Home » Blog » IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

ANG DIYOS UNA SA LAHAT

MT 10: 37-42

MENSAHE

May ilan na nagtataka kung bakit hindi tahasang ipinahayag ng Panginoong Hesus na siya ay Diyos, katulad ng Ama. Ang simpleng tugon ay ang paraan ng pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan; ang paggalang niya sa antas ng ating pang-unawa. May mga mahahalagang kaisipan na dapat paghandaan. Ang pagbubunyag ng Diyos ay dahan-dahan at lumalago.

Subalit sa ibang mga paraan, ipinaramdam ni Hesus na siya ay Diyos. Isang paraan ay ang kanyang pag-angkin ng karapatan sa buong-buong puso at isip ng mga alagad, na sa Diyos lamang nababagay. Kaya walang sinuman, ayon sa Mabuting Balita, kahit ang pinakamalapit na minamahal, ang magmamay-ari ng unang puwesto sa buhay ng isang alagad. Ito ay para lamang sa Panginoon.

Isang biyudo na nag-asawa muli ang tinanong kung sino ang mas minahal niya, ang una o ikalawang asawa. Ang tugon niya ay matalino at praktikal. Nang buhay ang unang asawa, ito daw ang numero uno sa buhay niya. Ngayong nag-asawa siyang muli, ito naman ang numero uno sa buhay niya ngayon. Walang asawa, una man  o ikalawa, ang dapat maramdaman na siya ay pangalawa lamang, sabi niya.

Ang buong-buong pag-angkin ni Hesus sa katapatan ng ating puso ay hindi emosyon o teoriya lamang. Ito ay tahasan at praktikal dahil dapat itong makita sa paglilingkod na ibinibigay natin sa kapwa, at hindi lamang sa mga dasal o gawang pangsimbahan. Ang pinakadukha na tao sa iyong harapan ay dapat maramdaman ang iyong pagmamahal kay Hesus, ang pagmamahal na siyang bumabalot sa iyong buong katauhan at nagbibigay ng kahulugan sa iyo.

MAGNILAY

Minamahal mo ba ang Panginoon nang higit sa lahat? Nakikita mo ba siya sa mga taong kasalamuha mo bawat araw sa bahay, paaralan, trabaho, o pamayanan? Kung meron man, ano ang nagiging sagabal sa lubos mong pagsuko ng sarili sa Panginoong Hesukristo?