Home » Blog » IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

HANGAD NG DIYOS ANG PAGBABAGO

MT 21: 28-32

MENSAHE

Pinagtitibay ng mga pagbasa ngayon ang katotohanan na pinahahalagahan ng Diyos ang pagbabagong-puso. Nalulugod siya sa pusong bato na lumalambot kaysa pusong nanigas na. Natitigatig siya sa bakal na pasya na handang mabali kaysa sa katigasan ng ulo na tumatangging magbago. Sang-ayon ang Diyos sa disintunadong tono na unti-unting tumatama kaysa sa matamis na himig na hindi naman angkop sa okasyon.

Hindi ba napakagandang balita ito? Ibinubunyag ng Panginoong Hesus ang kanyang puso, ang puso ng kanyang Ama, na laging nakasuporta sa ating pasyang magbago para sa ikabubuti. Sa una, ang panganay na anak ay nagmatigas subalit nagpalit ng pasya at sumunod sa ama. Ang mga makasalanan na sanay na sa likong pamumuhay ay tumalikod sa kamalian at tumalima sa Salita na nagdudulot ng dalisay na kagalakan at tunay na buhay.

Paalala ng unang pagbasa na kakaibang mag-isip ang Diyos sa atin; kumikiling tayo sa mukhang mabait at namumuhi sa mukhang masama. Hindi sinasabi ng Mabuting Balita na mas mahal ng Diyos ang mga makasalanan kaysa mga matuwid; hindi rin nangangahulugan na mas malapit ang langit sa mga lumalabag sa utos kaysa mga tumatalima sa atas ng Panginoon. Sa halip, minamahal, tinatanggap, inaanyayahan, at niyayakap ng Diyos lahat ng lumalapit na may pusong bukas, pusong handang magbago dahil sa pagmamahal ng Panginoon.

MAGNILAY

Naniniwala ba akong perpekto na ako? Nakikita ko bang batbat ako ng kahinaan at kasamaan? Pareho lang ang paanyaya ng Panginoong Hesus sa atin: Lumapit ka na may pagnanasang magbago, pagnanasang magsimula, pagnanasang manariwa.

*Salamat sa Diocese of Malolos Liturgical Commission sa pagmumungkahing basahin ang aking serye ng mga aklat na “Isang Sulyap sa mga Banal…”; maaaring out of print na ang mga libro subalit ang nilalaman nito ay narito din sa website na ito. God bless you po!