IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
DAPAT WALANG PUWERA, HA!
MT 15: 21-28
MENSAHE
Sa ilang kulturang Asyano, ang mga banyagang puti at taga-first world, ay hinahangaan at tinitingala dahil sa kulay ng balat, tangos ng ilong, at pagsasalita ng Ingles. Sa ilang paaralan sa Thailand, pati mga turistang walang tinapos sa kolehiyo ay kinukuhang guro kasi panghatak ito sa mga magulang na akala nagiging international school ang paaralan dahil may banyaga. Hindi iilan na mga kababaihan sa Asya, kabilang ang mga Pinay, ang nangangarap na makapag-asawa ng “afam” – a foreigner around manila – sa paniniwalang maiaahon sila ng mga ito sa marangyang buhay sa ibang bansa.
Maraming mga Hudyo sa panahon ng ating Panginoong Hesus ang nag-akala na sila ay mataas kaysa mga banyagang nakapaligid sa kanila. Hindi ito mula sa Diyos dahil malinaw sa Kasulatan na ang Diyos ang Ama ng lahat ng tao. Kaya binasag ni Hesus ang ilusyong ito. Sa Mabuting Balita ngayon, itinanghal niya ang pananampalataya ng banyagang babae na mas marubdob ang pananampalataya sa kapangyarihan ng pagpapagaling ng Diyos kaysa sinuman sa madla.
Tulad ng mga Hudyo noon, tayo naman ngayon ay malimit ding magbukod ng sarili sa iba, maaaring tumitingala sa ibang lahi o kaya naman nangmamaliit ng ibang taong hindi natin kauri. Subalit hinahamon tayo ng Panginoon: itinuturo niyang pantay ang karangalan ng lahat sa mata ng Diyos. Tayong lahat ay anak ng Diyos at kaya magkakapatid. Pareho ng dangal at halaga sa kaharian ng Ama. Isang Amerikanong aktor, nang makita ang isang tanong sa questionnaire tungkol sa “lahi” ang sumagot ng simple na “tao,” hindi Amerikano, Pilipino, Hapon o Aprikano, kundi simple, “tao.”
Habang sinusuri natin ang ating mga puso, katulad ba ito ng tibok ng puso ni Hesus? O baka may mga nai-puwera na sa ating pagmamahal? Baka may mga taong sa tingin natin hindi dapat pagmalasakitan? Baka may mga itinatwa o inihiwalay na natin sa ating mga ugnayan? Sino ba ang mga banyaga sa ating buhay?
MAGNILAY
Panahon na upang harapin ang ating mga pagkiling man o pagtatwa sa iba; sino ba ang mga “banyaga” o “dayuhan” na walang puwang sa puso mo? Bilang mga Kristiyano, hilingin natin sa Panginoon ang pusong mababang-loob at bukas, sanay gumalang at tumanggap sa kapwa.