Home » Blog » IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

SULYAPAN NATIN ANG KANYANG PANANAW

MT 21: 33-43

MENSAHE

Ang unang pagbasa at ang Mabuting Balita ngayon ay may pagkakatulad. Kapwa may ubasan; kapwa ang may-ari ay umaasa ng mabuting ani. At kapwa inilalarawan ang pagkabigo ng may-ari na sumabog sa galit. Sa unang pagbasa, iniwan niya ang lupain; sa Mabuting Balita, pinarusahan ang kanyang mga katiwala.

Ito ba ang larawan ng Diyos? Nagagalit, napopoot, naghihiganti? Sa panahon ng social media, kung tutuon lamang tayo sa dulo ng salaysay, tila magandang “viral” post, comment o kwento ito. Nakatutuksong ipakita ang mukha ng isang Diyos na sobrang umasa sa mga tao at nagalit nang hindi makuha ang gusto. Nakatatakot na Diyos ito!

Subalit bilang mga Kristiyano, hindi tayo alipin ng patibong ng social media. Alam natin at hinahamon tayo na mag-isip, magnilay, magsaliksik ng buong kuwento. Bago masiphayo at magalit ang Diyos, hindi ba ibinuhos niya lahat ng pagmamahal sa kanyang ubasan, lahat ng pang-unawa sa kanyang mga katiwala? Kaya nga, ang sumunod na tagpo ay damdamin pala ng Diyos na nasaktan, tinalikuran, at pinagtaksilang ng kanyang mga minamahal.

Sa ating kaugnayan sa Diyos, bakit lagi na lang ang ating damdamin ang ating pinapansin? Kung tunay itong kaugnayan, hindi ba dapat, isaalang-alang din natin kung ano ang pakiramdam ng Diyos kung tayo ay masuwayin, suwail, at matigas ang puso? Nasasaktan talaga ang Panginoon kung kasabay ng ating pananampalataya sa kanya, patuloy pa din ang ating pangaraw-araw at nakatagong mga diyus-diyosan. Hindi siya nasisiyahan na may kaagaw sa ating katapatan at debosyon.

MAGNILAY

At sa kabila ng kanyang nararamdamang sakit, hindi tayo iniiwan ng Panginoon; hindi tayo pinababayaan. Patuloy pa din ang kanyang pagnanasang magbabago tayo. Maaaring tigang ang ubasan, at suwail ang mga katiwala, subalit ang puso ng Diyos ay patuloy na umaasa sa ating pagbabalik, pagbabago, at muling pagtalima. Ito ang Diyos ng Banal na Kasulatan: makatarungan subalit maawain, nasusugatan subalit umaasa pa rin. Amen.