Home » Blog » IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

HALINA SA MARANGYANG PIGING!

MT 22: 1-10

MENSAHE

Nang maanyayahan ang isang Amerikano sa agahan ng isang pamilyang Asyano, sobrang gulat niya! Naghanda ng 18 putahe and pamilya para sa kanya. Dito sa atin sa Asya, mahalaga ang magiliw na pagtanggap o hospitality sa mga panauhin. Ganoon din sa panahon ng Panginoong Hesus kung saan ang mga Hudyo din ay may malaking pagpapahalaga sa pagtanggap sa mga bisita.

Kaya ganoon na lang iyong hari sa Mabuting Balita ngayon na naghanda ng marangyang piging para sa kasal ng kanyang anak. Kumpleto na ang pagkain, inumin, at musika at tanging ang mga bisita na lang ang kulang. Subalit ilan sa mga ito ay tumanggi, ang iba ay nagwalang-bahala, at ang iba ay nang-away pa sa mga nautusang sumundo sa kanila. Hindi naman natinag ang hari. Lalo pa niyang binuksan ang pintuan ng tahanan sa lahat ng tao sa labas na nais makipagdiwang.

Ngayon, ang Diyos na ating Hari ay patuloy naghahanda ng piging kung saan lahat ay inaanyayahan at inaasahan. Ang pagdiriwang ay sa karangalan din ng kanyang Anak at nais niyang lahat ay makiisa at makinabang. Nagaganap ito sa Eukaristiya kung saan nag-aalay ang Panginoon ng pampalakas sa katawan at kaluluwa sa pamamagitan ng Salitang ipinapahayag at ng Katawan at Dugo na hinahati at ibinabahagi.

Ang malungkot lang, marami ang tumatanggi o nagwawalang-bahala pa din. Abala tayo sa ibang bagay. Maraming ibang kinagigiliwan. Nagbago ang ating panlasa kaya nakakalimutan natin ang tawag na maging panauhin tuwing Linggo sa Banal na Misa. Subalit balang araw, kung madarama natin ang gutom na hindi mapupuno ng mundo o ang uhaw na hindi mapapawi ng ating sariling kakayanan, maalala nawa natin ang Hari na laging nag-aanyaya sa kanyang handaan. Buong tiyaga siyang naghihintay na makisalo tayo sa kanya.

MAGNILAY

Ano na ba ang pananaw mo sa Banal na Misa? Sabik ka pa ba o bagot na? Debosyon mo ba ito o tradisyon na lamang? Ngayong linggong ito, ipanalangin natin ang biyaya na muling matuklasan ng marami ang pagkabukas-palad ng Diyos na nag-aanyaya sa atin sa kanyang presensya at nagbabahagi sa atin ng kaloob niyang makalangit na pagkain at inumin sa Eukaristiya.