IKA-ANIM NA LINGGO NG PAGKABUHAY A
PAGMAMAHAL ANG MATA
JN 14: 15-21
MENSAHE
Nagpakita si Kristong Muling Nabuhay sa Mahal na Birhen, sa mga apostol, sa mga piling babae, at sa mga alagad. Subalit hindi siya nagpakita sa mga Pariseo, escribe, puno ng bayan, at sa mga Romano. Nagtataka tuloy ang marami; siguro kung ginawa niya ito, mas madali at mas marami ang agad naniwala sa kanya.
Isinasaad ng Mabuting Balita ngayon ang isang natatanging kondisyon na namamayani sa pagitan ng Panginoong Hesukristo at ng kanyang mga tagasunod. Ito ay pagmamahal, pag-ibig; pagmamahal ang gumaganyak sa isang tao na tupdin ang mg autos ng Panginoon. Pagmamahal ang nag-uugnay sa isang tao kay Hesus at sa Ama. Ang pagmamahal ang nagtutulak kay Hesus na ipahayag ang sarili nang ganap.
Ayon kay Hugo of St. Victor, isang theologian at mistiko, “ang pagmamahal ang mata.” Ang nagmamahal daw ang siyang nakakakita nang mas malinaw at mas malalim. May linaw kapag nakakakita ang tao sa mata ng pagmamahal kaysa sa mata ng pagdududa, ng alinlangan, ng kawalang-paniniwala. Ito ang dahilan at tanging ang mga malapit lamang kay Hesus ang nakakita sa kanya matapos ang kanyang Muling Pagkabuhay; sila kasi ang tunay na nagmahal sa kanya! At ang kabaligtaran ay totoo; kung walang pag-ibig, hindi masisilayan ang Panginoon.
Sa pagmamahal, ibinabahagi ng Panginoon ang kanyang Kaloob, ang Espiritu ng Katotohanan. Hindi matatangap ng daigdig ang Kaloob na ito dahil wala itong pagmamahal sa Panginoon. Tanging ang pusong bukas at laan sa kanya ang tatanggap ng Espiritu Santo na isinusugo ni Hesus.
MAGNILAY
Sa katahimikan ng panalangin, pagnilayan ang pagmamahal mo kay Hesus. Minamahal mo ba siya tulad ng nararapat: buong debosyon at pagtatalaga ng sarili sa kanyang mga salita? Ang pagmamahal mo ba sa kanya ay nagdadala sa iyo sa pagtitimpi, pagpapatawad, at paglilingkod sa kapwa? Hilingin sa Espiritu Santo ang natatanging biyaya na mahalin ang Diyos at manatili sa kanyang harapan.