman, dito din nga umusbong iyong mga hayop, at sa huli nagkaroon ng tao. O, libo-libong taon daw ang dinaanan ng evolution para marating iyong pagdating ng tao sa mundong ito. Ang huling antas ng evolution na ito ay hindi na physical, kundi spiritual.

May kinalaman sa espiritu, sa kalayaan, sa pag-ibig. Hindi na physical evolution ang batayan ng buhay ng muling nabuhay na si Kristo (at tayo din kapag tayo ay muling nabuhay) kundi ang pasya at kaloob ng Maykapal.

Iyong bios, iyan ang buhay natin ngayon sa lupa. Pero pag tayo ay muling nabuhay katulad ni Kristo na Muling Nabuhay, ang buhay na iyan ay zoe, o ang ganap, tunay na buhay na nagmumula sa Panginoon sapagkat ito ay kaloob ng Maykapal.

ANG PAGKABUHAY NA MULI NI HESUS: “FOREVER” NA PAG-IBIG

Ano ang kaugnayan nito kay Hesus? Sa Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo, makikita natin ang katotohanan ng kanig ganap na pag-ibig sa lahat ng tao.

Iyong kanyang “total love for all of us.” Ito ang nagdala sa Krus sa kanya. Ito ang nagdala sa kanya sa kamatayan.

Pero ang pag-ibig na ito ngayon ay nagiging perpekto na sa kanyang pagtawid at pagbabalik sa Ama. iyong pag-ibig na yan na sobrang tindi, mas malakas pa kaysa kamatayan, naging ganap na pagiging kaisa ng Ama at ng Espiritu sa walang hanggan. iyong pag-ibig ng tao, iyong inaasam natin na pag-ibig na walang hanggan na may forever, finally, narating na rin natin iyan sa pamamagitan ni Jesus.

Si Jesus ang patunay na ang pagmamahal ay forever. May pagkawalang-hanggan na bunga ng pag-ibig kapag ang pag-ibig na ito ay perfect. Katulad ng pag-ibig ng Diyos kay Kristo Jesus.

Kaya ang Diyos ay walang hanggan kasi ang pag-ibig Niya din ay walang hanggan. Kaya nga naniniwala tayo na Iisa ang Diyos pero ang Diyos ay Tatlong Persona: walang hanggan na palitan ng pag-ibig ng Ama, anak at Espiritu. Walang kinikilalang panahon o oras. Basta ito ay nagpapatuloy lamang forever.

Kaya nga, tunay na kakaiba ang Diyos ng mga Kristiyano. Ang Diyos ay ganap na pakikipag-ugnayan. Absolute pero relative. Iisa subalit hindi nag-iisa.

Ang Diyos ay ganap sa kanyang sarili, “absolute.” Wala nang kailangan. Kumpleto na.

Pero “relative,” sapagkat lagi Siyang nakikipag-relate, nakikipag-ugnayan.

Hindi tulad ng Diyos na iniisip at sinasamba ng ibang mga relihiyon. Naniniwala nga sila sa isang Diyos. Pero iyong Diyos na iyon nakakulong lang sa kanyang sarili. Ang Diyos ng mga Kristiyano ay hindi ganoon. Ang Diyos ng mga Kristiyano ay Ama, anak at Espiritu Santo na nakikipag-ugnayan, nagmamahalan, magpasawalang hanggan.

Kakaiba sa pananaw ng mundong ito. At makikita natin, ii din ang challenge sa atin. Habang tayo ay nasa deigdig, kapag gusto nating tularan ang ating Panginoon, ganoon din dapat; na tayo din ay magmahal sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan. Hindi po pwedeng mahalin lamang ang sarili. Nakakulong lamang sa sarili. Kailangan lumabas ng sarili para mahalin ang kapwa.

Ang kawalang-hanggan ay batay sa pag-ibig at bumubukal sa pag-ibig na walang hanggan. Kaya nga, siya na may wagas na pagmamahal para sa lahat, siya lamang ang may karapatan na magdulot ng walang hanggang buhay din para sa lahat.

At iyan ang kahulugan ng Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang kanyang Pagkabuhay ang ating buhay ngayon. At ang pag-asa ng ating buhay sa hinaharap.

Sabi nga ni San Pablo sa 1 Corinthians 15, dahil nabuhay siya, tayo din mabubuhay. Kung hindi siya nabuhay, hindi tayo mabubuhay. Hindi kamatayan ang may huling halakhak sa atin, sabi ni San Pablo.

Subalit siya ay nabuhay, kaya tayo ay mabubuhay. Kapag ang pinagbatayan natin ay ang sarili nating pag-ibig, wala tayong mararating. Pero dahil dinala niya tayo, pinangko niya tayo, isinama niya tayo sa kanyang kamatayan at sa kanyang Muling Pagkabuhay, may pag-asa na makararating din tayo sa walang hanggan doon sa langit.

Pero tandaan natin mga kapatid, hindi tayong lahat ay makararating sa walang hanggan o sa langit, nang dahil lang mahal tayo ng Diyos, nang dahil lang inibig tayo ni Kristo at dinala niya tayo, pinangko niya tayo, kinarga niya tayo sa kanyang pagmamahal. Bakit? Kasi dapat din ay ibukas natin ang ating puso sa pag-ibig na ito. Isang batayan ng buhay na walang hanggan ay kung paano naman natin isinabuhay ang paanyayan ni Hesus na tanggapin ang kanyang pag-ibig at ibahagi ito.

LAMPAS SA KASASAYAN SUBALIT NAGSIMULA SA KASAYSAYAN

Ang sabi nga natin, ang buhay ni Kristong Muling Nabuhay ay hindi na “bios” o biological, pang lupa, kundi “zoe,” pang langit, pang walang hanggan.

Hindi na ito nakabatay sa kasaysayan ng buhay sa mundo, kundi lumampas pa sa kasaysayan ng tao, higit pa dito. Subalit, natandaan natin, ito ay nagsimula sa kasaysayan, sapagkat si Kristo ay nagkatawang tao, nakipamayan sa atin, naging bahagi ng kasaysayan ng tao bago siya namatay at muling nabuhay. Kaya iyong buhay niya ngayon, bagamat hindi na nakatali sa kasaysayan natin, dito pala nagsimula sa kasaysayan ng ating daigdig.

Dahil ito ay, kung tutuusin, regalo niya para sa ating kasaysayan, para sa ating mga tao na umaasa sa kanya ngayon. Ito ang pag-asa ng pagbabago ng ating buhay. Marami pong bagay tungkol sa Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang hindi malinaw at kailangan nating talakayin pa ng mas malalim.

Pag binasa natin sa Bible, may mga tanong pa rin tayo sa ating isip, sa ating puso. Subalit, ang pinakamahalaga, iyong mga pangunahing paliwanag, pangunahing elemento na maaari at dapat nating matutunan, ibinigay na sa atin niya ng Salita ng Diyos. Ibinigay na sa atin ng Panginoon.

Pagkatapos ng Muling Pagkabuhay, hindi na bumalik si Hesus sa dati niyang buhay sa lupa. Hindi katulad noong anak ng babae sa Naim, anak ng biyuda na binuhay ng Panginoong Hesukristo, ililibing na sana pero nakasalubong ng Panginoon. Sa Gospel ni St. Luke, binuhay niya ito.

Iyong lalaki na iyon, pagdating ng panahon ng kanyang katandaan, mamatay siya ulit. Si Lazaro na kaibigan ng Panginoon sa Gospel ni St. John, binuhay ng Panginoong Hesukristo ang kanyang kaibigan. Pero pagdating ng takdang panahon, si Lazaro ay mamamatay muli.

Pero ang nabuhay na muli na si Kristong ating Panginoon ay nasa tiyak na mas mataas na antas ng buhay. Kaya hindi na siya muli pang mamatay. Hindi na sakop ng batas ng buhay sa lupa.

At dahil doon, lampas na siya sa impluensya ng kamatayan. Ang kanyang buhay ay forever. Doon sa kawalang-hanggan ng pag-ibig.

Kaya nga, iyong mga pakikipagtagpo kay Kristo na muling nabuhay, ang tawag sa Bible ay mga appearance, mga pagpapakita. Minsan, nagpapakita ang Panginoon pero hindi nila agad napansin. At kung mapansin man, naiisip nila at nararamdaman nila na nananatili nang kakaiba sa kanila ang Panginoon, hindi na tulad ng dati.

Kung pinayagan lamang niya na makita siya, kaya nabubuksan ang isip ng mga tao at ang kanilang mga puso sa kanyang presensya. Kaya nga sa Bible, hirap na hirap ang Bible na ilarawan ang pakikipagtagpo ng Risen Christ o nang nabuhay na Kristo. Kasi halos imposible.

Paano mo nga ide-describe ang ibang uri ng buhay? Para bang ang ating salita ng Diyos, ang Bible, ay nauutal kapag ikinukwento ang mga tagpong ito. Merong kasing tensyon na nagaganap. Si Jesus ay nahihipo ng mga alagad pero at the same time, hindi nila kailangang hipuin. Siya ay nakikilala pero at the same time, may pagkakataong hindi rin nila nakikilala.

Siya ay katulad ng naipako na Kristo na nakita nila sa Kalbaryo pero ngayon nakikita nila, ibang-iba na siya at ganap na ang kanyang pagbabago. Taglay niya ang mga sugat ng pagpapako sa krus pero hindi na siya nababaon doon sa mga sugat na yon. Hindi na nagagapos ng mga sugat kundi naghilom na ang mga sugat.

Kapag tinignan natin iyong kwento ng Emmaus, iyong dalawang alagad na naglalakad papunta sa Emmaus pagkatapos ng kamatayan ng Panginoon, hindi nila alam na sinabayan sila ng Panginoon sa kanilang paglalakad. Sa simula, tila normal ang salaysay ng pakikipagtagpong ito. Subalit mapapansin natin, mahiwaga iyong paglitaw ng Panginoong Hesukristo, di ba? Biglang na lang sumama siya doon sa dalawa, hindi alam kung saan nagmula.

At noong sila ay kumakain na, noong malaman nila, mabatid nila na ang kaharap nila ay ang Panginoon, biglang mahiwaga din na naglaho sa Hesus sa harap ng mga alagad. Hindi nakilala ng mata, pero nag-aalab ang puso. Iyan ang karanasan ng dalawang alagad nang kinukwento nila.

Kaya pala nag-aalab ang aming mga puso. Hindi namin nakilala ang kanyang mukha, hindi namin natandaan ang kanyang boses, pero nag-aalab ang aming puso. Malinaw na dito, ang pakikipagtagpo kay Hesus ay bago na, bagong level, mas mataas na level.

PAGKABUHAY AT EUKARISTIYA

Ang hindi maipaliwanag ay isinalarawan sa pamamagitan ng mga simbolo o ng liturhiya. Kaya nga po dito makikita ang relationship ng “theology ng resurrection” at “theology ng liturgy.” Kasi paano ba nakilala ng dalawang alagad na ito na ito nga ang Panginoon ang kausap nila? Sa pamamagitan ng dalawang bagay, Salita at Sakramento.

Diba? Iyong Salita, ipinaliwanag ng Panginoon kung ano ang dapat mangyari sa Mesiyas. At dun sa Sakramento, noong hinati niya ang tinapay sa kanilang harapan, bigla nilang naalala, ito nga siya, ganyan ang ginawa niya sa huling hapunan. Kaya iyon palang liturgy natin, iyon palang pagsamba natin, iyong Eucharistia na ginagawa natin linggu-linggo, iyan pala ay nakabatay sa Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.

Ito na pala ang bagong pakikipagtagpo niya sa atin. Ibang level na ang paglapit natin sa Panginoon; sa pamamagitan ng mga tanda ng kanyang salita at ng kanyang Sakramento. Kalakbay pa rin natin siya sa daan.

Kapag nagdiriwang tayo ng Eucharistia, nagaalab pa rin ang ating puso at binubuksan pa rin niya ang ating mata at ang kanya, ang ating mga isipan. Kasama pa rin natin ang muling na buhay. At natatagpuan pa rin tayo ng Panginoon tulad nang natagpuan niya ang mga alagad.

Di ba iyong mga alagad na ito, nang sila ay papunta sa Emmaus, bagsak ang diwa, malungkot, lugmok. May mga pagkakataon di ba pag nagsisimba tayo, pag tayo nagdarasal, pag sumasamba tayo sa Panginoon, ganun din tayo. Ang ating puso ay puno ng pagkabagabag, ang ating damdamin ay malungkot, ang isip natin ang dami-daming mga alalahanin.

Pero nagsisimba tayo, sumasamba tayo sapagkat umaasa tayo na bubuksan ng Panginoon ang ating mga mata, kakalamayin niya ang ating kalooban at makikita natin siya sa pagtanggap natin ng kanyang Katawan at Dugo. Pero iyong kwento ng Pagkabuhay ay tatandaan natin po ha. Hindi iyan tungkol sa simbolo lamang o tanda lamang.

Hindi iyan larawan lamang ng pagmamahal ng Panginoon. Ang kwento ng Pagkabuhay ay tunay na pangyayari. Kaya nga na siya naging basehan ng pananampalataya natin.

Kaya naging pundasyon siya ng sakramento kasi naganap. Tunay na nangyari. Kung hindi iyan tunay na nangyari, wala tayong sakramento, walang paguhugutan iyong ating pagsamba.

Subalit ito ay isang pangyayari na hindi galing sa mga alagad. Ang Pagkabuhay ay isang pangyayari na galing sa langit at kaloob sa atin. Hindi galing sa ating sariling puso.

Hindi kathang-isip lamang. Tayo ay naniwala sapagkat nakita natin na dati may laman ang puntod pero ngayon empty tomb. He is alive.

Ang Panginoon na dating dumating mula sa kinaroroona ng Ama at bumaba sa lupa ay muling naroroon at hindi na limitado ng puwersa ng lupa, ng mundo, ng daigdig natin. Nagtagumpay na siya sa kamatayan dahil sa matindi at ganap niyang pag-ibig. Mga kapatid, sana nakatulong kahit papaano para sa isang malalim na pagkilala, pagunawa at pag-appreciate ng ating panalanging “Sumasampalataya Ako” at higit sa lahat ng ating pananampalataya kay Kristong Muling Nabuhay.

Ito po ay isang pagbabahagi ng theology ng Pagkabuhay ni Kristo. Hindi basta katesismo lamang na question and answer, iyong kakabisaduhin kundi mga punto para pagnilayan, palalimin at higit sa lahat, isabuhay at ibahagi sa ating kapwa.