Home » Blog » IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-21 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

TAHIMIK AT DAHAN-DAHANG PAGBUBUNYAG

MT 16: 13-20

MENSAHE

Bakit nga ba hindi tahasang ipinahayag ni Hesus na siya ay Diyos? Mas epektibo yata ito kung ganoon. Pero pinagbawalan niya ang mga alagad na ipagsabing siya ang Kristo. Kaya ngayon, ang mga Muslim, Iglesia ni Cristo, at maraming kulto ang ayaw maniwala sa Panginoon dahil hindi niya daw direktang sinabi ang tunay niyang kalagayan.

Subalit hindi kailangan ng mga alagad ang mga eksaktong salita. Habang nakikipamuhay sa Panginoon, nagmatyag sila sa kanyang mga kilos, nakinig sa kanyang mga salita, nasaksihan ang mga himala, at namangha sa pagbabago ng buhay ng mga nakasalamuha ng Panginoon. May iba pa bang bumuhay ng mga patay? May iba pa bang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? May iba pa bang nakahilom ng mga puso at buhay na wasak?

Kaya nga hindi mahirap kay Pedro na isiwalat ang laman ng kanyang puso: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay!” Hindi lamang ito nagmula sa kanya kundi sa dahan-dahan at tahimik na paggabay ng Ama na nagbubunyag sa kanyang puso. Bunga ito ng pakikipagtagpo, hindi bunga ng isa lamang doktrina o turo.

Ganoon din naman kay Pedro. Hindi pinili ng Panginoong Hesus si Pedro dahil nagpakitang-galing ito. Hindi siya ang likas na lider o pinuno; mabagal umunawa, masyadong mapusok. Subalit dama ni Hesus ang puso ni Pedro: na ito ay puno ng pagmamahal, handang mag-alay, laan na mamatay para sa Mabuting Balita at sa Kaharian. Kaya, sa kanya ipinagkaloob ang bagong pangalan, Pedro – ang bato na kung saan itatayo ang simbahan.

Sa ating buhay, mahiwaga  man at totoo, may mga bagay na halata agad sa isang sulyap lamang ng puso kahit na hindi nakikita ng mata. Bakit nga ba patuloy mong mahal ang taong ito? Bakit nagsisikap ka sa trabaho na iyan? Bakit ayaw mong bitiwan ang pangarap mo? Maraming beses kasi, may ibinubunyag ang Diyos sa atin, dahan-dahan at tahimik, na walang mga salita o tanda man. Alam natin, dama natin, tiyak natin, dahil tayo ay ginagabayan.

MAGNILAY

Mula sa kanyang puso, naipahayag ni Pedro ang pananampalataya kay Hesus ng buong Bayan ng Diyos. Mula sa kanyang puso, pinagtibay ni Hesus ang katungkulan ni Pedro, matapat subalit hindi perpektong alagad. Makinig tayo sa Panginoon sa linggong ito; makinig tayo sa kanyang tahimik na mensahe: Ikaw ay aking anak, pinagtitiwalaan ko, itinataguyod ko, minamahal ko; buhay ka dahil may misyon pa ako para sa iyo.